Hanggang makarating sa inuuwiang lugar ay normal pa rin ang mga kilos ni Milencio. Hindi mahahalatang may ginawa na naman itong paglabag sa batas. Nakikipagbatian pa ito sa mga nadadaanang kapitbahay na nangagkatambay sa gilid ng daan at harapan ng tindahan.
Isang grupo ng mga nag-iinuman ang nag-alok ng tagay na agad naman nitong pinagbigyan. Pabalagbag na binitawan sa paanan ang dalang bag. Pagkaraan ay dumukot sa bulsa ng suot na pantalon at lumapit sa tindahan.
"Manang, pabili nga isang bilog at saka panghalo.", anito sa tinderang nagbabantay.
"Mga tol, pagpasensyahan niyo na itong nakayanan ko. Ala, eh. OLats pa rin. Walang delihensya.", anito habang tinatanggalan ng tansang takip ang bote ng gin gamit ang ngipin. Sinindihan muna nito ang bungad ng bote at nang sandaling mag-apoy ay saka iniabot sa isa sa nag-iinuman upang maisalin sa ginagamit na pitsel.
"Ayos lang, tol. Alam naman naming bokya ang diskarte ngayon. Nag-abala ka pa nga eh. Kahit naman wala ayos lang.", sagot ng kapitbahay na inayunan naman ng ibang mga kainuman.
Isang tagay pa ang tinanggap nito bago nagpaalam na maliligo muna dahil kating-kati na sa dami ng alikabok na dumikit sa balat. "Amoy lansangan pa mga, tol. Baka hindi na tablan ng shampoo ang buhok ko sa kapal ng dumi.", biro nito. At saka walang anumang dinampot ang bag mula sa lapag at muling ipinatong sa balikat. Naglakad ito pauwi at hindi mahahalatang ang bag na binabalewala ay naglalaman ng mga nakulimbat sa malaking bahay na pinanggalingan.
Nang makapanik sa iilang baitang ng hagdanan ay normal lamang nitong binuksan ang naka-lock na pintuan, gan'on din nang ito ay isara. Walang kahina-hinala at kakaibang kilos na mapapansin sa kanya ang kahit na sinong nakatingin o mapapatingin. Hindi mailap ang mga mata na para bang walang kinatatakutan o pinangingilagan. Sino man ang makakita ay walang maiisip na may dala itong malaking halaga at mga alahas sa loob ng itim na bag.
Nang masigurong nakapinid na ang pintuan at ang bintanang hindi naman nagalaw ay saka pa lamang ito sumalampak ng upo at pinawalan ang itinagong kaba.
"Akting na akting ka, Milencio. Dapat pag-aartista ang pinasok mo at hindi ang mga bahay na nakasarado ang mga pinto!", kantyaw nito sa sarili. Saglit pa ay tumayo na ito at may kinuha.
"Kailangang maging maingat ako. Kaya diyan ka na muna.", mahinang kausap ni Milencio sa mga alahas at pera habang isinisilid sa isang lata ng biskwit na nahingi niya sa isang lamayan.
"Sa mga oras na ito ay tiyak na nadiskubre na ng ungas na guwardiyang may nakapasok sa bahay ng amo niya. Tiyak na pumuputok ang butse niya sa inis. Pasensya ka na, tol. Siguradong ikaw ang magpapaliwanag sa mga pulis. At ikaw rin ang masasabon nang husto ng mga amo mo. Pwedeng mawalan ka na rin ng trabaho dahil sa ginawa ko. Charge to experience mo na lang ang nangyari. Siguro naman sa susunod ay magiging alerto ka na. Dapat ay ginagawa mo nang maayos ang trabaho mo. Hindi 'yong paupo-upo ka lang at nakikinig ng sounds.", natatawa niyang sabi habang tila nakikita ang itsura ng gwardiyang naisahan.
Pagkatapos ilagay ang lata sa lihim na taguan ay nagsalin siya ng alak sa baso. Ilang araw na sa kanya ang alak na tinitipid sa pag-inom. Tinatagayan lang niya ang sarili upang madaling makatulog. At dahil may pambili na, itinagay na niya iyon hanggang sa maubos. May tama na siya. Ramdam na niya ang pangangapal ng mukha at ang pag-init nito.
"Ayoko nang bumalik sa hoyo.", nagngangalit ang mga bagang at kuyom ang mga palad nitong sabi. Nagliliyab ang mga mata sa labis na poot na naglalatang sa loob ng dibdib. Inisang lagok na lamang nito ang laman ng basong nasa kalahati ang dami. At saka nagpawala ng malalim na buntung-hininga.
Muling nanariwa ang malalim na sugat ng nakaraan. Naalala ang mga kasamahang nagtraydor sa kanya!
Hindi niya makakalimutan ang gabing iyon. Ang karanasan kung saan natuklasan niyang walang dapat pagkatiwalaan maliban sa kanyang sarili.
Apat silang pumasok noon sa bahay na matagal na nilang sinusubaybayan. Matapos nilang limasin ang lahat ng pwedeng pakinabangan ay maingat na silang naglakad palabas. Nauna na ang tatlo niyang kasama dahil siya ang naging look-out ng mga ito.
Palabas na rin siya nang biglang...
"Tigil..!", utos ng isang tinig mula sa likuran. Kasunod ng sigaw na 'yon ang isang putok ng baril.
Pinakiramdaman niya ang katawan kung may tama siya..... wala! Kung kaya nagkalakas loob siyang tumalilis.
''Isang hakbang mo pa bata ay tutuluyan na kita!'', babala ng boses lalaki.
Natakot na siya. Pakiramdam niya ay hindi nagbibiro o nanakot lamang ang lalaki. Talagang tutuluyan siya nito. Hindi na nga siya kumilos. Ang paghakbang na binalak niya ay hindi na itinuloy.
"Taas ang kamay! Dahan dahan kang humarap dito!", utos nito sa kanya na agad niyang sinunod.
Nakita niyang nakatutok sa katawan niya ang dulo ng baril na hawak ng lalaki. Alam niyang ito ang may-ari ng bahay. Katabi nito ang guwardiya na ang de-sabog ay nakatutok din sa kanya. Nanlamig ang buo niyang katawan! Nangalog ang kanyang mga tuhod sa matinding takot. Nakaumang sa kanya ang karit ni kamatayan na sa isang maling pagkilos ay papagot sa hininga niya.
Wala siyang nagawa nang lapitan ng guwardiya at ubod lakas na sikmuraan gamit ang puluhan ng baril nito!
"Agh!", daing na nanulas sa kanyang bibig. Napaluhod siya sa sakit na naramdaman. Ngunit hindi pa doon nagtapos. Isang palo sa batok niya ang nagpawala ng kanyang ulirat. Nang magkamalay dahil sa malamig na tubig na tumama sa kanyang mukha ay naroon na siya sa isang kwartong ang ilaw ay may talukbong at tanging sa kanya lamang nakatutok. Tanging mga pantalon at mga sapatos na lamang ng mga nakapalibot sa kanya ang nakikita niya.
Tiniis niya ang lahat ng ginagawang pagpapahirap ng mga otoridad sa kanya. Suntok sa sikmura, hita at tagiliran. Tadyak sa dibdid at likod. Malakas na pagbatok at pagsiko sa ulo niya at kung anu-ano pa. Hindi siya pinatatamaan ng mga ito sa mukha ngunit makirot na makirot na ang kanyang katawan sa mga tama ng kamao at nang hindi pa makuntento ay malapad na kahoy naman ang pinanghampas ng mga ito sa kanya. Pati ang ari niya ay pinagkatuwaan ng mga nagpapahirap sa kanya mapaamin lamang. Para ituro at ikanta ang mga kasamahan niyang pumasok sa bahay at nagnakaw. Subalit wala siyang inamin. Wala siyang itinuro at pinanatiling nakatikom ang bibig.
Walang natagpuang ibidensya ang mga pulis sa kanya dahil dala ng mga kasamahan niya ang bag. Ngunit nakagawa ng paraan ang mga pulis, base na rin sa dami ng reklamo at record niya sa presinto ay nakapaglabas ang mga ito ng kunwaring ebidensya. Pati ang ibang kaso ng pagnanakaw at akyat-bahay ay ipinatong lahat sa kanya. Nasintensyahan siya. Hindi nagtagal at ibinyahe na siya sa loob ng bilibid. Patung-patong na kaso ng pagnanakaw at pandarambong ang binuno niya sa loob. Ang pinagdusan niyang mag-isa sa loob!
Naikuyom ni Milencio ang mga palad, matapos ang pag-alala sa nakaraan.
"Hindi ko kayo ikinanta sa pag-aakalang hindi niyo ako pababayaan! Pero ni minsan ay hindi niyo man lang ako nasilip sa loob! Mga animal kayo, lintik lang ang walang ganti!", poot na poot nitong sabi.
Muli nitong inilapit sa bibig ang baso, nang makitang wala na pala iyong laman ay tumayo.
Sandali itong naligo at nagpalit ng damit. Isang lumang maong na jacket ang ipinang-suson at saka muling lumapit sa lamesita. Kinuha ang baril na nakulimbat din sa malaking bahay na pinasok. Isinuksok iyon sa tagiliran at ibinulsa ang ilang pirasong perang papel na sadyang ihiniwalay bago isilid sa loob ng lata ang karamihan.
"Pasyal pasyal muna, Milencio. Wala kang makukuhang impormasyon tungkol sa tatlong traydor kapag nagtulog ka.", sabi nito sa sarili at saka dumiretso na ng lakad pababa ng bahay.
BINABASA MO ANG
Sa Silong ni Kaka
Mystery / Thriller#WATTYS 2015 WINNER/Instant Addiction Nanginginig na sa sobrang takot si Luisa nang isakay siya ng isang mukhang goon na lalaki sa itim na van. Mula sa Mindanao ay sumakay siya ng barko. Kasama niya si Madam Gigi, ang ginang na kumumbinsi sa kanya n...