Chapter 1
"Bakit ngayon ka lang, Alissa? Kanina ka pa-"
"Pwede ba? Bago mo ako kausapin, mag toothbrush ka muna," nandidiri ko'ng sabi kay Genelyn na halatang hindi mahilig magsipilyo dahil sa dilaw ng kaniyang ngipin.
Tumahimik naman siya kaya dumiretso na ako sa tabi ng kaibigan ko'ng si Pola. Siyempre, hindi kami maghihiwalay. Kami lang siguro ang matino dito sa org, kaya kung wala siya ay baka matagal ko ng sinukuan 'to. Pinilit lang naman kasi ako ng nanay ko na pumasok dito sa org kung saan wala na kaming ibang ginawa kung hindi gumawa ng news paper and magazine for school.
"Nakabusangot ka agad," natatawang bulong ng kaibigan ko habang nilalabas ang kaniyang ballpen at notebook.
"Magsusulat ka? Himala," hindi makapaniwala ko'ng puna sa kaniyang ginagawa.
"Ikaw naman, Ali. Hindi ka na nasanay sa akin," nakangising bulong niya. "Pakitang tao. Hindi ko na kailangan mag take down notes. Kaya ng i-absorb ng utak ko lahat ng sasabihin niyo ngayon."
"Plastik," nakangiti ko'ng sabi.
"Nagmana lang sayo, sis. Huwag papatalo," nagtawanan kami pareho ng biglang pumasok ang president ng org namin.
Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa. Ibang level rin talaga ang pagiging jeje ng isang 'to. Naka maluwag na kulay maroon na t-shirt habang nakasuot ng maiksi na kulay asul na palda tapos mayroon pa'ng kulay berdeng leggings sa loob. Mukhang christmas tree.
"Good morning, everyone!" masigla niyang bati sa lahat at dahil nakakainis siya, inikutan ko siya ng mata instead of saying good morning too.
Sino ba ang magkakaroon ng magandang morning kapag nakita mo na siya? Laging makapal ang make up. Laging rainbow na kulay ang sinusuot. Kulang na lang, ang ribbon sa ulo niya ay kasing laki na rin ng mukha niya.
"Mukhang tanga si Marbe," inis na bulong ni Pola habang nakatitig ng masama sa pwesto ni Marbe, ang president na mukhang clown.
"Hindi ka pa nasanay rin? Lagi naman siyang mukhang tanga," kibit balikat ko'ng sagot bago tumayo at naglakad sa tabi ng ibang officers.
Tumingin sa gawi ko si Marbe bago ako kinawayan ng ilang beses. Hindi naman kami malayo sa isa't isa at halos ilang dangkal lamang ang layo niya sa akin kaya bakit kailangan kumaway? Iba na naman siguro ang nakain ng isang 'to. Nakakaawa.
"Sino ba ang unang magsasalita?" tanong ko sa kanila habang hinahanda ang powerpoint presentation na ginawa ko kahapon.
"Si friendship na lang and since siya ang president, siya dapat ang unang magsalita," sagot ng kaibigan ni Marbe na si Genelyn. Magsama kayong may mababahong hininga.
"Akala ko ba si Alissa? Siya na lang. Siya na ang ready sa ating-"
"Hindi, si president na lang. Siya president di'ba? Paniguradong nag ready siya for today's meeting," nakangisi ko'ng putol sa isa sa mga kasamahan namin habang tinataasan siya ng kilay.