That Summer (2)

20 0 0
                                    

"Ito na ata 'yon. Ikaw na nga ata talaga."

Minulat ko ang mga mata ko, napatulala saglit sa kawalan dahil sa mga salitang iyon sa aking panaginip.

"Magandang tanghali."

Ang malalim na boses ni kuya Ador at ang ugong ng kanyang pick-up truck ang nagpabalik sa akin sa realidad.

Ngayon lang ako nakatugon sa init ng klima. Umayos ako ng upo at nagpunas ng pawis sa noo at leeg. Tirik na tirik ang araw dahil tanghaling tapat na. Tumingin ako sa labas at padaplis kong nasulyapan ang mga matataas na puno ng Lansones na mabilis naming nalalagpasan.

Nasa Laguna na nga kami, sa aming bayan.

Tahimik ang bako-bakong daan ngunit hindi rin nagtagal ay narating na namin ang plaza. Ingay na ng mga taong nagbebenta, namimili, at namamasyal ang narinig ko. Bumagal ang takbo ng sasakyan dahil may iilang kakilala ang bumati sa amin na kinawayan naman pabalik ni kuya.

Magkakakilala na ang mga tao dito dahil hindi naman gano'ng kalaki ang bayan namin at matagal na ring naninirahan dito ang mga pamilya na lumaki na lamang sa nagdaang taon.

Tumitig ulit ako sa labas para makita naman ang iba't ibang pamilyar na estilo ng mga naglalakihang bahay na ilang buwan ko ring hindi nakita.

Wala namang ganiyan sa Maynila. Ibang iba ang siyudad kesa sa probinsya. Mas gusto ko dito. Payapa at simple ang buhay.

"Ba't ganiyan ang itsura mo? Kanina ka pa tulala. Binangungot ka?"

Nilingon ko saglit si kuya sa tanong niya. Naalala ko na naman ang kanina. Hindi agad ako nakasagot dahil hindi ko alam kung paano ipapaliwanag.

Nasa libingan ako sa panaginip ko. Mahangin noon. Nakayuko ako at nakatitig sa isang lapida na malabo ang naka-ukit na pangalan. Hindi naman nakakatakot pero kakaiba nga sa pakiramdam.

"Nasa libingan daw ako," sabi ko na lang.

"Ngik. Bangungot nga."

Umakyat ang sasakyan sa pataas na daan patungo sa aming lupa. Nang makarating na doon ay hininto niya ang pick-up sa garahe na iilang metro ang layo mula sa aming bahay. Tatlong bahay na literal na magkakadikit.

Mula sa harap, ang nasa kaliwang bahay ay bookstore na hawak ni lolo, ang ama ni Mama. Ang nasa gitnang bahay ay isang diner at ang karugtong noon ay ang bahay sa kanan. Si Mama ang nagpapatakbo noon at tuwing bakasyon o mga break mula sa unibersidad ay tumutulong kami ni kuya Ador.

Ayos din para sa akin dahil napapakinabangan ko ang pagiging HRM student ko.

Ngayong katapusan ng Mayo at summer break na namin, umuwi kami para tumulong ulit. Mas nauna lang si kuya kesa sa akin ng ilang araw dahil may inasikaso pa ako sa eskwelahan.

Dala ang aking mga bagahe, saglit akong tumingala para tingnan ang malaking signboard na nakadikit sa gitnang bahay.

"Salviejo's".

Hindi pa ako nakakapasok ay dinig na dinig ko na ang ingay mula sa loob. Sa likurang pintuan ako dumaan at umakyat sa kwarto ko sa ikalawang palapag.

Umupo ako sa kama at inalog ang snowglobe na bigay ni Papa sa akin noong siyam na taong gulang ako. May maliit na barko sa gitna noon at may mumunting asul at puting lumulutang.

Nilapag ko iyon at napatitig sa picture frame sa tabi. Litrato namin ng pamilya ko noong nakaraang taon.

Isang taon na ring hindi nakakauwi si Papa. Seaman siya. Gano'n pa man ay nagpapadala naman siya ng mga sulat o postcards kaya kahit papaano ay naiibsan ang lungkot ni Mama.

Some.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon