PANIMULA

10 1 2
                                    

PANIMULA


ISANG di kilalang nilalang ang bigla na lang lumitaw sa harapan ni Prinsesa Arvia. Hindi niya mawari ang uri niyon dahil hindi ito nabibilang sa uri nila na nakatira sa kaharian ng Mandar. Hindi rin ito nabibilang sa ibang nilalang sa kanilang mundo sa pagkat ito ay may hulma ng tao ngunit naiiba ang pang-itaas na katawan niyon. Waring itim na usok ang katawan niyon at may dala pang isang sandata. Ang pinagtatakhan niya ay wala itong mukha. Alam niyang nakaharap ito sa kanya ngunit tila ba isang walang hangganang itim na usok ang lumalabas sa mukha niyon.

"Isan pagbati, tagapagmana ng trono ng Mandar," bigla ay may boses na nagmumula sa nilalang iyon.

"Sino ka at ano ang iyong pakay sa akin?" Matigas ang boses na sabi ni Prinsesa Arvia. Hindi dapat siya magpakita ng kahinaan sa nilalang na iyon. Dahil baka siya ay biglang sakmalin at hindi siya makalaban. "Paano mo'ng nasabi na ako ang tagapagmana ng trono?"

"Sapagkat ikaw ang nakatakdang mamuno ng Mandar kung sakaling ikaw ay makakaligtas sa pananakop na magaganap," sagot naman nito. "Ako ang Oraculo. Ako'y naparito upang ihayag sa iyo ang maaari mo'ng gawin upang matulungan mo ang inyong mundo sa pagwasak ng balanse."

Nalilito si Prinsesa Arvia sa mga pinagsasabi ng nilalang na nagpakilalang Oraculo. Hindi niya alam kung saan ito nanggaling at kung ano ang ibig na ipahiwatig nito. Ang lahat ay hindi malinaw sa kanya.

"Nais kong mapunta sa tagapangalaga ang susi ng inyong mundo upang kayo ay maligtas mula sa pananakop. Huwag mo'ng hayaang mapunta ang susi sa mga kamay ng isang makapangyarihang nilalang na ang tanging hangad ay ang matinding kaguluhan at pagwasak sa iba't-ibang uri ng dimension. Sapagkat iyon ang magdadala ng iyong katapusan."

"T-Teka lang. Ano'ng susi ang tinutukoy mo?"

"Pangalagaan ninyo ang taong maghahanap ng susi ng inyong mundo. Hindi maaring mapunta sa mga kamay ni Lacresia ang susi." Ulit ng Oraculo.

"Maaari mo ba'ng ipaliwanag sa akin kung anong susi ang tinutukoy mo at kung bakit kailangan naming protektahan ang isang taga-lupa? At sino si Lacresia?"

"Protektahan ang susi at ang taga-lupa. Huwag hayaang mapunta ang susi sa mga kamay ni Lacresia." Paulit-ulit na sambit ng Oraculo hanggang sa ito ay unti-unti'ng naglalaho na para bang usok na unti-unting nawawala sa kawalan.

Hindi mawari ni Prinsesa Arvia kung gaano na siya katagal na nakatitig sa kawalan kung saan naglaho ang Oraculo. Marami sa mga nasabi nito ang hindi niya maintindihan. Kailangan niyang malaman ang sagot sa mga tanong niya dahil nakasalalay doon ang kinabukasan ng mundo nila.

Ang sabi ng Oraculo ay siya ang tagapagmana ng trono. Ang ibig ba'ng sabihin nito ay may hindi magandang mangyayari sa Reyna Aquareina at sa kanyang nakakatandang kapatid na tagapagmana ng trono?

Mas dumoble ang takot na naramdaman ni Prinsesa Arvia sa kadahilanang hindi niya kaya ang mawala ang mga mahal niya sa buhay. Lalo na ang mamuno.

Akma sana siyang patutungo sa Inang Reyna ngunit isang nakagigimbal na pakiramdam ang biglang bumalot sa kanya. Waring sumisikip ang kanyang dibdib na tila ba pinipiga ang kanyang puso. Sa tingin niya ay hindi niya makakayanan ang sakit niyon. Unti-unti siyang nawawalan ng ulirat.

The Seekers #3: Kismet's KissWhere stories live. Discover now