Chapter 2
1996 | Philippines
"ANDROMEDA!!!" Hindi ko maiwasang mapasigaw nang maramdaman kong tila bumabagsak ako mula sa kawalan. Nang idinilat ko ang mga mata ko, napagtanto kong hindi nga ako nagkamali dahil kasalukuyan na kaming bumabagsak ni Andromeda mula sa himpapawid!Agad akong napakapit nang napakahigpit sa kaniya.
"Huwag kang mataranta, Juliet Rose," saad nito sa akin at sa isang iglap ay nalaglag na lang kami sa isang bakanteng lote. Mabuti na lang at hindi ganoon kalakas ang impact ng pagbagsak namin kaya wala namang buto na nabali sa akin. Sunod namang nagbagsakan ang mga maleta ko at swerteng hindi ito sa amin bumagsak ni Andromeda.
Dahan-dahan akong tumayo. Napatingala ako sa langit para i-check kung may pinto ba o kahit anong entrance ang linabasan namin sa taas pero tanging ang maaliwalas lamang na kalangitan at mga bituwin ang naroroon. Napatingin naman ako kay Andromeda na nagpapagpag ng kaniyang sarili.
"Mukhang limitado na ulit ang kakayahan ko," saad nito nang hindi tumitingin sa akin. Hindi ko naman na pinansin pa ang sinabi niya dahil agad naagaw ang atensiyon ko ng malalakas na tilian, hindi kalayuan mula sa amin.
Bahagya kong inayos ang sarili ko at nilibot ang tingin sa paligid. Sa isang bakanteng lote kami bumagsak ni Andromeda pero nakapaligid din ang mga sasakyan sa amin, mga sasakyang hindi pa ganoon ka'moderno ang itsyura. Napagtanto kong nasa isang malaking parking area kami. Sinipat ko pa ang paligid hanggang sa maaninag ko ang maliwanag na entrance ng isang malaking terminal kung saan ang daming tao ang naghihiyawan. Halos punuin na nito ang buong loob at labasan ng lugar na iyon. Habang pinagmamasadan ito, nagulat na lang ako nang biglang may dumaan sa taas namin na isang eroplano! Teka, nasa terminal kami ng isang airport?
"Nasaan ba tayo Andromeda?" taranta kong tanong sa kaniya. Lumapit naman siya patungo sa pwesto ko.
"Sa totoo lang Juliet, hindi ko alam kung anong eksaktong lugar ito subalit kung nasaan man tayo ngayon, tiyak may kaugnayan ito sa unang kahilingan mo," sagot niya sa akin.
"Hala! Ano namang dahilan kung bakit nasa isang airport tayo? Kailangan ba nating sumakay sa eroplano para mapuntahan si Estefanio Del Carpio?" tanong ko ulit saka napatingin sa hawak-hawak ko pa ring poster ni Estefanio.
Bahagya siyang natawa. "Sandali, hindi na natin kailangang pumunta ng Amerika dahil ang pinili kong taon ay ang panahon kung saan mismo umuwi si Estefanio Del Carpio rito sa Pilipinas," tugon naman niya.
Teka, kung hindi ako nagkakamali, Abril 1996 umuwi si Estefanio Del Carpio sa Pilipinas. Ibig sabihin, nasa taong 1996 na kami ngayon?!
"Oo Juliet Rose, naririto na tayo," aniya nang mapansin ang pagtataka sa mukha ko. "Dito tayo dinala ng mga bituwin kung saan darating si Estefanio at marahil dito nga mismo iyon magaganap, sa paliparan na ito."
Nanlaki ang mga mata ko. "Ahhhhhhh! Totoo Andromeda? Hala!" Hindi ko mapigilang kiligin nang mag-sink in sa utak ko ang sinabi niya.
"Sandali, marahil lamang ang sabi ko. Ibig sabihin, ako mismo hindi pa sigurado ngunit sabi ko nga, mangyayari at mangyayari ang lahat ng ito dahil sa unang kahilingan mo. Matutupad iyon Juliet kahit anong mangyari," paliwanag niya sa akin.
Hindi ko na siya sinagot pang muli at agad nang inaya papunta sa entrada ng terminal kung saan dinudumog na ng napakaraming mga tao, fans at mga media. Panay flash din ng kani-kaniyang camera ang ilan at nagsasaliw ang iba't ibang hiyaw mula sa mga tao. Hindi nga ako nagkakamali, walang ibang artista sa 1990s ang kayang punuin ng fans ang isang lugar kung hindi si Estefanio Del Carpio lamang.
BINABASA MO ANG
Till I Rewrite The Stars (Under Revision)
Fantasía[Under Revision] Tulad ng ilang babae sa kasalukuyan, si Juliet Rose ay isa rin sa mga fan girl na tumitingala sa isang bituwin. Sa dami ng artistang gugustuhin niya, iyon pang nasa taong 1990s-'yun pang younger version ng 43-year-old na artista sa...