Chapter 1: Ong

39 0 0
                                    

Maikli at laging nakasabog ang buhok. Siga at matapang. Dinaig ang mga tambay sa kanto na laging nag-iinom ngunit takot sa mga asawang kalahi ni Lolit Solis at Krissy. Parang lalaki kung lumakad at laging nakalilis ang manggas ng damit. Dugyot at marungis. Amoy araw at amoy pawis. Daig pa ang panaderong tumutulo ang pawis sa minamasang pandesal na tinatawag na “mulawin”.

Halos lahat ng nakakakilala sa akin, lagi nila akong napagkakamalang tomboy. Sa amin kasing tatlong magkakapatid na babae, ako ang boyish sa itsura at pati na sa gawa. Balahura, pinaganda lang nila yung tawag pero yun naman talaga punto nila. Marami ngang nagsasabi sa mame ko na baka raw tomboy ako. Ang mame ko naman tatawa na lang at sasabihan ako ng, “Tomboy ka ba? Aba, may anak na pala akong lalaki!” sabay tawa. Dahil gusto rin magkaroon ng mga magulang ko na magkaroon ng anak na lalaki kaya pinapatulan nila ang patawang kalbo ng mga kakilala namin,palibhasa panot na yung nagpauso ng tsismis na baka nga daw tomboy ako.

Kaya pinanindigan ko. I became a lesbian starting Grade 1.

Seryoso kaso yung krusada ko sa pagiging ti-boom naudlot ng makilala ko si ONG.

Grade 2 ako noon ng makilala ko sya at tandang-tanda ko pa kung kailan ko sya unang nakilala.

Parade ng mga Boy Scout ng school namin ng makita ko sya. Ewan ko ba. Nung makita ko sya hindi na nahiwalay yung tingin ko hanggang sa makadaan yung parade sa harap ng classroom naming. Yung papel na itatapon ko sana nahilamos ko pa sa mukha ko e may bubblegum pa naman yon na minina ko sa ilalim ng desk ko. Pero kahit ganoon napangiti ako.

Dahil sa pagiging tsismosa ko na napulot ko sa mga tinderang kaibigan ko sa palengkeng luma, nalaman ko na si Ong ay ka-edad ko lang pala. Pareho na kaming Grade 2 at ang section nya ay katabi lang ng room namin. Nasa Star section kasi ako at sya naman ay nasa section A. Transferee kasi sya galing sa Middle East kaya doon muna sya nilagay. Nabalitaan ko rin na matalino sya.

Dahil mahiyain pa ko noon at kilala nga sa pagiging boyish at palaging marungis, nagkasya na lang ako na silipin sya sa screen ng pinto ng classroom nila sa tuwing magtatapon ako sa labas ng basura. Lahat na ata ng paraan ginawa ko para makasilay sa kanya.

Nagdilig ako ng halaman sa labas ng room namin kahit mukha na syang bulaklak sa commercial ng myra-e. Nagpunas ng bintana gamit yung panyo ko na napunas ko pa sa mukha ko dahil sa kilig. Naninira ng zipper ng palda ko habang nasa labas sa tapat ng basurahan. Naging taga-deliver ng pinagbentahan ng cheese sticks ng ibang teacher. Oo,mahiyain ako noon pero dahil sa kanya tumaas ang face value ko.

Nagpapa-ipit na rin ako ng buhok sa mame ko kahit ayaw nya kasi daw di naman magtatagal ng isang oras yung obra maestra nya. Nagpapakuha na rin ako ng lisa at kuto kahit lagi akong nale-late pumasok kasi enjoy na enjoy yung mame ko. Nagsuot ako ng medyas na uso noon na may lace pa na tinutupi at puting-puti. Namamakyaw ako ng cheese sticks na patinda ng ibang teacher para ako uli ang tiga-hatid ng bayad. Oo,marungis ako noon pero dahil sa kanya natuto akong magmukhang tao, medyo.

Marami na sa mga kaklase ko ang nakakaalam na crush ko sya kasi laging sya yung nilalagay ko sa mga autograph ng mga kaklase ko. (autograph ang tawag namin noon pero slumbook yun, autograph kasi ang nakalagay sa cover nun na nakaprint sa may ulunan ni mickey mouse) Masaya nga ako pag tinutukso nila ako lalo na pag dumadaan si Ong kaso nabuking ako.

Isang araw, recess namin ng biglang lumapit sa akin yung kaklase ko.

“Ubos na yung cheese sticks tyaka binigay na sa akin ni mam itong tirang ketchup.” ,sabi ko agad sa kaklase ko habang sinisimot ko yung natitirang durog na cheese sticks.

“Hindi ako bibili.” ,sabi nya.

“Eh… Anong…”

“Alam na ni Ong na crush mo sya!”

Tumigil yung mundo ko. Yung naipon kong durog na cheese sticks natapon at nagkalat sa sahig. Yung hintuturo ko na punong-puno ng ketchup nalimutan ko. Yung supot ng natitirang ketchup nahulog sa lababo. Yung kaklase ko, natakot ata sa akin. Ewan ko kung bakit.

Baka:

a)      Mukha akong sugo ni Gabriela Silang at sasabak sa giyera

b)      Natakot sya na baka sya ang paglinisin ng kumalat na durog na cheese sticks

c)      Masampal ko sya ng kamay na may ketchup

d)     Lahat ng nabanggit

“Paano?” ,iyan na lang yung nasabi ko.

“May nagpalipad ng papel na eroplano sa basurahan nila na may nakalagay na ‘Crush ko si Ong’ tapos sa likod nung papel andun yung pangalan mo.” ,nanginginig na sabi ng kaklase ko, natatakot mahilamusan ng ketchup.

Dali-dali akong lumabas ng classroom namin at nakita ko sya. Si Ong kasama ang mga kaklase kong lalaki. Lahat sila na nakatingin sa papel na hawak ni Ong ay lumingon sa akin.

Katahimikan. Nakatingin lang ako sa kanila, sa kanya at limang pares naman ng mata ang nakatingin sa akin. Katahimikan. Wala paring umiimik sa amin. Para kong nanunuod ng horror movie na naghihintay ng multo. Unti-unti ng napapanatag ang loob ko kasi blangko lang naman yung ekpresyon ng mukha nya. Panatag na sana ako ng, “Crush mo pala si Ong e!” ,may nagsalitang kulugo. Kumaripas ako ng takbo papasok ng classroom namin dahil sa hiya.

Totoo nga, may pakpak ang balita … literal nga lang sa akin, naging eroplano ang balita, eroplanong papel.

Hindi ko na nalaman kung sino ang nagsulat noon. Malipas ang sampung taon, wala pa rin akong ideya kung sino ang salarin.

Ayos lang, naisumpa ko naman na sya. Joke! Mabait ako pero sinumpa ko nga sya. HAHAHAHA!

Sa Dinami-rami...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon