Nakangiti sa isang sulok
Waring may iniisip na masaya
Ang mga mata’y nakatingala
May pinipigilang luha
Nakita ko dahil may nakawalang isa
Ako’y nagtaka…
Ba’t umiiyak ka, eh nakangiti ka?
Hindi ba masaya ang iyong naaalala?
O baka napaluha ka sa sobrang saya
Hinayaan kita…
Nong sumunod na araw ay ganon parin
Pinagmasadan muna kita
Tapos nilapitan at kinamusta
Tiningnan mo ako at nagsalita
Habang nagsasalita ay nakangiti ka
Nakikinig ako habang pinagmamasdan kita
May napansin ako…
Ang ganda ng mga ngiti mo
Pero bakit malungkot ang mga mata mo?
Nagsasalita ka pa rin
Mayamaya’y bigla kang lumuha
Nagitla ako, inangat ko ang mga kamay ko para punasan ang mga ito
Ngunit may kung anong nakaharang, hindi ko maabot ang mukha mo
Mas lalong lumungkot ang mga mata mo
Wari’y nagpapasaklulo
Biglang narinig ko ang tawa mo
Pinikit ko ang mga mata ko at pinakinggan ito
Napaluha ako…
Ito na sana ang pinakamagandang musikang napakinggan ko kung wala lang akong narinig na sakit at pagsusumamo mula rito
Pagmulat ko ay nakangiti ka na ulit habang lumuluha
Pinunasan ko ang mga luha ko
Nagulat ako pinunasan mo rin ang sa iyo
Tiningnan mo ako, ngumiti, at tumango.
