28

63 10 17
                                    

Chapter's Theme Song: Now and Forever by Air Supply



Chapter 28

Ilang araw na ang lumipas nang huli kong makausap si Eda. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin matanggap na pinili niyang maghiwalay kaming dalawa.

Siya ang pinakapinagkakatiwalaan ko sa panahong ito dahil siya lang ang pangunahing nakakaalam kung sino, kailan, at saan talaga ako nagmula. Sa kaniya rin lang ako nakaasang makakabalik kami nang maayos sa totoong mundo at panahon namin pero ngayong hindi kami magkasama, tila natatakot ako sa bawat kilos at disesyon na gagawin ko rito. Isang maling aksiyon habang wala si Eda sa tabi ko, maaaring mapahamak ako at baka tuluyan nang hindi ako makabalik sa totoong tahanan ko.

Hindi ko siya maintindihan. Pwede namang magtrabaho siya sa Casa Simeon nang hindi doon buong araw na namamalagi. Pwede naman siyang gumawa ng kasunduan kay Goldia na uuwi siya sa apartment namin tuwing pagkatapos ng trabaho niya, tulad nang naging schedule ko noon kay Estefanio. Pero bakit hindi man lang siya umapela nito?

Nagtatampo ba talaga siya sa akin dahil hindi ko nakontrol ang nararamdaman ko kay Estefanio? Paano ko naman sa kaniya ipaglalaban at ipapaliwanag na kusa ko lang naramdaman ang pagkagusto ko kay  Estefanio? Pinigilan ko naman ang sarili ko at pinilit pa ngang huwag aminin sa sarili ang nararamdaman ko pero bakit hindi maintindihan ni Eda? Pakiramdam ko sarado na talaga ang isipan niya. Hindi man nga lang siya bumisita sa apartment sa mga lumipas na araw.

Bahagya akong napasabunot sa sarili ko at itinuon ang atensiyon sa labas ng kotsyeng sinasakyan ko.

"Oh ano? Problemado ka na naman ba?" Napalingon ako kay Romialdo na siyang nagmamaneho. Patungo kami ngayon sa huling taping ng pelikula nila. Ito naman ang unang araw ng pagtatrabaho ko sa kaniya.

"H-hindi ko kasi maintindihan. Bakit ang isang tao na siyang dapat na unang-unang makakaintindi sa'tin, eh nagagawa tayong hayaan at iwanan ng walang paliwanag?" halos pasinghal kong tanong sa kaniya. Magkatabi kami kaya't bahagya siyang napaatras dahil sa bahagyang pagtaas ng boses ko.

"Easy ka lang," tugon niya." B-baka may malalim naman na dahilan. Hindi lang kayo nagkapaliwanagan?" Nagkibit-balikat siya at itinuon ang tingin sa dinaraanan namin.

"Ano naman ang malalim niyang dahilan?"

"Aba,ikaw na ang umalam. Hindi ko nga alam kung sino 'yang tinutukoy mo," asik niya pabalik. "Bakit sino ba? Si Estefanio?" Ngumisi siya saka tinaas-taasan ako nang kilay.

Natigilan naman ako at naalala si Estefanio sa ginawa niyang pagtaas-taas ng kilay. Ganito rin si Estefanio sa tuwing nginingitian ako nu'n...

Napailing na lang ako at saka tinitigan si Romialdo nang natalim. "Hindi!Bakit si Estefanio na naman?" sambit ko sa kaniya. Nasanay na akong ganito ang pakikipag-usap kay Romialdo, kung hindi siya nakikipaglokohan, nakikipagpikunan naman siya. Mayroon din namang mga pagkakataon na seryoso siya at mabuti pero mas marami pa rin talaga ang pagkakataon na humihirit siya ng kung anu-ano.

Bahagyang natawa si Romialdo. "Bakit hindi? Eh siya unang pumapasok sa isip ko kapag nakikita kang busanggot o lupaypay ang mukha. Halos siya naman lagi ang problema at iniisip mo hindi ba?" pangungulit pa nito sa akin.

Nagdisesyon akong huwag nang sumagot sa kaniya. Siguradong pahahabain niya lang ang diyalogo hanggang sa ako na naman ang mapahiya.

Till I Rewrite The Stars (Under Revision)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon