Isang taon ang lumipas mula nang maging usap usapan sa aming paaralan ang tungkol sa pagkamatay ng isang istudyanteng nagngangalang Remi, isang second year highschool. May ibat ibang hinuha tungkol sa pagkamatay niya, may mga nagsasabing suicide daw ang sanhi ng pagkamatay nito, ayun na rin sa naging ulat ng pulisya, natagpuan ang walang buhay na katawan nito sa may ilog at nakitaan ng mensahe na nakasulat sa may suot suot na uniporme tungkol sa pagpapakamatay, at ayon din sa ulat ay napatunayan naman na sulat kamay nga ni Remi iyon. Ngunit gayun pa man may ilan ring mga tao na nagsasabi na hindi raw iyon suicide, may tao daw na sangkot sa likod ng pagkamatay nito. Hindi ko tiyak kung bakit may nagsasabi niyon. Nakita ko na si Remi noong first year highschool palang ako, hindi ko siya naging kaklase, ngunit madalas ko siyang makita dahil nasa katabing classroom lang ang section nila sa amin. Pansin kong tahimik lang si Remi, hindi siya madalas nakikihalubilo sa mga tao, hindi ko maipaliwanag ngunit animo may nababanaag akong kakaibang emosyon sa repleksyon ng kanyang mga mata.
Ang madalas niya lang kasama ay ang kaibigan na si Mari, na kasalukuyan ko namang kaklase ngayon. Ngayon ay parehong 3rd year highchool kami, unang pagkakataon na naging kaklase ko siya. Katulad ni Remi, hindi rin palakausap si Mari sa aming klase, pansin ko rin na ilag sa kanya ang karamihan sa mga kaklase namin. Madalas siyang walang imik at nakabukod sa mga tao. Naiisip ko nalang na malamang ay nagluluksa pa rin siya sa pagkamatay ng kaibigan. Ngunit ang hindi ko maunawaan, ay kung bakit tila sa kanya isinisisi ng ilan kong mga kaklase ang pagkamatay ng kaibigan niyang si Remi.
Sinasabing siya daw ang dahilan kung bakit namatay ito. Tuwing naririnig ko iyon, ay di ko maiwasan pagmasdan si Mari. Oo, tahimik siya at kakaibang maituturing, ngunit wala naman akong nakikita sa hitsura niya na makakagawa ng ikakasama ng kapwa. Sa katunayan nga ay naaawa ako sa kanya, lalo na't pansin kong hindi maganda ang pakikitungo sa kanya ng mga tao dito sa eskwelahan. Ngunit aminado rin naman ako na may nakikita akong misteryo sa kanya. Malakas ang kutob ko na may alam siya tungkol sa dahilan ng pagpapakamatay ng kaibigan. Sa kagustuhang malaman ang misteryong iyon, ay sinikap kong makipaglapit sa kanya.
Noong una ay tila di naging madali sa akin ang pakikipaglapit kay Mari.
Madalas ko siyang sinasabayan sa paglalakad at kinakausap, ngunit hindi naman niya ako kinikibo, ilang araw o linggo rin akong ganun sa kanya, ngunit kahit ganoon, ay ipinagpatuloy ko pa rin iyon, kahit sinasabihan na ako ng ilan kong mga kaklase at kaibigan na wag ko na daw pagtyagaang makipagkaibigan sa kanya. Ngunit hindi ako nagpapatigil, patuloy ko pa ring sisikapin na mapalapit ang loob niya sa akin. Gusto kong magbago ang tingin sa kanya ng ilan kong mga kaklase sa positibong paraan. Nais kong alisin ang kalungkutang nababanaag sa kanyang mata, katulad ng repleksyong nakita ko noon sa mata ni Remi. Gusto kong iiwas kay Mari ang sinapit ng kaibigan. Hindi ko maintidihan ang sarili ko ngunit may malakas akong nararamdaman na kakaibang damdamin patungo kay Mari, damdamin na katulad ng naramdaman ko noon kay Remi, panghihinayang, awa, at takot.
****
Lumipas ang halos isa't kalahating buwang pagsuyo kay Mari, sa wakas, ay hindi rin nasayang ang aking patyatyaga. Kahit papaano ay kinikibo na niya ako. Isang hapon habang magkasabay kaming naglalakad pauwi, ay tinanong ko siya tungkol sa kaibigan niyang si Remi. Noong una ay hindi agad ito kumibo, ngunit hindi naglaon ay nagsalita din. Sinabi niya sa akin kung gaano naging mabuting kaibigan si Remi sa kanya. Ikinwento niya sa akin ang mga pinagdaanan nila noon. Noong mga bata pa daw sila ay madalas na silang tampulan ng tukso, mainit sila sa mga mata ng mga tao sa paligid, wala silang ibang kalaro kundi ang isa't isa, madalas silang inaaway kahit hindi nila maunawaan ang dahilan, kapit bisig nilang pinag tatanggol ang isa't isa sa mga umaaway, magkatuwang sila sa anumang bagay. Si Remi ang naging sandalan niya lalo na sa pinaka malungkot na yugto ng kanyang buhay.
Habang sinasabi sa akin ni Mari ang mga bagay na iyon, ay nakaramdam ako ng matinding kalungkutan. Kita ko ang matinding pagmamahal at pangungulila niya kay Remi. Masyado ngang naging mapaghusga ang mga tao sa kanya para ibintang ang pagkamatay ng matalik na kaibigan.
Isang araw, ay tumungo ako sa bahay na tinutuluyan ni Mari, para ihatid ang notebook niya na naiwan sa classroom noong huwebes, hindi siya pumasok nang biyernes kaya napagpasyahan ko nalang ihatid sa kanya iyon, iyon ang unang beses na nakapunta ako sa bahay niya. Tahimik ang lugar na iyon, maraming tuyong halaman sa bakuran ng bahay. Tinungo ko ang pinto at tinangkang kumatok, ngunit may narinig akong kakaibang ingay sa loob, pagkalabog at sinundan ng pagsigaw. Lumakas ang tahip ng aking dibdib nang mapagkilanlan ang may ari ng boses na iyon, si Mari. Dala ng pag-aalala ay tuluyan na akong pumasok sa bahay na iyon. Nakita kong may ilang gamit na nagkalat, at si Mari na nakasalampak ng upo sa sahig. Napansin ko ang pagkabigla sa kanyang mata nang mapatingin siya sa akin.
Nauutal ang boses na tinanong ako kung bakit ako naroon. Inalalayan ko muna siyang tumayo, at sinabi sa kanya ang sadya, sabay inabot ko sa kanya ang dala dalang notebook. Nanlaki ang mata at agad na kinuha niya iyon sa akin. Tinanong niya ako kung paano napunta sa akin iyon, at ganun naman ay sinabi ko sa kanya ang dahilan. Napabuntong hininga ito at pagkatapos ay iginawi niya ako sa isang upuan sa salas. Humingi siya nang pasensya dahil sa kalat sa sahig. Napag alaman kong naglilinis siya nang istante nang makakita ng bubwit at sa gulat ay nawalan siya ng balanse na naging dahilan nang pagkatumaba niya at pagkahulog ng mga gamit sa sahig. Natawa ako ng bahagya nang marinig iyon, di ko inisip na takot din pala ito sa ganun katulad rin ng mga tipikal na babae. Inalok niya ako ng maiinom, pagkatapos ay tinungo nito ang kusina. Habang hinihintay si Mari, ay ilinibot ko ang aking paningin sa paligid. Simple lang at di kalakihan ang loob ng bahay, konti lang rin ang makikitang kagamitan doon. Sa tantsa ko ay dalawa ang kwarto sa loob, habang makitid naman ang daanan patungo sa kusina. Di ko tanaw si Mari sa kusina mula sa kinauupuan. Habang hinihintay si Mari ay napukaw ang aking atensyon sa isang litrato na nakadikit sa dingding. Litrato iyon ng dalawang batang babae na may hawak na kwaderno, sa tanya ko mga nasa pito o walong gulang ang edad. Napahinto ako nang mamukhaan kong si Remi at Mari ang dalawang bata doon sa litrato. Napabuntong hininga ako. Naputol ang pag iisip ko nang malalim nang mapansin kong papalapit si Mari sa akin at may dalang inumin at biskwit. Nagpasalamat ako, at saglit din kaming nag kwentuhan, tinanong ko siya tungkol sa pagliban niya sa klase, sabi niya na nagkasakit siya kaya ganun. Hindi nagtagal ay nagpaalam na rin ako sa kanya. Habang nasa daan pauwi, ay napatingin ako sa isang tulay, na tanaw mula sa daanang aking linalakaran, mga nasa dalawangpung metro ang layo mula sa aking kinapupwestuhan. Di sinasadya, ay bigla nalang limitaw sa aking isipan si Remi. Napailing ako, pagkuway ipinagpatuloy ko ang paglalakad.
****
Nagdaan ang ilang araw, napansin kong tila umiiwas sa akin si Mari. Hindi ako sigurado ngunit iyon ang aking nararamdaman. Binalak ko siyang kausapin pagkatapos ng klase nang araw na iyon, ngunit di ko namalayan ang pag alis niya sa classroom. Dumaan ako ng library, nagbabakasakaling makikita ko siya roon, ngunit nabigo ako. Mag isa kong linisan ang paaralan, laman laman ng aking isip si Mari.
Nang sumapit ang gabi, tahimik lang akong nakatanaw sa kalangitan, pinagmamasdan ang mga bituin sa langit habang kasalukuyang nakaupo sa upuan sa teresa ng aming bahay. Maya maya narinig kong may tumawag sa pangalan ko, ang aking nanay. Tumayo ako at tinungo ang salas kung saan naroroon siya, pagkatapos ay tinanong ko siya kung bakit niya ako tinawag, di pa man siya nakakasagot ay naagaw na ang aking atensyon ng lalaking nakatayo malapit sa kanya, si Tom, ang pinaka malapit kong kaibigan.
Schoolmate ko si Tom simula palang ng elementarya ako, madalas na kaming magkasama magkalapit din kami ng tinitirhan, nagkakasundo kami sa maraming bagay, katulad nalang ng mga hilig, magaling siya gumuhit, ngunit aminado naman akong mas magaling ako sa kanya sa larangang iyon, ngunit gayun pa man may ilan ring mga bagay na lamang siya sa akin, katulad nalang ng madalas niya akong matalo sa chess at computer games, ganun din pagdating sa mga babae, matatandaang sa buong buhay ko ngayon ay iisang beses ko pa lang tinangkang manligaw, iyon ay noong first year highschool palang ako, nagkagusto ako sa isa kong kaklase na naging kaibigan ko rin bago ko pa man siya ligawan, nang magkaroon ng lakas ng loob, ipinagtapat ko sa kanya ang aking nararamdaman, ngunit sa kasamaang palad ay nabigo agad ako, at ang masama pa ay nalaman kong si Tom pala ang gusto ng babaeng yun at hindi ako, iyon ang kaunaunahang beses ko na ma broken hearted, kaya di na muna ko umulit manligaw sa kahit sinong babae hanggang ngayon, sabagay, naiisip ko rin naman na siguro bata pa naman akong maituturing para magkaroon ng ganoong relasyon, at alam kong doon ako napag iiwanan ni Tom, kasalukuyan siyang may nobya. Pero kahit ganoon ang nangyari sa amin noong nakaraan, ay di naman yun naging problema sa pagkakaibigan naming dalawa. Natatawa na nga lang ako ngayon tuwing maaalala ko ang mga araw na yun.
Ngayon kasalukuyan kaming hindi magkaklase, section B siya samantalang section C naman ako. Madalas siyang pumunta dito sa bahay, malapit din siya sa pamilya ko.
Nagulat ako nang may bigla siyang ihinagis na bagay papunta sa akin, buti nalang nasalo ko iyon. Napag alaman kong ang librong hiniram niya sa akin noong nakaraang linggo ang bagay na iyon.
Malapad ang pagkakangiti niya, sabay sabing pahiram daw uli siya ng ibang libro, di nagtagal tinungo na namin ang aking silid para kumuha ng librong hinihiram. Katulad ng kinagawian, naglaro uli kami ng chess, nang pagkakataong ako na ang titira ay napahinto ako sa sinabi ni Tom, sinabi niya sa akin na balita niya ay may pinopormahan daw akong babae sa school, at si Mari ang tinutukoy niya.
Agad akong tumanggi at sinabi sa kanya na nakikipagkaibigan lang ako kay Mari, tumawa si Tom sa sagot ko, ngunit di nagtagal ay bigla nalang sumeryoso ang repleksyon ng kanyang mukha, sabay muling nagsalita.
"Gusto mo siya, tama ba?"
Napaiwas ako nang tingin, sinabi ko sa kanya na pakikipagkaibigan lang talaga ang intensyon ko kay Mari.
Muli siyang nagsalita.
"Wala naman akong nakikitang masama sa intensyon mo, pero.."
Sandaling huminto si Tom sa pagsasalita, tila biglang nag-alangan, napakunot ang aking noo, tinanong ko siya at muli ipinagpatuloy nito ang pagsasalita.
"Alam mo naman siguro kung anong usap usapan sa kanya sa school di ba, hindi maganda ang tingin sa kanya ng karamihan. Bakit kailangan mo pang gawin yun, kung katulad nga ng sinasabi mo ngayon na wala ka naman palang gusto sa kanya. Pasensya na pre, pero sa hindi naman nanghihimasok ako, pero sa tingin ko parang mas mabuting hayaan mo nalang siya, sa totoo lang di ako tiwala sa babaeng iyon"
Hindi ko inaasahan ang sinabi niyang iyon, naguluhan ako, parang may naramdaman akong kakaiba sa sinabi niya. Tinanong ko siya kung bakit.
"Pati ba naman ikaw, naniniwala ka rin sa walang basehang paratang na yun tungkol kay Mari"
Nakita kong bumuntong hininga si Tom pagkatapos marinig sa akin iyon.
Nawalan ako bigla ng gana sa paglalaro. Nang tangkang papatayo na ako ay muling nagsalita si Tom.
"Hindi naman dahil sa naniniwala ako sa mga sabi sabi sa eskwelahan tungkol sa kanya.. Ganito kasi yun, di ko lang kasi na kwento to sayo noon, kasi nawala din sa isip ko, kasi iniisip ko namang di naman tayo sangkot sa problema nila, pero sa tingin ko, siguro dapat ikwento ko to sayo, kaya ganun nalang tingin ko sa babaeng yun."
Muli akong napaupo, di ko mawari ngunit bigla akong pinanlamigan. Puno ng katanungan ang aking isip, gusto kong isatinig iyon ngunit walang lumabas na kahit ano mula sa aking bibig.
"Di ko tiyak, mga dalawang Linggo ata yun, bago mabalita yung pagpapakamatay ni Remi, eh nakita ko pa siya nun, kasama niya si Mari. Gabi na noon, malakas pa ang ulan, sa may parke na nadadaanan natin pag pauwi galing eskwelahan. Ewan ko eh, nakita kong nakapasan sa likod ni Mari si Remi, pareho silang basang basa sa ulan nung gabing iyon. Tanaw ko sila mula sa daanan, walang ibang tao nun sa paligid, at malamang di rin nila ko napansin sa kinatatayuan ko, Naintriga ko pre sa hitsura nila kaya saglit akong huminto sa paglalakad at pinagmasdan ko sila ng palihim. Umiiyak nun si Remi, umupo sila sa bench, samantalang si Mari naman galit ang repleksyon sa mukha. Di ko marinig yung usapan nila nun eh, dahil na rin sa lakas ng ulan. Maya maya nakita kong sinampal ng malakas sa mukha ni Mari si Remi, hanggang patuloy naman sa pag-iyak si Remi. Naguguluhan talaga ko nun pre kung ano yung pinag-uusapan nila, pero mukhang napaka seryosong bagay nun. Di ko maipaliwanag ng eksakto, pero kung siguro ikaw yung nasa katayuan ko nun, mararamdaman mo din yung naramdaman ko nun habang tinitingnan silang dalawa. Pero.. Mayroon talagang mas isang pinaka bagay na nagpalito sa akin nun eh.."
Bahagyang huminto sa pagsasalita si Tom. Lalo akong kinabahan. Parang nanunuyo ang aking lalamunan. Di nagtagal nagpatuloy uli si Tom sa pagsasalita.
"Pagkatapos sampalin ni Mari si Remi nun, nagulat ako sa sumunod na nangyari..
Naghalikan silang dalawa.."
"Hindi ko sigurado, ngunit kinukutuban ako ng di maganda sa dalawang iyon. Baka hindi man literal, pero malay natin.. baka may kinalaman din yun sa pagkamatay ni Remi. Pero wala na kong pakialam dun, ikaw pre ang iniisip ko, kahit di mo man aminin, pero kung sakali mang magkagusto ka dun kay Mari, itigil mo na yan. Ramdam kong malaking problema yan sayo. Kaya payo ko lang pre, hayaan mo nalang siya."
***
Biyernes, pagpasok ko sa eskwela, nadatnan ko ang kumpulan ng mga estudyante sa tapat ng aming silid aralan. Nagtaka ako, mukhang may namumuong iringan sa pagitan ng mga estudyante sa bahaging iyon. Dala ng kuryosidad, lumapit ako roon, nagulat ako nang di inaasahang makikita ko si Mari habang mataas naman ang boses ng kaklase kong si Lala sa kanya, siya ang taong madalas na isinisisi kay Mari ang pagkamatay ni Remi, ang alam ko ay magkakaklase sila noong panahong namatay si Remi. Hindi ko maintindihan ngunit hanggang ngayon, ito pa rin ang pinagdidiinan ni Lala, na tila sa tonong nanunumbat.
Hindi ko natiis na manuod lang, inawat ko si Lala, nakita ko ang pagkabigla sa mata niya sa ginawa ko, maya maya may lumabas na mapang uyam na ngiti sa kanyang labi, sabay walang sabing naglakad palayo.
Hindi ko alam ang pinag ugatan ng pangyayaring iyon sa pagitan nina Mari at Lala, ngunit batid kong malalim ang naging dahilan niyon. Tuluyang hindi na sumipot sa klase si Lala ng araw na iyon, samantalang tahimik lang si Mari sa kanyang kinauupuan. Napabuntong hininga nalang ako. Nasa aking isipan pa rin ang mga sinabi sa akin ni Tom. Pinagmasdan ko si Mari nang palihim mula sa kanyang kinauupuan. Magulong magulo ang aking isip. Naiisip ko na ring sundin ang payo sa akin ni Tom, ngunit may malaking parte sa akin ang tumatanggi sa ideyang iyon. Lalo na ngayon na nakikita ko ang sitwasyon ni Mari. Para siyang isla na walang sino mang tao ang gustong mapadpad doon. Parang ako ang nasasaktan sa isiping iyon.
Ayoko.. ayokong layuan siya..
Ayun ang sigaw ng aking damdamin.
Nang matapos ang klase nakita kong nagmamadaling lumabas ng classroom si Mari, agad akong tumayo at sinundan sya, mabilis ang bawat hakbang ni Mari. Tinawag ko ang pangalan niya, nang hindi niya ko liningon ay agad ko siyang hinawakan sa braso para pigilin, napansin kong nabigla siya sa ginawa ko, nagkatinginan kami sa mata, ngunit di nagtagal ay iniwas niya rin ang tingin, sabay sabi sa akin na huwag ko na siyang pag aksayahan ng panahon, sinabi ring hindi siya karapat dapat na maging kaibigan ko, dahil katulad na rin ng sabi ni Lala, hindi siya mabuting kaibigan. Para akong binuhusan ng tubig na may yelo nang marinig iyon sa kanya. Inalis niya ang pagkakahawak ng aking kamay sa kanyang braso, ngunit gayun pa man ay hindi ako nagpapigil, at agad ko siyang yinakap ng mahigpit.
Matagal tagal din kami sa ganoong pwesto. Pinagmamasdan na kami ng mga tao sa paligid pero di iyon naging dahilan para bitiwan ko siya. Maya maya narinig kong nagsalita si Mari.
"Ayus lang ba sa iyo ang ganito? Tingnan mo sila .."
Bahagya akong tumango, at mahina ang boses na tumugon.
"Ayos lang sa akin.. wala akong pakialam sa iniisip nila.. wag mo na sana ko iiwasan." Sagot ko.
Maya maya kumalas ng pagkakayakap sa akin si Mari. May ngiti sa kanyang labi.
"Salamat. Aasahan kong hindi magbabago ang desisyon mong yan. Masaya ako. Sige bukas nalang uli, mauna na ko sayo. Paalam Archie."
Pagkasabi ay tinalikuran na niya ako, kumaway at naglakad papalayo sa akin.
Nakaramdam ako ng kakaibang gaan ng pakiramdam. Hindi man malinaw pero sa tingin ko ay tinatanggap na niya ang pakikipagkaibigan ko sa kanya.
Ngayon, napagtanto ko na sa aking sarili na wala na akong pakialam sa sasabihin ng iba, basta ang alam ko ay, masaya akong makasama si Mari.
Biglang na namang pumasok sa aking isipan ang kwento sa akin ni Tom. Bigla akong napailing. Ayoko na mag isip ng kahit ano pa. Siguro, kailangan ko nang burahin iyon sa aking isipan. Ngayon wala na kong layuning alamin pa kung ano man ang tunay na dahilan ng pagpapakamatay ni Remi, basta ang alam ko, mas magiging mabuting kaibigan nalang ako kay Mari kung sakali mang totoong tatanggapin niya ako. Sana nga...
Nang sumapit ang Lunes, maaga akong naghanda ng sarili para sa pagpasok sa eskwelahan. Nang makarating, ay pansin kong kakaunti palang ang mga estudyante sa paligid, nang nasa pasilyo na ako ay nakasalubong ko si Anthony, ang class president namin, binati ko siya. Tipid ang ngiti, at nagpatuloy ito sa paglalakad. Nagtaka ako, mukhang di siya maligalig ngayon, na madalas niyang kinaugalian. Bumuntong hininga nalang ako at agad na tinungo ang classroom.
Nang buksan ko ang pinto, ay nakita kong nakatingin silang lahat sa akin. Biglang tumahimik ang paligid. Nginitian ko sila, ngunit halos sabay sabay silang nag iwas ng tingin sa akin. Nakaramdam tuloy ako ng pagkaasiwa, pakiramdam ko may namumuong tensyon dito sa loob ng silid aralan.
Nang makarating sa aking upuan, nakita kong papalapit sa akin si Dino, isa ko ring kaklase.
"Archie, balibalita ko may namamagitan sa inyo ni Mari, totoo ba yun?"
Nang sabihin iyon ni Dino narinig ko ang mga bulungan ng iba ko pang kaklase, nakatingin uli silang lahat sa gawi ko, naiisip ko tuloy na ako ang pinag uusapan nila.
Napakunot ang aking noo. Ano bang problema nila. Sinagot ko si Dino sa iritableng boses.
"Wala ka nang pakialam dun."
Pagkasabi ko, narinig kong tumawa ng malakas si Dino.
"Hahaha, ano ba kasi nagustuhan mo dun kay Mari, bukod sa di naman maganda eh, wierdo pa, baka mamaya niyan, ikaw naman sumunod na mapabalitang lumulutang lutang niyan sa ilog. Haha".
Nagpantig ang tainga ko sa mga sinabi ni Dino, bigla akong tumayo at hinawakan ko siya sa may kwelyo ng kanyang polo.
Lumakas ang bulungan ng mga tao sa paligid.
Naiinis na ko sa nangyayari, gusto kong suntukin si Dino sa mukha, ngunit napigil ko rin ang aking sarili. Nakakuyom ang aking kamao at maya maya huminga nalang ako ng malalim.
"Wala ko sa mood makipag biruan sayo ngayon Dino. Wala kaming ibang relasyon ni Mari, oo, gusto ko siyang maging kaibigan, at hanggang doon lang yun. Pwede ba pakilinis yang dumi nang utak mo."
Nakita ko ang pagkabigla sa mukha ni Dino. Bumuntong hininga ito.
"Sorry pre, ge." humihinging dispensang tono ni Dino, pagkatapos pumunta na ito sa sariling upuan, Nakayuko na tila napapahiya.
Ngayon, hindi man isang daang porsyento, pero kahit papaano, parang nararamdaman ko na ang pakiramdam ni Mari patungo dito sa eskwelahang ginagalawan.
***
Lumipas pa ang mga araw, mas nakaramdaman ako ng pagkaasiwa dito sa eskwelahan. Yung mga kaklase kong madalas kong nakakausap noon, ngayon ay pakiramdam ko ay iniiwasan na rin ako.
Alam kong may kinalaman ito sa pakikipaglapit ko kay Mari. Pakiramdam ko, bigla nalang nila ko iniwan sa ere, at ganoon nalang na nagpadala sa pamanghusga nilang isipan.
Pero, wala na akong pakialam dun, may isa pa rin naman akong tinuturing na kaibigan sa klase, at si Mari yun. Nakakatuwang isipin na may progreso na ang relasyon naming dalawa. Dama kong tinuturing niya na rin akong kaibigan. Madalas na kaming magkasama, sabay kumain, at maglakad pauwi. Gaya ng dati, tahimik pa rin siya, hindi rin siya nagbabahagi ng nararamdaman, ngunit dama ko namang hindi na siya umiiwas sa akin. Masaya na ako roon.
Napayuko ako, ipinagpatuloy ko ang paglalakad, kasalukuyang lunch break namin, samantalang papunta naman ako sa library, babalikan ko ang naiwan kong calculator roon. Nang mga nasa dalawang metro nalang ang layo ko sa silid na iyon, may narinig akong tumawag sa aking pangalan.
"Archie".
Napalingon ako, si Lala, nakatayo sa likuran ko. Sinenyasan nya ako na lumapit sa kanya. Napakunot ang noo ko, pero gayun pa man ay lumapit din.
Tinanong ko siya, hindi siya agad sumagot, bagkus hinawakan niya ang braso ko at iginawi sa bandang likuran ng isang classroom. Kaming dalawa lang ang tao roon.
Nang tangkang magsasalita na ako, ay bigla namang nagsalita si Lala.
"Hindi ka pa ba nagsisisi ah? Nararamdaman mo naman siguro kung ano sitwasyon mo ngayon di ba. Ano ba kasing nakita mo kay Mari. Wala ka namang mapapala eh, hayaan mo nalang siya." Mapait ang repleksyon sa mukha ni Lala nang sabihin niya iyon.
"Hindi ko alam kung anong gusto mong palabasin, pero pwede ba, wag mo nalang ako pakialamanan, kung may personal man kayong problema kay Mari, labas na ko dun. Kaibigan ko yung tao."
"Kaibigan lang ba talaga ah, o higit pa? Nararamdaman ko may gusto ka kay Mari."
Nang hindi ako umimik, ay nagpatuloy si Lala sa pagsasalita.
"Hindi naman sa pinakikialamanan kita, pero gusto ko lang malaman mo kung ano ang sitwasyon mo ngayon. Wala kang alam Archie, Wala!"
"Oo, siguro nga wala kong alam kung anong nangyari sa inyo dati, pero wala na kong pakialam dun, pwede ba Lala, pabayaan mo nalang si Mari, dapat nga matuwa ka pa na kahit papaano ay may isa pang tao na di katulad nyo ang turing sa kanya? Hayaan mo nalang siya."
Hindi na ako nakapagpigil, may kataasan na ang tono ng aking boses.
Nagbuntong hininga si Lala.
"Sige, bahala ka. Gawin mo kung ano gusto mo. Pero bago yun, sasabihin ko muna ang punto ko kung bakit ako ganito, gusto lang kita bigyan ng babala, tungkol diyan kay Mari"
Saglit na tumahimik si Lala, saka nagpatuloy sa pagsasalita.
"Kung hindi mo pa alam, magkaklase kami noon, ng mga panahong nabalita ang pagkamatay ni Remi. Kahit kailan naman hindi ko naging gusto yan si Mari. Para sa akin napaka misteryoso niya. Sa totoo lang hindi ko naman siya papakialamanan kung hindi lang dahil kay Remi."
Naroon pa rin ang pait
ng repleksyon na naaaninag sa mga mata ni Lala.
"Wala man akong matibay na ebidensya, pero sigurado ko na may kinalaman siya sa pagkamatay ni Remi. Oo, dati pa man, parang may sariling mundo na talaga ang magkaibigang iyon, minsan nakakaramdam din ako ng pagkairita sa kanilang dalawa kaya siguro yun na rin ang dahilan kung bakit malayo ang loob sa kanila ng mga kaklase ko noon, pero gayun pa man, nakakaramdam din naman ako
ng awa, hindi kay Mari kundi kay Remi. Ikukwento ko nalang sayo, baka sakaling maintindihan mo ang pinupunto ko. Mga isang buwan nun bago mamatay si Remi, may napansin akong may nangyayaring kakaiba sa dalawa, hindi ko alam kung ako lang ba ang nakakapansin nun o pati rin ang ilan kong mga kaklase, hindi katulad ng kinasanayan kong larawan nilang dalawa tuwing magkasama ang nakita ko sa panahong iyon. Ramdam kong mayroon silang hindi pagkakaunawaan. Pero alam kong sasabihin mong wala yun sa katwiran para idahilan para isisi ko kay Mari ang pagkamatay ng kaibigan niya tama ba Archie?."
Napaiwas ako ng tingin kay Lala, wala akong mahanap na sasabihin.
Nagpatuloy si Lala sa pagsasalita.
"Isang araw, nakita ko si Remi, dito mismo sa lugar na kinatatayuan natin, umiiyak siya. Ramdam kong may mabigat siyang problema, linapitan ko siya, at sa pinaka unang pagkakataon ay nagkausap kami. Tinanong ko si Remi kung ano ang problema, hindi siya agad sumagot, ngunit di rin naglaon ay nagbukas din sa akin ng nararamdaman. Sinabi niyang nahihirapan na siya, sinabi niya sa akin, hindi man diretsahan ngunit alam kong si Mari ang tinutukoy ni Remi. Sinabi ni Remi na malaki ang pinagbago 'niya', at halos di na ni Remi ito maintindihan. Sinabi niya rin na gusto niyang tumakas sa ganoong sitwasyon at mabuhay din ng normal. Hindi man malinaw niyang sinabi ang dahilan, pero malaking indikasyon na iyon na mayroon silang hindi pagkakaunawaan ni Mari. Lumipas ang mga araw, kahit papaano ay naging malapit kami sa isa't isa ni Remi, samantalang tikom pa rin ang bibig ni Remi sa kalagayan ng relasyon nila ni Mari. Gayun pa man, ay dama ko na hindi gusto ni Mari na nagkakausap kaming dalawa ng kaibigan niya. Ilang linggo ang lumipas, tila mas lumala ang sitwasyon sa pagitan nila Remi at Mari. Dumalas ang pagliban ni Remi sa klase, samantalang si Mari naman ay walang maaninag na emosyon sa mukha. Nag alala ako nun sa kalagayan ni Remi, kaya tinangka kong komprontahin si Mari. Pinilit ko siyang magsalita, ngunit naramdaman ko ang galit niya sa mga oras na iyon. Sumisigaw siya sa akin. Wala daw akong alam, at karapatan manghimasok. Silang dalawa lang daw ni Remi ang magkaibigan at wala ng iba. Kitang kita ko ang galit sa mata ni Mari nun. Napagdesisyonan kong personal na kausapin si Remi noon, kaya pinuntahan ko siya sa bahay na tinitirhan, nakita ko si Remi malaki ang pinagbago ng hitsura niya, maiksi at magulo ang kanyang buhok na tila basta nalang ginupit iyon naaawa ako sa hitsura niya, nang tangka ko siyang lalapitan ay tinaboy niya ako. Hindi niya daw ako kaibigan para kausapin, wala daw siyang tiwala kahit kanino, maliban kay Mari. Si Mari lang daw ang tunay na nagmamahal sa kanya. Pagkatapos nun ay sinarhan niya ko ng pinto. At iyon ang pinakahuling pagkakataon na nakita ko siya. Lumipas ang ilang araw, nabalita na sa buong eskwelahan ang pagkamatay niya."
Nangilabot ako sa mga narinig kay Lala. Napansin kong may pagkakahawig ang kwento niya sa kwento ni Tom.
"Hindi ka naman siguro bobo Archie, para di mo maintindihan kung ano ang pinupunto ko. Kung bakit ako ngkakaganito tungkol kay Mari. Naniniwala pa rin ako na siya ang dahilan ng pagkamatay ni Remi. Gusto kong malaman mo na sana maging handa ka kung ano man maaari mong malaman tungkol diyan sa babaeng gusto mong maging kaibigan."
Pagkatapos sabihin niyon ay tinalikuran na ko ni Lala, at naiwan akong mag isa sa lugar na iyon.
***
Dumating ang araw ng biyernes, nagmamadali kong isinilid sa aking bag ang aking mga gamit nang mapansin kong nakatingin sa akin si Mari, nakatayo siya malapit sa pintuan ng silid na kinaroroonan ko, hinihintay niya ako. Sabay kasi kaming maglalakad pauwi. Kakatapos lang halos ng klase sa araw na iyon. Ilang araw na rin kaming ganito, magkasama tuwing uwian, ito na rin siguro ang dahilan ng madalas na pag-iisip ng mga tao dito sa eskwelahan na may relasyon kami ni Mari na higit pa sa pagkakaibigan. Ewan ko, ganoon na talaga siguro ang tao, maniniwala sa gusto nilang isipin at paniwalaan. Tanggap ko na ring malayo na ang loob ng mga kamag aral ko sa akin, ramdam na ramdam ko iyon lalo na ngayong ni wala man lang ni isa ang bumati sa akin ngayong kaarawan ko. Nginitian ko si Mari at patakbong lumapit sa kanya.
Sabay naming nilisan ang eskwelahan. Nang mga nasa ilang metro na ang nalalakad namin ay biglang nagsalita si Mari.
"Happy birthday."
Hindi ko inaasahan iyon. Huminto kami sa paglalakad. Maya maya may ilinabas siyang bagay mula sa kanyang bag, at iniabot sa akin iyon.
"Pagpasensyahan mo na, yan lang kinaya ko." Tipid ang ngiti ni Mari.
"Nako, ayus lang yun, buti alam mong birthday ko ngayon. Salamat ah.. " pakiramdam ko nag iinit ang pisngi ko.
Pinagpatuloy namin ang paglalakad. Nang malapit nang maghiwalay ang aming daanan, nagsalita muli si Mari,
"May gagawin ka ba sa sabado?"
Umiling ako at tinanong ko siya kung bakit niya naitanong.
Yumuko ng bahagya si Mari at di nakatingin sa akin nang sumagot.
"May pupuntahan sana ko sa sabado, kung ayus lang sayo, magpapasama sana ako sayo..".
Napangiti ako, di ko inaasahan yun. Umoo agad ako sa imbitasyon niya, naisip kong magandang senyales na iyon sa mas magandang relasyon naming dalawa bilang magkaibigan. Masasabi kong naging masaya rin ang kaarawan kong iyon, dahil kay Mari....
Di nagtagal, naghiwalay na rin kami ng daanan, pauwi sa kanya kanya naming tirahan.
Nang makarating ako sa bahay ay dumeresto agad ako sa kwarto, hinubad ko muna ang aking sapatos at bumaling sa bagay na ibinigay sa akin ni Mari, inialis ko ang balot at napangiti ako nang malaman ko ang laman niyon. Isang notebook, binuklat ko iyon at may nakita akong nakasulat sa unang pahina, sa tingin ko sulat kamay ni Mari iyon, nakasaad duon.
"Matagal nang panahon mula ng maramdaman ko ito. Hindi ko man masabi sayo ng personal, pero masaya ako na nakilala kita. Hindi man ako naging perpekto sa paningin ng mga tao, ngunit naramdaman ko naman na iba ang iyong paningin kumpara sa kanila. Kung nararamdaman mo na ayaw sa iyo ng mundong ginagalawan mo, isipin mo nalang na gumawa ng sariling mundo. Hindi mo man masabi ang nararamdaman mo sa kanila, sabihin mo nalang ito sa pamamagitan ng pagsulat sa papel.. at gayon, sa oras na malagpasan mo ang bigat ng pakiramdam ng panghuhusga at pag-iisa, doon magsisimula ang mundong iyon.
At kung magkaganun, sana imbitahan mo ako sa mundong nilikha mo, at gayun din iniimbitahan naman kita sa mundong nilikha ko. Salamat kaibigan.
Mari. "
******
Dumating ang araw ng sabado, maaga akong gumising, naghanda ng sarili at ngayon kasalukuyan ko nang binabagtas ang daan patungo sa parke kung saan ang lugar na usapang pagkikitaan naming dalawa ni Mari., Hindi ko pa man alam ang dahilan ng pang-iimbita niya, ngunit masaya na ako, masaya ako sa ideyang gusto niya akong makasama sa araw na iyon. Gayun pa man, may parte naman sa akin ang nalulungkot, simula ng magkalapit kami ni Mari, gayon naman ay lumayo ang loob ng mga taong noon ay tinuturing kong kaibigan sa akin, nalulungkot ako sa ideyang ayaw na nila sa akin. Pakiramdam ko, wala na ako sa kanila. Wala na ang dating maingay naming tawanan. Linayuan na nilang lahat ako.
May mga oras din naman na tinatanong ko ang sarili kung tama ba itong ginawa ko, ang pakikipaglapit kay Mari. Hindi ko maintindihan, ngunit, kahit may naririnig na akong mga impormasyon tungkol sa kanya na maaaring magpabago ng aking isip, ngunit, hindi pa rin nagbabago ang loob ko sa kanya. Nararamdaman kong dismayado ang lahat sa akin. Nagbago na ang lahat. Napagtanto ko, na para lang masabi na kabilang ka sa mundong ginagalawan, ay kailangan mong gumalaw ayon sa gusto ng nakararami, dahil kung hindi, itataboy ka nila at hindi na magiging parte nila. Parang laruang de tali na gagalaw ayon sa dikta at ikakasaya ng manunuod.
Napabuntong hininga nalang ako ng malalim, hindi ko namalayan na nakarating na ako sa paroroonan.
Saglit din akong nag abang doon, wala pa rin si Mari, napakamot ako ng ulo, siguro nga masyado lang akong napaaga ng dating. Mga sampung minuto na ang lumipas, napansin kong may taong papalapit sa akin, napangiti ako.
Tinanong ako ni Mari kung kanina pa ba ko narito, umiling nalang ako at sinabing kakarating ko lang din halos.
Maya-maya sabay na kaming naglakad, napansin kong papunta kami sa bayan. Maraming tao sa lugar, iba't ibang mukha at sitwasyon ang makikita. Napatingin ako kay Mari, kung titingnan, napaka ordinaryo lang niya katulad ng nakararami, walang ibang taong mag iisip sa lugar na ito, na meron siyang ganoong klaseng pinagdadaanan. Nginingitian siya ng mga tinderong nadadaanan namin, malayo sa tingin na ibinibigay sa kanya ng mga tao sa eskwelahan.
Hindi ko namalayang kinakausap na pala ko ni Mari, nang walang narinig na tugon mula sa akin, ay liningon niya ako, binigyan niya ako nang mapagtanong na tingin. Bigla akong napaiwas ng tingin sa kanya, parang biglang nag init ang pisngi ko.
"Ayos ka lang ba Archie?" Tanong sakin ni Mari.
"Ah! Oo!" Biglang sagot ko.
"Pasensya ka na kung dinala kita dito ah.." parang nahihiyang sabi ni Mari sa akin.
"Ah, ayus lang, saan nga ba tayo pupunta? Hehe."
Kanina pa kami naglalakad ngunit ngayon ko lang din naisipan tanungin iyon. Ngumiti sa akin si Mari at sumagot.
"Malapit na tayo."
Hindi nagtagal, huminto kami sa harap ng tindahan ng bulaklak. Lumapit si Mari doon at bumili. Pagkuway lumapit siya sa akin,dala dala ang isang bugkos ng bulaklak na hindi ko alam ang pangalan.
Maya-maya muli kaming naglakad pabalik sa lugar na dinaanan namin kanina.
"Alam mo bang paborito namin ni Remi ang bulaklak na ito. Ilang beses na naming tinangkang magtanim nito, ngunit ni isang beses, walang nabuhay.." malayo ang tinging sabi sa akin ni Mari.
Pinagmasdan ko ang dala dala niyang bulaklak. Maganda iyon, ngunit hindi siya gaanong kilala hindi katulad ng ibang bulaklak. Kung isasama siya sa ibang bulaklak, siguradong hindi siya ang unang mapapansin, di gaya ng rosas at iba pang kilalang bulaklak, hindi siya agad mabibili maliban nalang kung personal itong gusto ng taong bibili, katulad nalang ni Mari. Napansin kong, maypagkaka halintulad siya ng bulaklak na iyon..
Natapos ang paglalakad namin sa tapat ng bahay na tinitirhan ni Mari. Sa pangalawang pagkakataon na nakarating ako roon, napansin kong may pagkain na nakahanda na sa lamesa.
Pinaupo ako ni Mari, at gumawi siya sa kusina, maya maya bumalik siya na may dala dalang inumin.
"Kumain ka muna, alam kong napagod ka sa paglalakad kanina." Nakangiting sabi ni Mari sa akin.
Sabay kaming kumain. Simple lang pero masarap ang mga pagkaing nakahanda. Hawig sa pagkakaluto ng aking nanay. Nang matapos kumain, tinanong ko si Mari.
"Salamat sa pagkain, oo nga pala, meron bang okasyon ngayon? Pasensya na ah, hindi ko alam, ah saan nga pala kasama mo sa bahay? May iba pa bang bisita?"
" wala, ikaw lang ang bisita ko. Ah oo nga, hindi ko pa pala siya napapakilala sayo. Tara samahan mo ko, ipapakilala kita sa kanya."
Tumayo kami, kinuha ni Mari ang biniling bulaklak at ginawi niya ako papunta sa bandang likod ng bahay nila.
Pasimple kong inayos ang buhok ko, hindi ko alam ang nararamdaman ngayong may makikilala na akong ibang tao sa buhay ni Mari maliban kay Remi.
Nang makarating, napalibot ang tingin ko sa paligid. Napansin kong wala ni isang tao roon. Nagtaka ako, siguro napansin ni Mari ang pagkalito sa mukha ko, hinawakan niya ako sa kamay, at iginawi sa tapat ng malaking puno. Yumuko si remi at ilinapag ang bulaklak sa tapat niyon. Pagkatapos ay pumikit na tila nagdadasal. Ngayon ko lang napansin na may nakatirik din na kandila roon. Hindi ko alam ngunit bigla nalang ako pinanlamigan. Dumilat na si Mari at tumingin sa akin.
"Lola, ipapakilala ko nga pala sa iyo si Archie."
Hindi ako nakapagsalita.
Napangiti si Mari sa akin,
"Hindi mo ba siya babatiin?" Tanong sakin ni Mari.
"Ah-ako nga pala si Archie, classmate po ko ni Mari. Magandang araw po sa inyo!" Yumuko ako tanda ng paggalang. Naguguluhan man ako, pero ginawa ko nalang. Maya-maya narinig kong tumatawa si Mari. Nag angat ako ng ulo, tiningnan ko sya, unang beses ko iyon na makita siyang tumatawa, napakamot ako ng ulo, at napatawa na rin.
"Pinaglalaruan mo ata ako eh.." nahihiyang sabi ko sa kanya.
Maya maya huminto na sa pagtawa si Mari, at bumaling sa pwesto na pinaglagyan ng bulaklak.
"Ika limang taon ngayon, simula ng iwan niya ako..."
Pagkasabi, biglang nagbago ang replesyon sa mukha ni Mari, nawala ang ngiti sa kanyang mata, at tila napalitan ng lungkot.
"Apat na taong gulang palang ako nang ibilin ako sa kanya ng mga magulang ko. Naging mabuti siya sa akin, sa lugar na ito niya ako pinalaki. Siya na ang kinamulatan kong pamilya sa loob ng higit sampung taon."
Pagkatapos sabihin ni Mari iyon, halos walang ibang maririnig sa paligid kundi ang ihip ng hangin at tunog ng languyit ng sanga ng punong kahoy na iyon. Parang nakakabingi ang sobrang katahimikan.
"Mukhang sintemental sa kanya ang punong ito, kaya ba dito ka nag alay ng bulaklak para sa kanya?.. baka gusto mo, puntahan natin ang libingan niya ng personal ngayon, para dalawin siya.. sasamahan kita?" Nakangiting sabi ko, gusto kong pasiglahin ang awra sa paligid.
"Hindi na kailangan. Nandito na tayo ngayon." Seryosong sabi ni Mari. Nakatanaw siya sa malayo. Nagtaka ako.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Tama yung iniisip mo. Dito siya nakalibing, sa tapat ng punong ito."
Bahagyang huminto sa pagsasalita si Mari, di rin nagtagal ay nagsalitang muli.
"Noong magkasakit, hindi na siya nakaalis ng bahay na ito, ganun din hanggang sa mamatay siya."
"Kahit nakikita kong lubos siyang nahihirapan.. hindi ko tinangkang dalhin man lang siya sa ospital. Naaalala ko noong mga oras na madalas siyang sumigaw ng 'kunin niyo na ko' habang humahagulgol ng pagiyak, nahihirapan siya."
Pansin kong blanko ang emosyon sa mukha ni Mari habang sinasabi yun.
"Hindi mo man lang ba siya, pinilit na isugod sa ospital, baka sakaling gumaling pa siya." Tanong ko kay Mari.
"Hindi. Sa totoo lang, sarili kong desisyon na hindi siya ilabas ng bahay."
Naguguluhan ako. Tinanong ko siya kung bakit.
"Siya ang nagturo sakin, na malupit ang labas sa mahihina ang katawan. Kaya hanggang abutan siya ng kamatayan sa bahay na ito, hindi na siya nakalabas pa.."
Hindi ko maintindihan ang nararamdaman nang marinig sa kanya iyon.
"Nasaan na yung iba niyong kamag anak?"
"Wala. Wala akong kilala ni isa sa kanila. Kahit ang mga magulang ko, hindi ko rin lubusang kilala. Kung tatanungin mo ako.. pinagtulungan lang naming dalawa ni Remi ang paglibing sa katawan ni lola, dito sa likodbahay.."
Bigla akong pinanlamigan. Hindi ako nakaimik. Siguro, napansin ni Mari ang reaksyon kong iyon. Ngumiti siya sa akin. Hindi nagtagal pumasok na kaming muli sa loob ng bahay.
Kinagabihan, habang nakahiga sa kama, nasa isip ko pa rin ang kaganapan sa amin ni Mari sa araw na iyon. Hindi ko maipaliwanag, pero may kakaiba akong nararamdaman simula nang magpunta ako kanina sa bahay ni Mari.
Ang tinatawag nyang lola, ang bahay na iyon, ang likod bahay at si Mari...
Biglang nagsitayuan ang balahibo ko. Ayoko sanang mag isip ng negatibo, ngunit kusang nakakaramdam ng ganoon ang katawan ko. Huminga ako ng malalim. Ipinikit ko ang aking mata. Di nagtagal di ko namalayang nakatulog na ako.
****
Hapon. Kakatapos lang ng klase, habang nililigpit ko ang aking mga gamit, naramdaman kong may tumapik sa likod ko, nang lingunin ko iyon, bumungad sa aking paningin ang nakangiting mukha ni Dino, kasama sina Rex at Aron, kapwa kaklase ko.
"Ano pre? Sabay ka samin pauwi, daan tayo kina Aron, hiram tayo bala ng laro dun?, tara na! Hehe"
Iniling ko ang aking ulo, "pasensya na, sabay kasi kami ni Mari pauwi ngayon." Tanggi ko sa kanila.
Napakamot si Dino ng ulo, " ang daya mo naman, ngayon na nga lang uli eh". Sumangayon ang dalawa kay Dino, si Rex at Aron.
"Hehe, sa susunod nalang uli, pangako sasama ako." Nakangiting sabi ko sa kanila.
Alam kong, kahit napipilitan, di na rin kumontra ang tatlo sa akin.
"Sige pre, next time ah.. ge pre, bukas nalang uli. Bye bye." Kumakaway ang tatlo habang lumalabas ng silid na kinaroroonan ko.
Napabuntong hininga ako. Parang bigla akong nanibago. Parang kailan lang hindi ako pinapansin ng mga iyon, pero ngayon, parang ayos na, na tila walang nangyaring di pagkakaunawaan sa amin nitong nakaraan. Parang bumalik na sa normal ang pakikitungo nila sakin dito sa eskwelahan. Kakaiba mang maituturing, ngunit naisip ko na rin mabuti na rin iyon, kahit papaano maibalik ang magandang samahan namin dito sa paaralan.
Tumayo na ako, sukbit ang aking bag, tiningnan ko ang gawi kung saan ang pwesto ng upuan ni Mari. Napakunot ang noo ko nang hindi ko siya makita roon. Nagmadali akong lumabas, tinungo ang bukana ng paaralan. Hinihingal na lumingon lingon ako sa paligid. Nakahinga ako ng maluwang nang makita ko si Mari na naglalakad na rin pauwi. Binilisan ko ang aking paglakad papalapit sa kanya, ngunit nakita ko siyang tumakbo palayo, di ko sya naabutan.
Naisip kong mukhang may mali sa pangyayari. Kahit di siya kasabay, napagpasyahan kong puntahan siya sa bahay na tinutuluyan. Iniisip ko kasing baka may problema.
Nang makarating, napansin kong nakauwang ang pinto ng bahay na iyon. Dahan dahan akong pumasok. Nakapatay ang ilaw sa sala, nakita ko rin ang gamit na bag ni Mari sa sahig.
Napalingon ako bigla sa gawi ng isang kwarto na bukas ang ilaw nang may marinig akong ingay. Taong sumisigaw.
"Tama na! Di ko na kaya... ilabas mo na ko dito!"
Tila boses ng matanda ang narinig kong iyon. Di ako makagalaw sa aking kinatatayuan.
"Bakit? Iiwan mo rin ako, gaya ng ginawa nila?!"
Narinig ko namang sigaw na tila pagalit ang tono. Boses iyon ni Mari. Pagkatapos nun bumungad sa aking paningin ang dalawang tao na palabas sa kwartong iyon. Si Mari at isang matandang babae na sa tantsa ko ay nasa 70 na taong gulang na, nakaupo ito sa wheelchair.
Sumisigaw pa rin ang matanda. Umiiyak, samantalang matalim naman ang tingin ni Mari sa kanya.
"Gusto mo talagang sumama sa kanila ah?! Sige! Pagbibigyan kita!"
Muling pumasok si Mari sa kwarto, ngunit di din nagtagal ay lumabas din, may hawak hawak na bagay na tila kinuha sa loob ng kwartong iyon. Patuloy pa rin sa pag sigaw at pagngawa ang matanda sa kinauupuan.
"Di ka talaga titigil?! Sige!"
Biglang nanlaki ang mata ko ng makita ang sumunod na iksena. Binuksan ni Mari ang bagay na hawak hawak, isang garapon ng gamot, ibinuhos ni Mari iyon sa kamay at pilit na isinubo sa matanda lahat ng iyon, may ilang nagkahulog na tabletas din sa sahig. Nanginginig ang matanda habang ginagawa ni Mari iyon.
Tila nanigas ang buo kong katawan. Balak kong awatin si Mari, ngunit di ako makagalaw sa kinatatayuan. Nakita kong bumagsak sa sahig ang matanda, pilit ang bawat paghinga. Hinawakan siya sa paanan ni Mari at hinila pakusina, nakaladkad ang katawan ng matanda sa sahig.
Nanginginig ang buo kong katawan. Dahan dahan akong humakbang, hanggang matungo ko ang kusina, napansin kong wala sina Mari dun, nakita ko namang bukas ang pintong daan palabas papunta sa likod bahay.
Lumabas ako. Mas lalong lumakas ang tahip ng aking dibdib nang makita ko si Mari na hinuhulog ang katawan ng matanda sa isang hukay. Tumakbo ako papalapit kay Mari para pigilan siya, ngunit nagpumigil si Mari. Itinulak ko si Mari, na kinatumba naman niya.
"Patawarin mo ko Mari, pero mali tong ginagawa mo."
Pagkasabi ko, ay pilit ko namang hinila ang matanda sa hukay na iyon, ngunit, bigla akong napigilan nang makita kong may katabing kalansay ng tao ito sa hukay, nabitiwan ko siya. Dahan dahan kong liningon si Mari, ngunit biglang sumalubong sa aking mukha ang matigas na parte ng pala. Napatumba ako at nahulog sa hukay. Dahan dahan kong idinilat ang aking mata, nakita ko si Mari, blanko ang emosyon sa mukha. Di nagtagal may nagsihulugang lupa sa mukha ko, hanggang sa wala na akong makita. Gusto kong sumigaw ngunit hindi ko magawa. Hindi ako makahinga para akong nalulunod....
Mamamatay na ba ako?..
Napabalikwas ako ng bangon mula sa pagkakadapa. Habol ang aking paghinga. Ilinibot ko ang aking paningin. Nasa loob ako ng kwarto ko. Napabuntong hininga ako ng malalim.
Panaginip lang pala....
Kasalukuyang nakasalampak ako ng upo sa sahig. Siguro nahulog lang ako mula sa pagkakahiga sa kama kaya tila parang naging makatotohan ang naramdaman ko sa panaginip na iyon.
Muling bumalik sa aking alaala ang kaganapan sa panaginip kong iyon.. muli akong pinanlamigan, nagsitayuan ang aking mga balahibo. Iniling ko ang aking ulo. Panaginip lang yun. Di ko na dapat isipin at alalahanin pa.
Di nagtagal tumayo na ako, at lumabas ng kwarto para mag almusal.
****
Lunes, naglalakad ako papuntang eskwelahan nang may narinig akong boses na tumatawag mula sa aking likuran. Liningon ko iyon, nakita ko si Tom na patakbong lumapit sakin.
"Ayus mukhang maaga ka nang pumapasok ngayon ah. Hehe" malapad ang pagkakangiting sabi ni Tom sa akin. Napakamot ako sa ulo at napangiti na rin.
Inakbayan ako ni Tom.
" Kumusta na kayo ni Mari? Sinagot ka na ba niya?" Hindi ko agad napagtanto ang pakahulugan ni Tom sa sinabi niyang iyon, ngunit nang tumawa siya ng malakas ay nag init ang pisngi ko.
"Sinabi ko na ngang magkaibigan lang kami ni Mari", mataas ang tonong sagot ko kay Tom. Inialis ko ang pagkakaakbay niya sa akin.
Maya maya natahimik si Tom, ngunit di nagtagal ay nagsalitang muli, sa seryosong tono.
"Hindi pa rin ba nagbabago isip mo?..." hindi nakatinging tanong sa akin si Tom.
Bumuntong hininga muna ako bago sumagot. "Hindi".
"Okey, sabi mo eh. "
Patuloy kami sa paglalakad hanggang sa makarating kami sa bukana ng paaralan.
"Ge pre, kitakits nalang uli" nakangiting paalam sakin ni Tom.
"Sige. Yung libro ko nga pala, isoli mo na ah!" Natatawang sabi ko.
"Haha, ge pre!" Di nagtagal naglakad na kami patungo sa kanya kanya naming classroom.
Nang makarating, bumungad sa aking paningin ang ilan kong kaklase sa loob ng silid na iyon, kabilang na doon si Dino. Napansin kong nakatangin siya sa akin, ngunit agad din siyang nag iwas ng tingin nang magkasalubong ang aming mga mata. Bahagya akong napabuntong hininga, dumeretso ako sa aking upuan, at umupo roon.
Muling dumapo sa aking isip ang aking panaginip noong nakaraang gabi. Napalingon ako sa gawi ni Dino, nakita kong nakikipagtawanan siya sa ilan kong kaklase. Muli, napabuntong hininga ako.
Wala na ba talagang pag asang maibalik ang aming dating samahan? Hindi ko man gusto, ngunit, tila nagkakaroon ako ng katanungan ngayon sa isip, kung tama nga ba ang naging desisyon ko sa pakikipaglapit kay Mari.
Lumipas din ang ilang minuto, bago nagsimula ang klase.
Habang nagsasalita ang history teacher namin sa harapan tungkol sa leksyon, naagaw ang aking atensyon nang nagtaas ng kamay si Mari, tila may sasabihin sa aming teacher. Napahinto si Sir Leo sa pagsasalita. Napatingin din halos lahat ng kaklase ko kay Mari.
"Ma walang galang na po. Lalabas po muna ako." Malaming ang tonong sabi ni Mari.
Napakunot ang noo ng aming guro. "Bakit ka lalabas".
"Masama ang pakiramdam ko, pupunta lang po ko ng clinic".
Di ko mabasa ang emosyon sa mukha ni Mari sa mga oras na iyon, tiningnan ko naman si Sir Leo, na tila may bahid ng pagkairita sa mukha.
"Sige bahala ka." Sabi ni Sir Leo. Tumayo na si Mari at agad din lumabas ng classroom.
Umismid si Sir Leo. "Sino pang tinatamad diyan sa klase ko, sige, pwede na rin lumabas. Tsk", iritableng sabi niya.
Matagal ko na ring pansin na tila malaki ang pagkadisgusto ng teacher kong iyon kay Mari. Hindi ko alam at hindi rin ako sigurado kung may kinalaman din ba iyon sa naging insidente nang nakalipas na isang taon, hindi ko maunawaan kung bakit ganoon nalang nararamdaman nilang negatibo tungkol kay Mari. Wala man lang ba ni isa maliban sa akin dito na nakikisimpatya sa kanya?
Napabutong hininga ako. Maya maya napansin kong nakatingin halos lahat ng mga kaklase ko sa akin, napatingin ako bigla kay Sir Leo, matalim ang pagkakatingin niya sa akin.
"Gusto mo ba siyang sundan?!" Galit ang tonong tanong sa akin.
Di ko namalayang, pinapasagot niya pala ko sa leksyon namin, at di ko siya narinig, dahil nakatuon ang isip ko ng sandaling iyon kay Mari.
Di ako nakakibo. Nakaramdam ako ng pagkapahiya.
Sumapit, ang oras ng lunchbreak, nagmamadali kong tinungo ang clinic para puntahan si Mari roon, ngunit nabigo akong makita siya roon. Nagtaka ako. Nasaan na siya?
Napagisip ko nalang na baka, nagkasalisi lang kami. Bumalik ako sa classroom. May ilan din akong mga kaklase sa loob, ang iba ay kumakain na rin ng kanilang tanghalian. Nakita ko si Mari na inaayos ang gamit sa bag, linapitan ko siya.
"Kumain ka na ba? Tara sabay na tayo." Nakangiting tanong ko sa kanya.
Hindi kumibo si Mari. Hindi rin siya tumingin sa akin.
"May problema ba?" Mahinahon ang boses ko na tanong kay Mari.
Walang sabing tumayo si Mari, at naglakad papalabas ng classroom ngunit nang makarating bandang pintuan ay huminto rin nang sundan ko siya. Humarap siya sa akin at tiningnan ako sa mata. Nagulat ako bigla nang di inaasahang susundan iyon ng paghalik ni Mari sa aking labi.
Napatingin lahat ng tao sa loob ng silid na iyon sa aming dalawa ni Mari. Hindi agad ako nakakibo sa ginawa niya. Napapitlag ako ng marinig ko ang tunog nang kutsarang nahulog sa sahig. Bahagya kong naitulak si Mari. Napatingin ako sa ilan kong kaklase, pansin ko rin ang pakabigla sa mga mukha nila. Napaiwas ako ng tingin at napayuko.
"Wag mo na kong masyadong aalalahanin." Pagkasabi ni Mari, ay tinalikuran niya ako, at pinagpatuloy ang pag-alis sa silid na iyon.
Hindi ko alam kung anong iniisip ni Mari, at kung bakit niya ginawa iyon.
Naramdaman kong lihim akong pinag uusapan ng mga tao dito sa loob.
Nakikinita ko nang mas lalakas ang mga kutob ng mga tao rito sa eskwelahan tungkol sa paniniwala nilang may relasyon nga kami ni Mari na higit pa sa pagkakaibigan.
Napabuntong hininga ako. Bakit niya ginawa iyon? Pansin kong may malaking kakaiba sa kanya ngayong araw na ito simula palang nang umaga.
Sumapit ang hapon, naglakad ako pauwi mag isa. Di na muling bumalik si Mari sa klase ngayong araw. Siguro nga masama lang talaga ang pakiramdam niya. Ngunit...
Muling bumalik sa isip ko ang nangyari sa amin kanina. Bigla akong napalunok. Nag init ang pisngi ko at napailing nalang.
******
Kinabukasan. Martes ng umaga. Lumipas ang oras, di ko pa rin muling nakikita si Mari. Duda kong hindi siya papasok sa araw na iyon. Nang dumating ang oras ng uwian, agad kong inayos ang aking gamit, naghanda papauwi.
Nang makarating ako sa pasilyo ng pangalawang palapag ng building na kinaroroonan, narinig kong may tumawag sa aking pangalan. Napalingon ako.
Nakita ko, ang hinihingal na si Dino mga dalawang metro ang layo mula sa akin. Huminto ako at humarap sa kanya. Mapagtanong ang tining ipinukol ko sa kanya. Mas lumapit siya sa akin.
"Archie, pwede ba tayong mag-usap".
Hindi ko sigurado ang itensyon ni Dino, ngunit, di na rin ako tumanggi.
Naglakad kami papunta sa isang upuan, kung saan tanaw ng school oval. Pansin kong konti nalang halos ang mga estudyante sa paligid. Papalubog na rin ang araw, sa oras na iyon.
Wala agad nagsalita sa aming dalawa. Nakatingin kami pareho sa mga manlalaro ng soccer. Hindi rin nagtagal nagsalita na si Dino.
"Pasensya na pre kung nagpadala ko sa kanila." Hindi nakatinging sabi sa akin ni Dino.
Nang di ako umimik ay nagsalitang muli si Dino.
"Kinakausap kita ngayon kasi kahit papaano ay tinuturing pa rin kitang kaibigan." Napabuntong hininga si Dino.
"Archie. Gusto ko sanang bigyan ka ng babala."
Liningon ko si Dino.
"Ano na naman bang babala iyan ah? Tungkol na naman ba kay Mari? Ilang beses ko pa bang sasabihin na tantanan niyo na ang tao. Wala naman siyang ginagawa sa inyo." Inis ang tonong sagot ko. Tumayo ako. Hindi nga siguro magandang ideya na kausapin ko pa sila.
Nang tangkang maglalakad na ako ay muling nagsalita si Dino.
"May binabalak yung ilang mga kaklase natin tungkol kay Mari." Nag aalalang tonong sabi sa akin ni Dino.
Napahinto ako, at liningon ko siya. "Anong ibigsabihin mong binabalak?". Nakakunot ang noong tanong ko sa kanya.
"Gagawa daw sila ng paraan para mapatunayan na si Mari ang sanhi ng pagkamatay ni Remi. Gusto nilang mapaalis siya sa eskwelahang ito."
Lumakas ang tibok ng aking puso nang marinig ko iyon.
"Ha? Nababaliw na ba sila? Ano pa bang gusto nilang patunayan ah?!" Nagngangalit ang aking ipin. Naiinis ako, ngunit gayun din ay nag aalala ako para kay Mari.
"Bakit Archie, ayaw mo bang malaman kung ano talaga ang katotohanan?" Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses na iyon.
"Lala! Pa--pasensya na sinabi ko kay Archie, pero sa tingin ko may karapa-" naputol sa pagsasalita si Dino nang muling nagsalita si Lala.
"Ayos lang, wala namang dapat ipag alala si Archie. Di ba naniniwala ka namang walang kasalanan si Mari. Pagkakataon mo na rin yun, para patunayan sa amin na inosente nga siya." Baling sa akin ni Lala. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Nararamdaman kong hinahamon niya ako.
"Pareho lang tayong naguguluhan. Bakit di natin sabay sabay alamin ang katotohanan.. magtulungan tayo. " dugtong pa ni Lala.
"Kung talagang may malasakit ka kay Mari. Tutulungan mo siyang makaalis sa sumpang dulot sa kanya ng insidenteng iyon. Di ba kampante ka namang inosente siya? Eh di pabor to sayo. Ano? Anong desisyon mo Archie?"
Lalo akong natigilan. Hindi ko alam ang dapat isagot. Tiningnan ko si Lala. Naghihintay siya ng isasagot ko. Nararamdaman kong kailangan kong sumagot at dapat mag desisyon ako ng tama.
Patunayang inosente si Mari....
Yun naman ang dati kong intensyon kaya ko naki paglapit sa kanya. Ang malaman ang katotohanan at patunayang inosente siya.. Ngunit bakit ngayon, tila nakakaramdam ako ng takot sa maaaring mangyari... sa maaaring matuklasan.. may pagdududa na ba ako kay Mari ngayon?
Biglang bumalik sa aking isipan ang paghalik niya sa akin.
Ikinuyom ko ang aking kamay. Saglit akong pumikit at huminga ng malalim.
Ngayon, nakapag desisyon na ako at buo na ang loob ko. Alam ko na ang isasagot ko kay Lala.
Tumindig ako at humarap sa kanya. At sinabi kung ano ang aking desisyon.
*****
Isang taon na halos ang lumipas mula nang mamatay ang kaibigan ni Mari na si Remi, ngunit kasunod parin ng pangyayaring iyon ang multo ng misteryo ng tunay na pangyayari sa pagkamatay niya. Hanggang ngayon, si Mari pa rin ang pinaniniwalaang salarin sa pagkamatay ng kaibigan, at iyon ang nais patunayan ng ilan kong mga kaklase, na pinangungunahan naman ni Lala. Kahit mismong ako ay hinamon niyang tumulong sa paghahanap ng katotohanan sa likod ng kaganapang iyon. Nakapag desisyon na ako sa kanila, at alam kong hindi na ako makaka atras pa.
Napabuntong hininga ako.
Katulad ng kinagawian, kasalukuyang nasa teresa ako at nagpapatugtog ng gitara. Maya maya naramdaman ko ang lamig ng ihip ng hangin, napatingala ako at pinagmasdan ang kalangitan, gabi na ngunit wala akong matanaw na bituin sa langit dahil sa kapal na rin ng ulap, maya maya nakita ko ang mabilis na pagsulpot ng liwanag ng kidlat sa langit. Mukhang uulan, muling dumaloy sa aking alaala ang naging kwento sa akin ni Tom, tungkol kina Mari at Remi.
Sa totoo lang, hindi ko na rin maintindihan ang sarili ko kung ano ba talaga ang nararamdaman ko kay Mari. Naka ilang buwan na rin na halos kaming dalawa lang ang nagpapansinan sa eskwelahang pinapasukan. Sa mga panahong iyon, masasabi kong naging masaya naman ako at nakukuntento sa sitwasyon naming iyon..
Ngunit...
Ang ala ala naman ng paghalik sa akin ni Mari ang pumasok sa aking isip.
Hindi ko pa rin maintindihan at mahulaan kung ano ba talaga ang naiisip ni Mari. Maaari ko bang sabihin ngayon na hindi ko pa rin siya lubusang kilala? Pero ang alam ko ay magkaibigan na kami? Hindi ko na alam.. Maraming katanungan sa isip ko ang hindi ko mahanapan ng sagot.
Tumayo ako at tinungo ang aking kwarto, may naalala akong isang bagay. Lumapit ako sa aking lamesa at may kinuha sa loob ng kwadro.
Pinagmasdan ko iyon, at muling binasa ang nakasulat.
"Hindi mo man masabi ang nararamdaman mo sa kanila, sabihin mo nalang ito sa pamamagitan ng pagsulat sa papel.."
Napahinto ako nang mabasa ko ang parteng iyon, na sulat sa akin ni Mari, sa notebook na irenegalo niya sa akin nang araw ng kaarawan ko.
Kumuha ako ng ballpen at nagsimulang sumulat.
Hindi nagtagal, narinig ko na ang lakas ng patak ng ulan sa labas.
****
Dumating ang araw ng Biyernes. Sa wakas pumasok na sa klase si Mari, ilang araw din siyang nakaliban sa klase simula palang nang martes, araw kung kailan ako kinausap nila Lala tungkol sa binabalak nila tungkol kay Mari.
Kahapon, kinausap din niya ko tungkol sa plano nilang iyon, kasama niya sina Anthony, ang class president namin, pati si Jose at Dianne na kapwa kaklase ko, na naging kaklase din ni Remi ng mga panahong mamatay ito, gayun kasama din si Dino.
Sinabi nila sa akin ang mga ginagawa nilang pag iimbistiga at mga plano. Napansin kong seryoso talaga sila sa bagay na iyon. Hindi ko man alam ang eksaktong dahilan kung bakit ganun nalang sila ka pursige na patunayan na may sala nga si Mari sa pagkamatay ni Remi, alam kong hindi maganda iyon sa parte ni Mari, ngunit di ko man lang magawang kontrahin sila sa bagay na iyon.
Hindi ko na alam kung kaninong parte ako makikinig.
Mali pala. Kahit kailan naman, wala akong narinig mula kay Mari sa bagay na iyon tungkol kay Remi.
Ang tanging alam ko lang ngayon ay kaibigan ko si Mari, at gusto kong paniwalaang mabuting tao nga siya..
Ngunit...
Napailing ako. Masyado ng magulo ang aking isip. Napalingon ako sa gawi ni Mari. Gaya pa rin ng dati, tahimik lang siya sa kinauupuan niya, kasalukuyang nakatingin siya sa harapan kung saan nagsasalita ang Math teacher naming si Ma'am Nadya.
Maya maya hindi ko inaasahang tumingin si Mari sa gawi ko, nagkasalubong ang aming tingin, bigla akong napaiwas. Yumuko ako. Umakto ako na nagsusulat, ngunit isang parte ng aking paningin ay nakatuon pa rin kay Mari, napansin kong tinanggal na niya ang pagkakatingin sa akin, at muling tumingin sa harapan.
Napabuntong hininga ako.
Dumating ang oras ng lunchbreak. Napansin kong lumapit si Mari sa akin, bitbit ang baong pagkain. Simula ng maging malapit kami sa isat isa, sabay na kami kumakain ni Mari ng tanghalian.
Tumayo ako at humarap sa kanya.
"Ah.. Pasensya na Mari, mauna ka nalang kumain, may gagawin pa kasi ko ngayon, pupunta kong library."
Napansin kong bahagyang napayuko si Mari.
"Ayos lang. Sige Archie."
Pagkuway, kinuha ko na ang gamit ko at tangkang maglalakad, ngunit huminto din ako nang may maalala.
"Oo nga rin pala Mari, di ako makakasabay sayo ngayon sa pag uwi, may usapan kasi kami ng kaibigan kong si Tom, hindi na ko nakatanggi sa kanya eh."
Bahagyang tumango si Mari, at tipid ang ngiti.
"Sige".
Pagkatapos, ipinagpatuloy ko na ang paglalakad.
Parang may kumurot sa dibdib ko. Nakaramdam ako ng konsensya.
Nag sinungaling ako kay Mari.
Sa totoo lang, wala naman talaga kong gagawing ganun, gaya ng sinabi ko sa kanya, sinabi ko lang iyon para umiwas.
Ayoko ng ganitong pakiramdam ngunit ito ang aking ginagawa.
Napabuntong hininga nalang ako at patuloy lang sa paglalakad. Napag desisyunan kong pumunta nalang talaga sa library, magandang bagay na rin at mas mapapayapa ako roon.
Sumapit ang oras ng uwian. Sinadya kong bilisan ang pagligpit ng aking mga gamit, balak kong unahan si Mari sa paglabas ng classroom, ngunit napansin kong nakatayo na siya sa tapat ng upuan niya, sukbit na rin ang bag. Nakatingin siya sa akin.
Napahinto ako.
Asiwang ngumiti ako sa kanya.
"Sige Mari. Mauna na ko sayo." Pagkasabi, isinara ko na ang bag at isinukbit iyon, tangka na kong maglalakad patungong pintuan palabas ng classroom, ngunit napahinto ako nang maramdaman kong may humawak sa braso ko.
"Naiintindihan kong umiiwas ka sa akin.."
Mahina ang boses na sabi sa akin ni Mari. Hindi ko inaasahan iyon. Hindi niya pa rin binibitawan ang braso ko. Tiningnan ko siya. Hindi ko mahulaan kung anong klaseng emosyon ang meron sa kanya sa oras na iyon.
"Hi- hindi naman ganun Mari, sadyang may usapan lang kami ni Tom at-" naputol ang aking pagsasalita nang muling magsalita si Mari.
"Sige, naniniwala na ako." Nag angat ng tingin sa akin si Mari. At nginitian niya ako, ngunit napansin kong kahit nakangiti ang kanyang labi, blangko naman ang repleksyong makikita sa kanyang mata.
"Ingat sa lakad niyo." Tinanggal na niya ang pagkakahawak sa aking braso. Nginitian ko siya.
"Salamat Mari. Sa Lunes nalang uli." Pagkuway ipinagpatuloy ko na ang paglalakad.
Habang naglalakad sa pasilyo, may narinig akong sumisitsit, napalingon ako. Nakita ko si Lala na nakatayo sa may pintuan ng isang classroom na nakapatay na ang ilaw sa loob. Tantsa ko, wala ng ibang estudyante sa loob niyon, maliban kay Lala na nakatayo nga sa pintuan.
Sinenyasan niya ako na lumapit sa kanya, at ganun nga ang ginawa ko. Pareho kaming pumasok sa loob ng silid na iyon, at bahagyang isinara ni Lala ang pinto.
Malapad ang pagkakangiti ng labi ni Lala. Hinarap niya ako.
"Mukhang umiiwas ka kay Mari ah?" Nakangiti pa ring sabi ni Lala.
Hindi ako umimik.
"Ah alam ko na.. Dahil ba yun sa paghalik niya sayo?" Natatawang tonong dagdag pa ni Lala.
"Pwede ba sabihin mo nalang ang pakay mo." Iritableng tonong sabi ko sa kanya.
Natahimik si Lala at, sumeryoso ang repleksyon ng mukha.
"Papaalalahanan lang kita uli Archie. Mag iingat ka sa sa babaeng yan. Hindi mo alam kung ano iniisip niyang si Mari. Nararamdaman kong nahuhulog ka na sa kanya. Habang maaga pa, sinasabi ko na sayo, maging handa ka sa matutuklasan mo tungkol sa kanya."
"Talagang desidido ba talaga kayo diyan sa plano niyo? Ano ba kasing mapapala niyo diyan ah?" Medyo mataas ang tonong tanong ko sa kanya.
"Lahat nang may sala dapat managot. Yun ang gusto ko Archie". Pagkasabi tinalikuran na ako ni Lala, at lumabas na sa silid na iyon, naiwan ako mag isa sa loob.
******
Sabado, pagkatapos kumain ng almusal ay dumeretso na ako sa aking kwarto. Ibinuklat ko ang librong binabasa na sinimulan pa basahin mula pa kagabi. Naisip ko kasing magandang bagay na rin iyon para malayo ang isipin ko sa mga pangyayari sa eskwelahan, kina Lala at Mari. Nakakailang pahina na rin ako nang mapagtanto kong wala man lang akong naintindihan sa mga nabasa ko. Napabuntong hininga ako. Siguro nga wala ako sa kundisyon ngayon magbasa ng kahit ano. Linoloko ko lang ang sarili ko.
Tumingala ako, at sumandal sa upuang kinauupuan. Napapikit ako.
Biglang may ideyang pumasok sa aking isip. Tumayo ako, at nagpalit ng damit, di nagtagal naglakad na ako, palabas ng bahay.
Habang naglalakad sa labas, nakasalubong ko sa daan ang aming kapitbahay na si Mana Chona, malapit siya sa pamilya ko, lalong lalo na sa nanay ko, madalas silang mag usap tungkol sa mga halaman, nakatira din siya malapit sa aming bahay, mga apat na bahay lang ang pagitan mula sa amin papunta sa kanila. Napansin kong may mga bitbit siya, mga apat na supot din yun, hula ko galing siyang palengke.
Nginitian ko siya at binati.
"Tulungan ko na po kayo," linapitan ko siya at kinuha ang mga bitbit nito.
"Naku naku, salamat. Haha" magiliw na sabi niya sa akin.
"Salamat? May bayad kaya to", pabirong sabi ko sa kanya.
"Naku, ikaw talaga ah. Haha. Nasan ang Mama mo?" Natatawa pang sabi niya.
"Nasa bahay lang po, pinapakain na naman yung mga alagang isda niya. hehe" sagot ko.
"Ah ganun ba, ewan ko ba sa nanay mong yun, hilig mag alaga ng ganun, di naman nakakain. Haha. Ihingi mo nga ako at nang maiprito mamaya" Nakangiting sabi niya
"Yung mga halaman mo din naman, di rin naman nakakain yun. Haha" natatawang sabi ko.
"Ikaw talaga, haha" bahagya niya akong tinapik sa braso.
Natatawang tumango ako.
Ipinagpatuloy namin ang paglalakad hanggang marating namin ang bahay nila. Pumasok kami sa loob at dumeretso sa kusina. Ilinapag ko sa lamesa ang dala dala. Napansin kong may isang supot ng mansanas doon, kumuha ako ng isa at hinugasan iyon.
"Alis na po ko". Sabay kagat sa mansanas.
"Aba, kumain ka na ba ng kanin? Kain ka muna, may ulam pa diyan na natira, linuto ko ngayong umaga lang." Sabi ni Mana Chona
"Di na po, kakatapos ko lang din, nasaan na nga po pala si Rica?" Tanong ko bigla, tukoy sa anak ni Mana Chona na kasundo ko rin naman, kahit madalas naiinis sa akin.
Si Rica na laging nagsasabing weirdo daw ako, hindi niya kasi masakyan ang mga hilig ko, pareho lang daw kami ni Tom na weirdo. Halos magkakaedad lang kami, nag aaral siya sa ibang paaralan. Kababata ko rin siya tulad ni Tom.
"Nasa kwarto niya, tulog pa ata. Gusto mo tawagin ko siya para sayo?" Iba ang ngiti sa labi ni Mana Chona.
"Wag na po. Hehe, sige po Mommy Chona, alis na ko, pupunta pa ko kina Tom." Paalam ko sa kanya, ipinagpatuloy ko ang pagkain ng mansanas hanggang sa maubos iyon.
Patuloy ako sa paglalakad patungo kina Tom.
Nang makarating, kumatok ako sa gate ng bahay nila.
Hindi nagtagal may nagbukas din niyon. Si Tom.
"Oh pre, sakto balak ko din sana pumunta sa inyo ngayon." Nakangiting sabi niya sa akin.
Pareho kaming pumasok sa loob ng bahay, binati ko ang mama ni Tom, pagkuway, lumabas din uli, dumeretso kami sa likod bahay, kung saan may maliit na kubo kubo roon na madalas naming tambayan pag bumibisita ako dito sa bahay nila.
Di hamak na mas malaki ang bahay nila Tom kesa sa aming bahay, bakas ang pagiging inhenyero ng tatay niya, kita na rin sa pagkakagawa ng bahay na iyon. Mas makabago ang disenyo ng bahay nila, kumpara sa bahay namin na makaluma at literal na luma na dahil namana pa iyon ng aking tatay sa yumao kong lolo at lola. Nagtratrabaho naman ang tatay ko bilang doktor sa isang pampublikong hospital. Iisa lang akong anak, samantalang si Tom ay apat silang magkakapatid, dalawa na ang may asawa at ang isa naman ay kolehiyo na, si Ate Jhing.
"Kumusta yung binabasa mong libro? Natapos mo na ba? Ayos ba kwento?" Tanong sa akin ni Tom.
Pareho kaming nakaupo sa lilim ng kubo.
"Hindi ko alam. Di ko pa tapos eh." Sagot ko sa kanya.
"Ganun." Tila dismayadong sagot sa akin.
"Nga pala kumusta kayo ni Mari." Biglang tanong uli ni Tom.
Hindi ako tumingin sa kanya at di rin agad sumagot. Tumawa siya maya maya.
"Gaya ng librong binabasa, di ko rin alam." Sagot ko. Napahinto si Tom sa pagtawa at bumaling ng tingin sa akin.
"Totoo ba yung naririnig ko pre tungkol sa inyo?" Hindi man diretsang sinabi sa akin, pero alam ko kung ano ang tinutukoy niya.
"Sa totoo lang Tom, di ko inaasahan iyon. Hindi ko alam kung ano ang mga iniisip niya, pero magkaibigan lang talaga kami pre, pangako.", pakumbinsing sabi ko sa kanya.
"Ano naman pakiramdam nang nakawin niya ang first kiss mo?" Nag init ang pisngi ko bigla nang marinig iyon sa kanya, di agad ako nakasagot.
Tumawa ng malakas si Tom.
"Biro lang pre. Pero sa totoo lang, mukhang mahirap din talagang basahin yan si Mari. Naaalala mo ba yung kinwento ko sayo dati tungkol sa kanila ni Remi, parang naguguluhan uli ko ngayon. Di kaya may ugaling, mahilig lang talaga si Mari manghalik?" Di ko alam kung seryoso ba si Tom sa sinabi niyang iyon.
"Hindi lang naman iyon ang nagpapagulo ng isip ko"
Ikinwento ko kay Tom ang naging obserbasyon ko kay Mari, pati rin ang mga kaganapan noong Lunes, gayun din ang mga plano nila Lala patungkol sa kanya.
Napapailing si Tom.
"Naku, mukhang mahirap nga yun. Pero kung tutuusin pre, mukhang ayus din naman yun eh, ikaw na rin naman nagsabi na di mo na rin maintindihan yung sitwasyon, bakit di mo hayaan para maliwanagan ka na rin? Malay natin, okey din pala ang maging resulta at di ka na maguluhan pagkatapos."
Napaisip ako. Bahala na.
Nagpatuloy lang kami sa pag uusap hanggang di nag tagal nalayo rin ang kwentuhan namin ni Tom tungkol kay Mari. Dumating ang hapon, nagpaalam na rin ako at umuwi na pabalik sa bahay, dala dala ang mga isinauling mga libro na hiniramsa akin.
******
Linggo, mga alas otso palang nang umaga, nang marinig ko ang pagtawag sa akin ng aking nanay, kasalukuyang nakahiga pa rin ako sa mga oras na iyon. Inaantok pa ko, ngunit nang marinig pa rin ang patuloy na pagtawag sa akin ng nanay ko, ay gayun bumangon na rin ako.
Kamot kamot ang ulo nang lumabas ako ng kwarto.
"Ano yun ma? " parang tinatamad na tonong tanong ko.
"May tumatawag sayo sa telepono." Napakunot ang noo ko.
"Sino daw po?"
"Kaklase mo daw? Bilisan mo na kanina pa yun nag aantay" sagot niya pagkatapos.
Naglakad ako palapit sa telepono at sinagot iyon.
"Hello?" sabi ko sa linya.
"Archie, si Lala to." Sagot ng nasa kabilang linya.
Hindi ko inaasahan ang pagtawag na iyon ni Lala, tinanong ko siya sa kanyang sadya.
"Pupunta kami nila Anthony mamaya sa bahay nila Remi", biglang nawala ang antok ko nang marinig iyon sa kanya.
"Balak naming kausapin ang pamilya ni Remi, tungkol na rin sa pagkamatay niya.",seryoso ang tonong salita ni Lala sa kabilang linya.
"Sa tingin nyo ba, magandang ideya na gawin niyo yun? Halos isang taon palang ang nakakalipas simula ng pagkamatay ni Remi, sa tingin niyo ba magandang kausapin na sila tungkol sa bagay na yun?". Medyo pa protestang sabi ko.
"Hindi nga magandang ideya, pero malay natin. Wala naman masama kung susubukan. Tama lang din, para makita namin kung ano ba ipekto sa kanilang pamilya nang pagkakawala ni Remi sa kanila, malay natin, may ugnayan din pala sila sa dahilan ng pagkamatay ni Remi." Naisip kong may punto rin naman si Lala. Hindi ako kumibo.
"Kung gusto mong sumama, Hindi mali. Ibig kong sabihin, kailangan mong sumama samin Archie. Para makita mo ng aktwal kung ano ang mga bagay bagay na nalalalaman namin tungkol kay Remi at Mari. Mamaya kita kita tayo sa may parke, mga alas dos ng hapon. Aasahan ka namin doon. Ge, bye." Sabay paalam ni Lala, at naputol na ang linya.
Magsasalita pa sana ako ngunit di na ako nakahirit pa. Napabuntong hininga ako. Naiisip ko ang mga sinabi sa akin ni Lala.
Kakausapin ang pamilya ni Remi. Sa totoo lang, wala akong ideya kung anong klaseng pamilya ang meron si Remi, kahit kay Mari, ang alam ko lang kay Mari ay hindi niya kasama ang mga magulang, ang sabi lang niya sa akin , ay nasa malayo ang mga ito at sinusuportahan lang siya sa pinansyal na pangangailangan, ngunit hindi niya na muling nakita ang mga ito, halos sampung taon at mahigit na ang nakalilipas. Napalingon ako sa gawi ng aking nanay na abalang nagpapakain sa mga alaga niyang isda sa sala, nagkasalubong ang aming tingin, alam kong pasimple siyang nakikinig sa pakikipag usap ko sa telepono.
"Kumusta? Ano daw sadya sayo?" Tanong ng aking nanay sa akin.
"Kaklase ko lang po, may tinatanong lang", palusot ko.
Sa totoo lang, walang ideya ang aking mga magulang tungkol sa mga pangyayari sa akin ngayon sa eskwelahan. Hindi niya rin alam na malapit na ako kay Mari, alam kong pamilyar na ang aking nanay kay Mari, dahil na rin sa panahong nabalita ang pagkamatay ni Remi, na naging malaking usapan noon sa eskwelahan.
Hindi nagtagal, naghanda na rin ako ng aking sarili, pagkatapos maligo at magbihis ay dumeresto na ako sa hapag kainan. Nasa alas dose kinse na iyon ng hapon, dalawa lang kami ng nanay ko sa bahay ng mga oras na iyon. Habang kumakain kami pareho, ay nagsalita ang aking nanay.
"Mukhang may lakad ka ah?" Patanong na sabi niya sa akin.
"Ah, opo, pupunta po ko sa bahay ng kaklase ko maya maya." Sagot ko.
"Sinong kaklase, yung tumawag bang babae kanina?" bahagyang nakangiting tanong niya sa akin.
"Opo." Tipid lang ang sagot ko.
"Iiwan mo na naman ako mag isa dito, pinagpapalit mo na ko sa iba ah.." tila nagtatampong sabi niya.
Umismid ako.
"Ako nga pinagpalit mo na rin sa mga isda mo.." Nakangusong sabi ko sa kanya, pagkatapos sinundan ng pagtawa.
"Ikaw talaga" napapatawa na ring sabi niya na sa akin.
Hindi nagtagal tumayo na rin ako, dumeretso ako sa lababo, at nagsipilyo. Samantala nananatili pa rin sa kinauupuan si mama.
Pagkuway, linapitan ko siya at hinalikan ko sa noo, bahagya niya namang tinapik ako sa braso.
"Ge ma, alis na ko ah, may kukunin lang ako sa kwarto, pagkatapos aalis na ko" Paalam ko.
"Sige 'nak ingat." Nang nasa bungad na ko ng kusina papuntang daan pa kwarto ko narinig kong nagsalitang muli si Mama, napalingon ako.
"Daan ka na rin ng pagbili ng pagkain nila Makoy" tukoy niya sa alaga niyang isda. Napabuntong hininga nalang ako.
"Sige po, asan pambili." Nakalahad ang palad ko.
"Dun sa lamesa sa sala, nakapatong yung pitaka ko, kuha ka nalang dun." Nakangiting sabi niya.
"Sige po.." Tila bagot ang tonong sagot ko.
Ang nanay ko talaga, di talaga ko makasabay sa mga hilig niya, pero kahit ganun, mahal na mahal ko siya ganun din ang tatay ko. Naging mabuti silang magulang sa akin, na kahit hindi man nila ako nabigyan ng kapatid ay masasabi kong, swerte pa rin ako.
Hindi nagtagal linisan ko na rin ang bahay at dumeretso papuntang parke kung saan sinabi ni Lala na pagkikitaan namin.
******
Ala una palang ng hapon ay nasa parke na ako, napansin kong may mangilan ngilang tao rin doon. Tumungo ako sa isang upuan na nalililiman ng malaking puno.
Mga nasa walong minuto na akong nakaupo roon nang mapansin ko si Dianne na papalapit sa akin, isa siya sa kaklase kong nakipagsundo kina Lala na aalamin ang totoong dahilan ng pagkamatay ni Remi. Sa totoo lang di rin ako sigurado sa motibo niya at bakit naisipan niyang makipagtulungan kina Lala.
"Ang aga mo ah." Sabi niya, pagkatapos ay umupo rin sa bench na aking kinauupuan.
Tumango ako bilang pag tugon.
"Bakit mo naisipang makiisa kina Lala sa bagay na iyon. Anong motibo mo? " diretsang tanong ko kay Dianne.
"Wala naman, gusto ko lang mapalapit uli sayo." Hindi nakatinging saad niya.
Hindi iyon ang inaasahan kong sagot.
"Hindi kita maintindihan.", nakakunot ang noo na sabi ko sa kanya.
Bahagyang tumawa si Dianne.
"Isa lang yun sa mga dahilan ko. "
"May sama ka rin ba ng loob kay Mari?" Tanong ko uli.
"Wala naman, ayoko lang sa kanya." Di ko maintindihan ang pinupunto niya.
Bumuntong hininga ako.
"Naniniwala akong may mabigat kang dahilan. Pero kung ayaw mong sabihin ayos lang. Ang dahilan ko naman kaya ko nandito, kasi gusto kong malaman ang katotohanan, at naniniwala akong walang kasalanan si Mari. Na mabuti siyang tao, na naging mabuti siyang kaibigan kay Remi. Gusto kong mapatunayan na mali ang pagkakakilala niyo sa kanya-" napahinto ako nang biglang tumayo si Dianne at matalim ang tingin ang ibinigay sa akin.
"Puro ka nalang Mari! Tuluyan niya na bang nabilog ang ulo mo kaya ka ganyan nalang sa kanya ah?! Mamamatay tao siya! Masama siyang tao!" Galit na sabi niya sa akin.
Napatayo na rin ako, pinagtinginan kami ng mga tao sa paligid.
Nagpigil nalang ako at hinawakan si Dianne sa braso.
"Hindi ito ang tamang lugar para diyan, kung ano man ang dahilan mo, bahala ka, hintayin nalang natin ang mga magaganap." malumanay na sabi ko, ayokong palalain pa ang usapan namin ni Dianne.
Mukhang nakalma naman siya, muli kaming umupo, at di na siya umimik, di nagtagal, sumunod nang dumating si Anthony kasama si Jose, pagkatapos ng ilang minuto sumunod namang dumating si Lala, at huling dumating si Dino.
Naglakad lang kami papunta sa bahay ni Remi. Hindi nagtagal huminto kami sa tapat ng isang bahay, tansa ko iyon na ang bahay nila.
Lumapit si Lala sa tapat ng pinto at kumatok. Nakailang katok din siya bago bumukas iyon.
Bumungad sa harap namin ang isang babae na tanya ko ay nasa kwarenta na ang edad. Maliit lang ang pangangatawan nito at maiksi ang buhok. Napansin ko ring namumula ang pisngi niya.
Siya na kaya ang ina ni Remi?
Matalim ang pagkakatingin niya sa amin.
"Anong kailangan niyo ah?" Medyo papaos ang boses na sabi niya sa amin.
"Ah, ako nga po pala si Lala, at sila naman ang mga kamag aral ko." Sagot ni Lala.
"Bakit kayo nandito?" parang iritableng tanong nito.
"Kung ayos lang po sa inyo, may itatanong lang po kami sa inyo tungkol kay Remi".
Napansin kong nagbagong bigla ang replekyon sa mukha ng babaeng iyon, nag iwas siya ng tingin at hindi agad nagsalita.
Muling nagsalita si Lala, ngunit naputol ding muli ng nagsalita na ang babae.
"Nasabi ko na lahat sa pulis. Dun nalang kayo magtanong." Pagkasabi ay tinalikuran na kami at tangkang isasara ang pinto, ngunit napahinto iyon ng magsalita bigla si Dianne.
"Naniniwala ka rin bang may pumatay sa kanya?!" Pasigaw na tanong ni Dianne.
Nanlalaki ang mata na, lumingon ang babaeng iyon sa amin.
"Ha? Anong pinagsasabi mo? Pwede ba! Tahimik na ang buhay namin ngayon, tantanan niyo kami!". Pagkasabi, pabalibag na isinara nito ang pinto.
Napabuntong hininga si Lala.
Napansin ko sa repleksyon ng mukha niya ang pagkairita.
"Simula pa man noon ganyan na sila."
Di nagtagal sabay sabay na naming linisan ang lugar na iyon.:Abangan Pangalawang Kabanata :

BINABASA MO ANG
Sa Likod Ng Mga Pahina
Mystery / Thriller"Kung nararamdaman mo na ayaw sa iyo ng mundong ginagalawan mo, isipin mo nalang na gumawa ng sariling mundo. Hindi mo man masabi ang nararamdaman mo sa kanila, sabihin mo nalang ito sa pamamagitan ng pagsulat sa papel.. at gayon, sa oras na malagpa...