D,
Nakaupo ako kanina sa room namin at nakatingin lang sa bintana habang kinukutkot ko ang bubble gum na matigas na nasa ilalim ng mesang inuupuan ko. Break time iyon at wala akong assignments na pwedeng gawin upang malibang at hindi mabagot. Hindi masama ang gising ko nung umaga pero tila wala ako sa mood. Hindi ako nakaramdam ng gutom kahit na gatas at sky flakes lang naman ang kinain ko sa umagahan. Wala naman masyadong magandang nangyari ngayong araw pero nagsulat lang ako para sayo, baka nagtampo ka sakin eh hehe.
Wala din naman akong ibang pagsasabihan kundi ikaw pero alam mo ba kanina habang tinitignan ko ang mga katulad kong studyante na dumadaan may napansin akong isang lalaki, feeling ko bago lamang siya dito dahil ngayon ko lang siya nakita. Maputi, matangong ang ilong, mataba ang kanyang pisngi na mamula-mula at mamula-mulang ding labi na manipis. Kapansin-pansin din ang hindi maiwasang patingin-tingin ng ibang babae tila pati kalalakihan ay napapalingon dahil sa pagkamangha sa kaniyang itsura. Samantalang walang kaalam-alam ang lalaki na pinagkakaguluhan na siya dahil libang na libang siya sa pakikipagtawanan sa mga kaibigan niya. Nakakahiya man aminin pero tinitigan ko talaga, hindi ko alam kung bakit bigla akong nahirapan alisin sa kaniya ang mga paningin ko para siyang isang bituin na kumikinang sa mga mata ko. Pero agad din akong napaiwas ng tingin ng bigla siyang lumingon sa gawi ko. Sakto pa nga nung nag-iwas ako ng tingin nauntog ako sa simento ng bintana nakalimutan ko na malapit nga lang pala ako sa simento mabuti nalang walang bukol. Tsaka hindi naman ako nainis pinitik ko lang yung simento at sinabihan ng "ikaw ah" sabay irap sa kaniya, masakit din kaya iyon nu. Kaya napakamot nalang ako sa noo.
D, weird ba kapag sinabi kong gusto ko ulit siyang makita? Hindi ko alam ang nangyayari sa akin pero sa tuwing natutulala ako biglang pumapasok sa isip ko ang bawat ngiti at tawa niya. Tila pati mga ngipin ay perpekto din.
Sa unang pagkakataon naramdaman ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko. At kakaibang pakiramdam sa tiyan ko. Tama ba ito? Tumitibok ang puso ko sa isang taong hindi ko man lang kakilala? Ganito ba ang sinasabi nilang 'Love at First Sight'?
- Amara