Chapter 2: Laban o Bawi

26 0 0
                                    

Halos isang buwan din ang lumipas bago humupa ang issue ng “pag-amin” ko. Bumalik na naman ako sa dati. Marusing, burara at pabaya sa itsura pero yung nararamdaman ko ‘di na gaya ng dati. Nagbago na, binago na ni Ong.

Nilunod ko na lang ang sarili ko sa pag-aaral. Top 2 kasi ako nung 1st Grading namin kaya kailangang i-maintain ko yun tyaka magkakaroon na rin kami ng kapatid na lalaki kasi buntis na uli si mame. Masaya ako kasi di na nila ipipilit na tomboy ako.

1st week na ng October nun at kabuwanan ni mame. Excited na excited na kaming lahat lalo na ako kasi ito rin yung month kung kelan ako unang sasali sa isang math quiz bee.

Dumating ang October 6, isang araw bago ang laban ko ay umalis si mame at ate papuntang Balanga dahil magpapacheck-up daw si mame. Panatag naman ang loob ko kasi alam ko mag papacheck-up lang naman. Alam ko mapapanuod pa ako ni mame bukas at sya pa ang magsusuot ng medal na makukuha ko.

Kaso mali pala ako.

Pagdating ng hapon sa palengke ako umuwi kasi wala naman akong kasama sa bahay at nasa palengke pa si dade at nagtitinda. Nadatnan ko syang nagsasara ng tindahan.

“Dade, san ka po pupunta?”,tanong ko kay dade ko.

“Luluwas ako ng Balanga.”

“Bakit po? May nangyari po ba kay mame?”

“Naka-confine na sya. Hindi na sya pinauwi ng doctor.”

Kabadong kabado na ako. “Ano pong mangyayari sa kanila?”

“Manganganak na si mame mo at kailangan nandun ako kasi hindi pa naman kaya ni ate mo tyaka kulang ang dala nilang pera.”,paliwanag sa akin ni dade. “Iiwan ko muna kayo kay nanay ha?”

Tumango na lang ako at pumunta sa tindahan ni nanay. (si nanay ay ang biyenan ng dade ko na ina ni mame na nanay ko pero di sya si nanay ko kundi si mame ko kasi nga si nanay ay yung nanay ni mame ko, gets? Nilito lang kita baka kasi mamaya lumilipad na ang isip mo sa pag-iisip kung gaano ako kaganda.)

Bago kami matulog ni nanay at ng kapatid kong malapit ng hindi maging bunso, dumating si dade. Inabutan nya ako ng 50 pesos, “Iyan ang baon mo. Galingan mo bukas ha?”,sabi sa akin ni dade. Tumango na lang ako at niyakap sya. Pagsara nya ng pinto ng kwarto, hinarap ko yung uniform na isusuot ko kinabukasan. Nalungkot ako kasi walang manonood sa akin bukas at walang magchi-cheer sa akin. Walang magsasabit ng medal na makukuha ko. Walang kasama sa pagpapa-picture. Inisip ko na lang na gagalingan ko kinabukasan para regal kay mame at dade pati na sa bago kong kapatid.

Kinabukasan, pumasok ako sa school ng mag-isa na determinadong manalo. Think Positive, wag kang aayaw ang drama ko nakapamulsa pa ako para cool tignan kaso pagdating ko at nakita ko yung mga kaklase ko na kasali at may kasamang magulang, nabuwag ang pagiging atapang atao ko. Sa sandaling yon parang gusto ko ng tumakbo pero pagangat ng kamay ko, nakita ko yung 50 pesos na bigay ng dade ko. Instant bumalik ang determinasyon ko.

Classroom ng Grade 4 ang ginamit namin at dun kami nag exam at halos lahat kami seryoso. 50 questions ang sasagutan namin sa loob ng isang oras. May pagpipilian naman kaya hindi ganun ka-hassle. Matapos ang isang oras, pinasa na namin ang mga papel at sinabihan kami na wag lalabas sa room na iyon.

Pagkaalis ng proctor namin, nagsitayuan at nagtabi-tabi na kami. Palibhasa halos lahat kami magkakakilala kaya walang na-out of place. Ang saya-saya na sana ng kuwentuhan namin ng mga kaklase ko ng biglang may sumama. Si Ong. Kasalukuyan pa naman akong nagpapatawa habang nakatuntong yung kanang paa ko sa upuan. Hindi ko alam na kasali pala sya at hindi ko rin sya napansin kanina. Wala naman syang sinabi, nanuod at nakinig lang sya. Ginanahan ako kaya nagkwento pa ako. Buti na lang at wala pang nakakaalam nung kwento ko kaya ayun hagalpakan sila ng tawa. Si Ong? Nginitian ako at parang bumukas ang langit noon at may mga anghel na bumababa para sunduin ako. Sasama na sana ako kaso biglang dumating ang proctor namin at naghagis ng bomba.

Joke! Lahat kami napa-ayos ng upo at nanahimik ng sinabi nya na may results na daw. Kung kanina na parang papunta na kong langit, napalitan ng pakiramdam na parang nasa purgatoryo palang ako at nililitis pa.

“1st place Johanna.” Siya yung Top 1 namin at halos expected naman na namin na sya ang mangunguna kasi ngumangata sya ng calculator samantalang ako tumitikim lang kasi ginagamit ni dade yung calculator sa tindahan.

“May nag-tie for the 2nd place kaya kailangan nila na magtest uli para malaman kung sino ang 2nd at 3rd sa kanila.” ,napasimangot ako.

“Ang magkakaroon ng tie breaker ay sina…”

“Yes!”, napasigaw ako dahil isa ako sa nag-tie for 2nd place. Natawa na lang ang mga kasama kong nag-exam pati na rin yung proctor.

“… at Ong.”

Ano raw? Ako at si Ong ang maglalaban? Parang hindi ko ata kayang kalabanin sya, nabura ang ngiti ko sa labi at tinignan ko sya. Kinuha na nya yung papel at lapis nya. Kita mo sa mukha nya na determinado sya samantalang ako ito nasa state of shock pa rin.

“Sumama kayo sa akin papuntang Science Room.” ,sabi ng proctor namin at sumunod kami sa kanya. Pagdating sa Science room, pinapunta kami sa mini stage kung saan nandoon yung isang table. Dalawang upuan lang ang nandoon. Umupo ako sa kanan at yumuko. Naramdaman ko na umupo na sya sa tabi ko. Siguro kung hindi ganto ang sitwasyon namin, baka naglupasay na ako sa kilig. Isang pangarap ko to na nangyari sa isang bangungot.

“Dito kayo mag-eexam. Isang tanong lang ang sasagutan nyo at yung tanong na yun ay galing sa test ng Grade 4. Game na?” ,tanong nung proctor namin.

“Yes mam!”,sabay naming sagot.

1st question palang napakunot noon na agad ako, problem solving kasi ang tanong. Napapailing na lang ako at magsisimula na sanang mag penpen de sarapen gamit yung choices ng makita ko yung sagot ni Ong kaya… ginaya ko. Wala kasi akong kaalam alam sa problem solving na may fraction kaya kahit masama, nangopya ako. Not once, not twice, no thrice but pentatrice. Oo 5 beses akong nangopya kay Ong kaya nagtagal an gaming munting pagsasama. Kaso pagdating ng pang-anim na tanong, kamay na nya ang nasilip ko. Protektodo na nya yung papel nya. Patay. Bahala na si Batman. Sinulat ko na lang yung letter d. Nalungkot na ko kasi alam ko matatalo na ko. Pagtingin ko sa tabi ko, nakita ko yung sagot nya: C kaya nagpalit ako. Pinagsisihan ko pagkatapos yun kasi nung sinabi nung proctor yung sagot, D yung tama. Nakakapanghinayang di ba? Nagsagot na uli kami at difficult type na yung binigay sa amin. Lumingon uli ako sa kanya at nakita ko sya na nakadukdok doon sa papel nya kaya ginamit ko na naman si Batman. Napikon ata si Batman sa akin kasi di ko sya pinaniwalaan kaya ayun mali ako. Natalo ako. 3rd lang ako.

Lumabas na kami at naupo kasama ng ibang nanalo. Binati ako ng mga kaklase ko pati na ng mga nanay nila. Si Ate Chona, yung nanay ni Johanna napansin yung sirang butones ng blouse ko. Tinanong nya kung bakit daw sira yung sinuot ko. Sabi ko wala kasi si mame kaya walang mag-aayos. Kumuha sya ng pardible sa bag nya at nilagyan ng pardible yung part ng blouse ko na bungal ng isang butones.

Awarding na at lahat ay masaya, ako lang ata ang hindi. Wala na nga akong kasamang cheering squad, pang 3rd pa yung nakuha ko. Nung tinawag ako sa stage, yung adviser ko ang nagsabit ng medal sa akin. Nagpakuha pa kami ng litrato sa suking photographer ng school. Buti na lang at wala syang na-print kundi maiinis talaga ako, hindi lang dahil hindi si mame ang kasama ko sa picture kundi 35 pesos din ang bayad sa isang kopya nun.

Sa Dinami-rami...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon