Part 2/2

12 0 0
                                    

LUNES
Malapit nang sumapit ang gabi, pero naghihintay pa rin ako. Napagkasunduan naming dito magkita.

Malamig. Makulimlim. Nagbabadya ang malakas na pagbuhos ng ulan. Pero ito na lamang ang tanging paraang alam ko para maisalba ang relasyon namin.

Pag-ibig. Bakit hindi pantay ang pagtingin nito para sa lahat? Bakit kailangan magdusa ang umiibig? Sa ikasandaang pagkakataon, muli kong susubukang isalba ang aming relasyon, kahit nakasasakal na.

Sinindihan ko ang yosi. Ito ang magtatakda ng oras ng paghihintay ko. Oras na mamatay ang sindi nito, dapat na rin mamatay ang nararamdaman ko para kanya.

Masakit. Pero ayokong manirahan sa kasiyahang gawa ng pantasya lamang.

Pag-ibig. Pamilya. Buhay. Mahigit limang oras na akong naghihintay. Nakaiinip.

Bigo akong maging mabuting anak. Bigo akong maging mabuting mangingibig. Bigo akong maging masaya sa buhay.

Nawala ang usok ng yosi, namatay na pala ang sindi. Kasunod ang ilang mas malalaki at mas maraming patak ng ulan.

Namatay na ang yosi. Tama na.

Isinuot ko ng hood ng jacket, inilagay sa bulsa nito ang mga kamay, at patakbong lumapit sa isang silong. Galit na galit ang hangin. Humahagupit sa bubong ng silong ang lakas ng ulan.

Lalo lang akong nalungkot sa ulan. Lalo ko lang siyang naalala. Inilabas ko ang earphone. Pinakinggan ang kantang palagi niyang kinakanta. Hindi ko siya kayang pakawalan.

Muli akong nagsindi ng yosi. Muli ko siyang bibigyan ng pagkakataon. Hithit. Buga.

Oras na mamatay ang yosi, at hindi pa rin siya dumadating, tapos na kami.

Hithit. Buga. Ilang minuto pa ang lumipas, lalo lang lumalakas ang ulan, lalo lang ding lumalalim ang lahat ng bagay.

"Kuya . . . ", naulinigan ko ang isang boses. Ngunit nakatingin ka lamang sa akin. Doon kita unang nakita, doon nagsimula ang ating kwento.

Tinanggal ko ang hood ko, pati ang earphone sa isa  kong tainga, "May sinasabi ka?", tanong ko kasunod ang paghithit sa sigarilyo.

"'Yang yosi mo po, baka pwede pakipatay kasi baka ako naman ang mamatay niyan", sabi mo na animo'y nagagalit. Tiningnan lang kita. Tinitigan ko ang mukha mo. Naisip kong iba ka kumpara sa mga babaeng nakilala ko. Huminga ako nang malalim at saka ibinuga ang natitirang usok sa katawan ko.

"Kuya, kung hindi mo ititigil 'yan, tatawag na ako ng pulis", sabi mo habang lalong tumataas ang boses mo.

"Pulis agad? Ang OA mo naman!"

"Hindi mo papatayin?"

"Miss naman, eto na titigil na, papatayin na nga o!", pinatay ko ang sindi ng yosi, at saka kita muling tinitigan. Ang ganda mo lalo kapag tumatapang ka. Hindi ko dapat ito maramdaman, pero nakaramdam ako kaagad ng ibang klase ng pag-ibig sa iyo. Patuloy na tumutugtog ang musika sa kaliwa kong tainga.

Tinitigan lang kita habang tinitingnan mo ako nang nakasisindak.

Lalo pang lumakas ang ulan. Makalipas lang ang ilang minuto, umupo ka na sa upuan nang medyo malayo sa akin.

"Ang lakas ng ulan ano?", tanong ko sa iyo, tangkang pagbubukas ng isang usapan, pero hindi ako umaasa nang anomang sagot mula sa iyo. Tumingin ako sa kalsada. Pinagmasdan ko ang mga patak ng ulan tuwing nalalapatan ng sinag ng ilaw ng mga dumadaang sasakyan.

"Nalulungkot ka rin ba kapag umuulan?", muli kong tanong, hindi ko napigilang ilabas ang nararamdaman kong lungkot, "Pasensiya ka na sa yosi kanina ha, 'di na mauulit. May problema lang kasi ako.", tuluyang lumabas ang mga salitang alam kong hindi ko dapat sinasabi sa iyo, kasabay rin ang tuluyang pagpatak ng luha sa aking pisngi.

SilongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon