Chapter 6

3.6K 216 9
                                    


PAGKA-UWI nila ay niyaya ni Tiya Lupe si Karl para mananghalian sa kanila na inoohan naman nito. Wala naman siyang karapatang tumutol dahil hindi naman kanya ang bahay na iyon. Nagprisinta na lang siyang magluto para hindi siya mapilitang isitimahin ito. Si Tiya Lupe ang nakipag-usap rito sa maliit nilang sala habang nasa kusina siya at nagluluto. Dinig pa niya ang usapan ng mga ito na siya ang paksa.

"Ulila na si Cathy. Sayang nga lang at hanggang high school lang namin siya napag-aral. Matalino pa naman siya. Kung nakapagkolehiyo siguro siya, malamang ay mas maganda ang trabaho at malaki ang kinikita niya. Ang batang iyan, napakasipag at napakamapagbigay. Hindi siya naging sakit ng ulo sa amin kahit minsan at talagang itinuring na namin siyang anak ng tiyong niya dahil napakabait niyang bata. Kung nabubuhay lang ang mga magulang niya, ipagmamalaki siya ng mga iyon."

Hindi umiimik si Karl. Gusto pa naman sana niyang marinig ang komento nito tungkol sa pagbebenta sa kanya ng tiya.

"Ikaw ba, Karl, may mga magulang ka pa ba? Kapatid?" Maya-maya ay tanong ni Tiya Lupe.

"Opo pero wala sila rito. Nasa Maynila sila. Wala ho akong kapatid. Nag-iisa lang akong anak."

"Sabi ko na nga ba at taga-Maynila ka eh. Nag-iisang anak ka pala. Eh di todo-kayod ka niyan para sa kanila."

"Ganoon... na nga po." Nahimigan niya ang pag-aalangan sa tinig nito.

Taga-Maynila pala ito. Kaya pala presko, naisip niya.

"Bakit nga pala dumayo ka pa rito kung taga-Maynila ka pala? Mas marami raw trabaho sa Maynila at magaganda pa."

"Ang... ang korporasyon pong may hawak ng DeRita Hotel ang nagpadala sa akin dito sa Palawan. Uhm... dati na po akong nagtatrabaho sa ibang hotels ng korporasyon. Sinubukan lang nila akong ilagay rito sa Palawan."

"Ay gano'n? Ang ibig mong sabihin, pansamantala ka lang dito sa Palawan?"

Natigilan siya sa akmang pagbubudbod ng paminta sa niluluto. Pansamantala lang ito roon? Ibig sabihin ay aalis rin ito? Hindi niya alam kung bakit tila biglang bumigat ang pakiramdam niya sa nalaman.

"Opo. Mga three months lang ako sa DeRita."

Pagkatapos ng tatlong buwan na iyon ay hindi na niya ito makikita pa. Dapat siguro ay maging masaya siya dahil mawawalan na ng mangugulo sa kanya. Dalawang buwan na lang niyang titiisin ang pangungulit nito at pagkatapos ay mawawala na ito nang tuluyan. Pero bakit tila hindi ganoon ang nararamdaman niya?

Bumangon ang inis sa dibdib niya nang may maisip. Kaya ba siya nito sinusuyo ay dahil aalis rin ito sa loob ng dalawang buwan? Kapag nagpadala siya sa panloloko nito ay iiwan rin siya nito pagkatapos ng kontrata nito sa hotel? Plano lang pala siya nitong gawing libangan habang narito ito sa Palawan. Napakasama talaga nito. Sa nalaman ay lalo niya itong hindi bibigyan ng pagkakataon sa kanya. Hindi siya papayag na maging pampalipas-oras lang nito.

Ipinagpatuloy na lang niya ang pagluluto ng sinigang na bangus hanggang sa maluto na ito. "Hmmm... ang bango naman."

Napaigtad siya at napahiyaw sa pagkakadikit ng daliri niya sa kaldero. Nasa mismong likuran lang pala niya si Karl. Tiningnan niya ang daliring napaso.

"Oh God, I'm sorry, Cathy," paumanhin nito at hinawakan ang kamay niya para tingnan rin ang paso niya ngunit lumayo siya rito.

"Lumabas ka na," mahinahong pagtataboy niya rito. Itinapat niya ang daliri sa ilalim ng tubig na nagmumula sa dutsa ng lababo. Pagkatapos ay umupo siya sa silya at tinitigan ang daliri. Ipinaramdam niya ritong hindi niya ito kailangan.

A Devil In Disguise [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon