Prologo

63 12 5
                                    

PROLOGO

Ika nila kapag ang isang pangyayari ay nagtatagalay ng isang kagila-gilalas na kaganapan tanda ito ng isang kaayaayang magaganap, ngunit sa panahong ito tila ang pakiwaring ito ay binigyan ng panibagong alon. Sampu ng muling pagsilay ng buwan sa kalangitan ay ang pagbuhos muli ng nyebe sa kalupaan. Una ay nagtanda bilang isang biyaya, ngunit sa muling pagbibigay lamig kasawian ay kapid.

Ang sana'y tahimik at kahimbinghimbing na gabi ay nilambungan ng siphayo, takot, at pighati. Sa ilalim ng pagbuhos ng nyebe, sa isang banwa, naghahalo ang kulay puti at pula. Isang pangangayaw na 'di inaasahan ang nagaganap. Maririnig sa buong paligid ang matatalim na tunog ng mga kampilan, hiyaw ng pagmamakaawa, at sigaw ng katapanganan.

Masisilayan sa buong banwa ang daan-daang mga kawal ang nakikipaglaban sa isa't isa. Ang bawat panig ay may sariling nais na makamtan. Sa mangangayaw, nais limasin at angkinin ang bawat bahandi (yaman) ng banwa, at sa nilulusob, nais na maipagtanggol ang kalupaang kinalakihan.

"Ugh! Datu Masaludo hubdan niyo kung ano man ang inyong masamang ninanais!" turan ni Datu Kamuno habang patuloy na nakikipagbuno sa kalabang datu. "Kapunuan!"

Tila ba 'di naririnig ng kapunuang si Masaludo ang bawat salitang namumutawi mula kay Kamuno. Patuloy ang paglapat ng mga espada ng dalawa na gumagawa ng matatalim na ingay. Ang bawat isa ay nakakapagbigay ng malalalim na sugat ngunit ni isa sa kanila ay walang dunong sa pagsuko.

Mag-iisang oras na yata na nakikipaglaban sa bawat isa ang datu ng magkabilang banwa. Parehong matitikas ang mga pangangatawan, at napupuno ng mga batuk tanda ng kanilang mga katapangan at tagumpay. Ngunit 'di tulad ni Malasudo hindi nakapaghanda si Kamuno sa 'di inaasahang pag-atake kaya't hindi ito nakapanggayak ng mandirigma.

"Kapunuan sa anong kaganapan at kami ay inyong nilusob?!" tanong ni Kamuno na patuloy sa pagdepensa sa atake ng kalaban. "Magkasundo tayo sa paniniwalang 'di kailanman magiging sagot ang pangangayaw sa kahirapan ng ating mga banwa!"

Hindi pinapansin ni Malasudo ang mga salitang inuusal ni Kamuno. Muling naglapat ang kampilan ng dalawang datu at walang ni isa sa kanila ang nais na magbitiw. 

Lingid sa kaalaman ni Datu Kamuno mula sa kan'yang likod isang kasamahan ni Malasudo ang tumudla ng tudla sa kan'yang likuran at sa 'di inaasahang pangyayari magakasunod na nasugatan ni Malasudo si Kamuno kaya't bumagsak ang mga tuhod nito sa nanlalamig na lupa.

Mula sa bibig ni Datu Kamuno namutawi ang napakaraming dugo. Dahan-dahan itinutok ni Malasudo ang kan'yang kampilan sa leeg ng kalabang datu.

"Datu Malasudo, sa anong kadahilanang 'di ko nasisilayan ang awa sa iyong mga mata. Tayo ay naging magka-agapay sa pananatili nang kapayapaan sa ating mga banwa at maging sa buong puod (kaharian) " turan ni Kamuno na taimtim na nakatingin sa mga mata ni Malasudo na tila hinahanap ang dating kaibigan.

"Ang iyong anak" biglang nanlaki ang mga mata ni Kamuno sa itinuran ng kaharap. Sampu nito ang biglang pagkaramdam ng takot ng kapunuan.

'Batid niya ba? Ngunit paano't sinigurado kong walang may dunong sa nangyari noong nakaraang araw' turan ng datung nilusob sa kan'yang isipan.

"A-ano ang kai–"

"Nasaan ang iyong anak" pagputol ni Malasudo.

"Nagmamakaawa ako dating kaibigan. Magdalang habag ka sa aking anak" pagpupumilit na pagsusumamo ni Kamuno kahit na nahiirapan itong umusal ng mga salita.

"Muli, nasaan ang iyong–"

Hindi natapos ni Malasudo ang kan'yang sasabihin nang pinutol ito ng isang hiyaw na batid nito na nagmula sa bana (asawa) ng datung kaharap. Unti-unti isang ngiti ang sumisilay mula sa labi ng mangangayaw.

Dalanganan: Unang MitoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon