D,
Nakita ko ulit yung yung lalaking gwapo. Nakakatuwa lang kasi tinulungan pa nya ako. Feeling ko pinaglalapit kami ng tadhana. Baka kami talaga ang para sa isa't-isa.
Habang naglalakad ako kanina pauwi galing school, biglang bumuhos ang napakalakas na ulan kaya tumakbo ako sa pinakamalapit na waiting shed upag hintayin ang pagtila. Sa bawat titig ko sa pagpatak lalo itong lumalakas. Pilit sinisik-sik ng mga taong nakasilong sa waiting shed ang mga sarili nila sa pinaka dulong bahagi nito sa takot na matalsikan ng putik dahil sa lakas ng bawat pagbuhos ng ulan. At dahil wala akong pagpipilian, hindi na ako nag-inarte at doon nalang sumilong sa unahang bahagi nito. Napayakap ako sa sariling katawan ng biglang umihip ang malakas at malamig na hangin na biglang nag patayo sa mga balahibo sa dalawang braso ko. Marami na ang nakauwi sa kani-kanilang bahay dahil ang iba ay may kani-kaniya silang payong, yung iba may kotseng sumundo, may kasintahang sumundo, may magkaibigang pinagsasaluhan ang iisang payong kahit nababasa ang balikat at likod ng bawat isa, at karamihan ay binalot ang kani-kanilang bag ng supot na malaki upang hindi mabasa ang kanilang mahahalagang gamit na nasa loob ng bag at sinugod ang malakas na ulan sa takot na hindi na tumila ang ulan hanggang sa mag dilim at hindi sila makauwi. Sa sobrang paglilibang ko sa katitingin sa paligid ko, hindi ko napansin ang humarurot na motor na biglang dumaan dahilan para sumigaw ang mga nakasilong sa waiting shed na sinisilungan ko at dahil ako ang nasa harapan, ako din ang basang-basa. Napangiwi ako dahil sa uniporme kong puti na naging brown dahil sa putik. Akala ko wala ng magandang mangyayari sa araw ko dahil grabeng kamalasan na ang sumalubong sa akin. Pero sa kagandahang loob ng katabi ko inabutan niya ako ng isang rolyo ng tissue para pamunas sa uniporme ko, pakiramdam ko tuloy nahulugan ako ng tsokolate sa uniporme ko dahil sa dumi nito. Hindi ako nag-abalang tumanggi upang punasan ang uniporme nagbabakasakali na mabawasan ang duming nakadikit dito. Subalit, hindi. Mas lalo lamang kumalat ang dumi. Ibinulsa ko ang nagamit kong tissue sa suot kong palda at inilahad ko sa lalaking katabi ko ang tirang tissue at ganoon nalang ang panlalaki ng mata ko ng bigla ko nalang makita ang lalaking nakita ko nung nakaraan na hinahanap-hanap ko. Nabitawan ko ang hawak na tissue at nasalo naman niya iyon, natawa siya at mukhang naramdaman niya ang pagkataranta ko nang nakita ko siya. Napanganga ako at hindi makapaniwalang nasa harapan ko na siya at kitang-kita ng dalawa kong mata kung gaano siya kagwapo sa malapitan.Napakurap ako ng dalawang beses saka umiwas ng tingin. Napalunok ako ng maalala kung ano ang kahihiyang nagawa ko.
Nang tumigil na ang ulan biglang may humintong sasakyan sa harapan ko. Akala ko kung sino. Saka lang ako natauhan dahil nakita ko sya na sumakay sa tabi ng driver. Nanlumo ako agad dahil akala ko aalis na sya. Pero biglang nabuhayan ang loob ko ng biglang bumukas ang bintana at tumingin sa gawi ko sabay sabing "Huwang kang tumitig sa iba ng ganoon, baka manlambot ang tuhod nila at hindi makalakad. Ayos lang kapag sakin, may susundo naman" saka niya sinara ang bintana at tuluyang umalis. Tuluyan nga akong napanganga.
Hanggang ngayon ay binabaliw ako ng pangyayaring iyon. Parang sirang plaka ang kaniyang salita na paulit-ulit sa utak ko.
Dahil doon mas lalo ko syang gustong makilala. Gusto kong malaman kung ano ang pangalan niya. Iba't-ibang pakiramdam ang epekto sakin ng kahit napakaliit niyang kilos. Normal pa ba ito?
- Amara