Sa kalaliman ng dilim ay may isang aninong umaaligid sa isang malaking bahay. Maingat at naninigurong walang makakapansin sa kanya. Kinakabisa ang daraanan.., ang lulusutan.., ang papanhikan at bababaan. Sa isang iglap ay nagawa nitong mapanhik ang may kataasang pader at maingat na napasok ang loob. Para itong pusa sa ginagawang magaang na paglakad at pagtalon. Wala ni katiting na yabag. Walang kahit anong ingay at palatandaang naroon na siya. Tila hindi sumasayad ang mga paa at napakaliksi ng bawat galaw. Walang nakapuna sa kanya, maging ang gwardiyang nakabantay sa may gate ay walang kamalay-malay na may nakapasok na sa bahay na binabantay.
Nangingiti at tila walang ano mang sinilip pa ang gwardiyang prenteng nakaupo at nakikinig ng radyo. "Manong diyan ka lang muna at ako naman ang bahala dito sa loob. Mamamasyal-masyal lang ako. Mag-a-unwind lang sandali, shopping-shopping. Alam mo na.., pang-alis stress.", anito. Pagkaraan ay naghagilap na sa mga nakasaradong mga kahon at aparador.
"Tiba-tiba ako ngayong gabi. Ang daming kakambal ni Ninoy, nakasalansan sa dami!", tuwang-tuwa nitong sabi. Bahagya pa nitong inihagod ang palad sa sariling baba at bibig.
Siya ay walang iba kung 'di si Milencio. Ang binansagang "palos" ng mga naging kakosa sa loob ng kulungang pinanggalingan. Batikang akyat-bahay at magnanakaw. Suki na ito sa mga presinto dahil sa dalas maireklamo at maging suspek sa t'wing may mananakawang bahay. Kilala na ito ng mga pulis. Bagama't madalas damputin ng mga otoridad, sandali lang ay nakakauwi na dahil hindi maituro ng napagnakawan o walang matibay na ebidensyang ito nga ang may gawa. Hanggang sa may nakapagturo at tumestigo laban sa kanya kung kaya isang araw ay basta na lamang pinosasan ng mga pulis at tuluyan na ngang ipinasok sa loob ng kulungan.
Anim na taon ang binuno ni Milencio sa loob ng bilibid. Ilang linggo pa lang nakakalaya ay balik na naman ito sa pagnanakaw matapos manmanan ang malaking bahay na pinasok.
Matapos mailagay sa isang kulay itim na bag ang lahat ng pera at mga alahas ay lumabas na ito ng silid.
"Habang nagbabakasyon kayong mayayaman ay mamasyal naman ako sa mansyon niyo.", nakangisi nitong sabi.
Tila pag-aari ang bahay na pinanik, walang takot at pangingiming naglakad ito papunta sa kusina. Hindi man lang nag-alalang baka may makakita sa kanya. Kung kumilos ay relax na relax at walang pagmamadali. Kung titignan ay mapagkakamalan pa na doon siya nakatira. Walang anumang nagbukas ito ng fridgidaire. Hindi hinubad ang suot na gwantes. Animo nasa loob ng isang supermarket na pumili ng magugustuhang pagkain. Nang makapili ay kinuha ang mga iyon at binitbit papunta sa mesa. Humila ito ng upuan at sa ibabaw pa ng hapag-kainan inumpisahang lantakan ang pagkaing dala. Isang silya pa ang hinila nito at doon ipinatong ang isang paa.
Habang kumakain ay inililibot nito ang paningin sa kabuan ng kusina. Nang makatapos ay niligpit ang pinagkainan at dinala sa lababo ang maruming plato. Hinugasan at itinapon sa basurahan ang naging kalat. "Para walang mahalata si Manong kapag nag-ikot. Kung makikita niya ang kalat ko tiyak na mag-aamok iyon. Baka magka-enkwentro pa kami. Makakalimutan ko na naman ang paggalang sa matanda. Mahirap na!", kausap nito sa sarili habang pinupunasan ang salamin ng nangingintab na mesa.
Naglakad-lakad itong muli. "Magpapababa muna ako ng kinain. Pasyal-pasyal pa. Bubusugin ko na rin ang mga mata ko sa ganda ng bahay na 'to para kapag natulog ako mamaya ay nasa utak ko pa rin. Sa pangarap man lang ay madanas ko ang tumira sa ganito kagarbong bahay. Walang alikabok, walang sirang dingding at walang butas ang bubong.", anito habang naglilibot. Isang pintuang may magandang disenyo ang binuksan nito.
"Putang-ina! Kaylan kaya ako makakaranas tumira sa ganito kagandang bahay? Putsa! Malaki pa ang kubeta nila kaysa sa bahay ko! Taihan pa lang ng mga mayayaman na 'to palasyo na para sa kagaya kong hampaslupa! Hindi talaga parehas ang Diyos! Kung sino pa ang mayayaman ang lalong yumayaman at ang mga ipinanganak na dukha, kahit ano pa ang gawing pagsisikap mamamatay pa ring dukha! Problema na kapag ipinanganak, problema pa rin kapag namatay! Kung hindi mamatay sa gutom, mamamatay naman sa sakit na hindi nalulunasan. Pambili nga ng makakain pahirapan na bago makakuha, pampagamot pa kaya! Kung ipinanganak lang sana akong mayaman...", hinaing nito habang nagtitinga.
Uninom nito ang tubig na kinuha sa loob ng fridgidaire na hinayaang nakabukas. Pabiling-biling habang sinasagap ang lamig na ibunubuga sa kanyang katawan. "Ang swerte talaga ng mga ipinanganak na mayaman. Dito pa lang sa tapat ng fridgidaire na 'to ay nakakaramdam na ako ng antok, lalo pa siguro sa kwartong may aircon at mabango. Malambot ang higaang walang surot. Bagong laba at hindi amoy alimuom ang sapin, unan at kumot. Putsa! Magtutulog ako at gigising para kumain tapos matutulog uli. Wow, sarap ng buhay, Milencio!", tila nangangarap nitong sabi. Hindi naman nagtagal at isinara na nito ang palamigan matapos kunin ang dalawang malalaki at pulang-pulang mansanas. Ipinamulsa ang isa habang ang isa naman ay inumpisahan na kainin. Nakangiti nitong pinasadahan uli ng tingin ang kabuuan ng magarang bahay at saka maingat na naglakad. Kung gaano kabilis ang ginawang pagpasok ay siyang bilis din nang ito ay makalabas.
Walang kahirap-hirap na napanik uli ang pader at nang makitang walang nagdaraan ay saka inilaglag ang nakasukbit na bag. Kasunod n'on ay ang mala-pusang paglapag naman ng mga paa sa binagsakang lupa. Matapos pagpagin ang dumikit na lupa sa bag ay isinampay lamang iyon sa balikat na tila isang piraso ng damit. Hindi mahahalatang may laman iyong pera at mga alahas na inumit. Nakapagpalit ito ng damit habang naglalakad. Pagkatapos ay parang wala lang na naglakad palayo habang pasipol-sipol at humuhuni ng awiting narinig mula sa radyo ng guwardiya.
Nang makarating sa labasan ay patay malisyang tumayo at naghintay ng masasakyan. Kalmadung-kalmadong bumili ng sigarilyo at nagsindi habang naghihintay ng masasakyang darating. Nang may pumaradang tricycle ay pinitik nito palayo ang sigarilyong paubos na at saka sumakay.
"Saan tayo, brod?", tanong ng drayber.
Astigin itong sumagot at nagpahatid sa lihis na lugar na talagang uuwian.
BINABASA MO ANG
Sa Silong ni Kaka
Mystery / Thriller#WATTYS 2015 WINNER/Instant Addiction Nanginginig na sa sobrang takot si Luisa nang isakay siya ng isang mukhang goon na lalaki sa itim na van. Mula sa Mindanao ay sumakay siya ng barko. Kasama niya si Madam Gigi, ang ginang na kumumbinsi sa kanya n...