IKAISANG KABANATA: Pamumukadkad ni Sampaguita sa Baryo Sangháya

71 3 0
                                    

Ayaw na ayaw ng dalagita sa kaniyang pangalan. Hindi niya mawari kung bakit sa dinami-rami na maaaring ipangalan sa kaniya, inihalintulad pa siya sa isang putót na bulaklak. Sampaguita. Ang bulaklak na inilalagak sa sagràryo—ang bulaklak na paborito ng mga aguráng sa katedral. Ito ang pinaglihian ni Inay Lilia, ang butihing ina ni Sampaguita. Magmula nang ipagbuntis siya ng kaniyang ina, pandalas itong magpakuha sa kaniyang asawa ng nasabing bungkos. Nagsisimpi ang buntis sa tuwing nag-uuwi si Itay Kiko ng lantang sampaguita: nakasusulasok ito para kay Inay Lilia kahit salpád na ang kaniyang ilong.

"Nakupu naman, Kiko! Ilayo mo sa akin ang tuyot na bunga na 'yan. Sobrang sangsang, amoy atangyá!" sunod-sunod na palahaw ni Inay Lilia, na naduwal na sa kaniyang nalalanghap na bulaklak. Aato-atong tinungo ni Itay Kiko ang basuran, bago ito magkakamot ng ulo sa asal ng asawa.

Hindi rin naman matiis ng lalaki ang kaniyang agóm, kahit na napakapihikan niya magmula nang siya'y magdalantao. Kung noon ay ayos na sa kaniyang misis ang binusang mais na pinaliguan sa sukang tuba, ngayon ay daig pa nito ang mga plorista sa Bontoc kung mamili ng bulaklak. Dati-rati, nagagawa pang magpasadya ni Itay Kiko sa kaniyang nakababatang kapatid na bumili ng sampaguita sa katedral, na siya na ring tinatanggal sa pisi at ibinabalot sa plastik. Magmula nang pinadalhan ang buntis ng saá na mula sa bagong pitas na bulaklak ng sampaguita ng kaniyang kumareng Olympia, araw-gabi na niya itong hinahanap.

"Kiko, may sampaguita ka bang dala?" pang-uusisa ni Inay Lilia habang hinihimas ang kaniyang kabuwanan.

Agad na inilabas ni Itay Kiko ang bagong pitas na bulaklak. Maunti ang kaniyang nadala ngayong araw. "Heto," sabay abot ng lalaki sa kaniyang asawa. "Pinapasabi nga pala ni Olympia na paubos na ang tanim niya."

Nagsalubong ang kilay ni Inay Lilia sa narinig. "Paubos?!" antungal ng buntis. "Hindi lang si Olympia ang may pananim na sampaguita dito sa Sangháya. Ano ba naman 'yan," pagsusunod pa niya. Sa ganitong pag-eeksena ni Inay Lilia, agad na kakaripas ng takbo si Itay Kiko sa kusina at huhugasan ang mga nakuhang bulaklak ng sampaguita, isasalin sa tasa, saka babanlian ng kumukulong tubig. Bago pa man magpatuloy ang pagmamaktol ni Inay Lilia, malalanghap niya ang samyo ng pinakuluang sampaguita. Dito pa lamang niya makalilimutan ang pagdaramdam sa kaniyang asawa.

* * *

Tumatak na sa isipan ni Sampaguita ang anekdota ng kaniyang ina. Sa tuwing may pagkakataon, palaging ipinapaalala ni Inay Lilia ang pinagmulan ng pagkahilig niya sa saá ng sampaguita. Tinatawanan lamang ito ng kaniyang Itay Kiko bago siya tumungo sa labas ng kanilang dampâ.

Labintatlong taon na ngayon si Sampaguita. At habang tumatagal, mas ikinahihiya niya ang tunay na pangalan. Naging kumpulan kasi ito ng pang-a-alaska sa dalaga. Madalas kasi siyang tawaging "Sampaguitang Putót" at "Santo Sampaguita" ng kaniyang mga kaklase't kaibigan. Kaya naman, binansagan niya ang sarili bilang "Sammy" para maiwasan ang mga hindi kanais-nais na panunukso. Sa ganitong paraan, para na rin siyang nagkaroon ng dalawang identidad: [1] siya bilang Sampaguita, ang tanging anak nina Inay Rosal at Itay Kiko; at [2] siya bilang Sammy, isang ordinaryong dalaga ng Baryo Sangháya.

Matapos magsinsin ni Sampaguita ng pinagkainan nilang pamilya, agad na sinundan niya ang kaniyang ama. Kasalukuyan itong nakaupo sa upuang yari sa kawayan habang sinusupa ang kaniyang mumurahing tabako. Nakatuon ang buong atensyon ng lalaki sa kasalukuyang isyu ng Abente, isang babasahing balbal. Pinanunuod ni Sampaguita ang kaniyang ama, habang binubuklat ang pahina ng dyaryo. Dahan-dahang binubuklat ni Itay Kiko ang dyaryo, pinaghihiwalay ang nagdikit na pahina gamit ang nilawayan niyang hinlalaki. Panigurado, hinahanap ng ama ni Sampaguita ang kaniyang paboritong libangan—ang krosword.

Alam na alam ni Sampaguita ang gagawin ng kaniyang Itay Kiko: kapag nasimulan na niyang upuan ang pagsasagot ng krosword, mauubos ang kaniyang buong maghapon sa paglalagay ng tamang letra't tamang salita na magpupunan sa bawat puting kahon. Ganoon ang panuntunan sa paglalaro ng krosword, mayroong bakenteng puting kahon na naliligiran ng mga itim na kahon. Mula sa dinisensyong grid ng krosword, kailangan itong lagyan ng mga letra mula sa isang salita na maaaring patayo o pahalang.

Tahanan, Tahan NaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon