Prologue

0 0 0
                                    

Pumikit ako at tumingala. Dinama ang ihip ng hangin habang taimtim na nakangiti. Walang pagsidlan ang saya ko nang marating ko na naman ang tuktok. Isa lang ito sa maraming bundok ko nang naakyat pero dito yata ako pinaka sumaya.

Hindi ko alam kung dahil ba sa pinagdaanan ko noong nagdaang linggo o sadyang sobrang ganda lang nito.

Minulat ko ang aking mata sabay ng pagpahid sa aking munting luha. Sa wakas wala na namang ingay ng syudad. Wala na ulit ang matatayog na gusali. Wala na ulit akong matanaw na kalsada. Puro kulay luntian lang at ang mga ulap ay halos kapantay ko na.

Gusto kong sumigaw at kundi lamang dahil sa hiya dahil sa mga di kilalang kasama ay kanina ko pang ginawa.

Isang buwan akong mamamalagi sa lugar na ito at mamumuhay na parang hindi ako ang Farrah na nakatira sa syudad at nagmamay-ari ng buhay na iyon. Dito ay mamumuhay akong parang si Farrah na taga-probinsya. Walang ibang kailangan isipin kundi ang buhay lamang dito at ang ganda ng lugar.

"Kamusta ang bundok?" Nakangiting tanong ni Nanang Nena nang dumating ako.

Nakaupo sya sa lanai sa tapat ng bahay nila ni Tatang George, ang kanyang asawa. Sa kanila ako mangungupahan sa loob ng isang buwan kong pagtira dito. At ngayon pa lang ay alam kong mapapamahal ako sa kanila dahil sadyang napakabait ng dalwa. Katabi ng kanilang simpleng bahay ang dalwang bahay-kubo na kanilang paupahan, sa bukana ang akin.

Lumapit ako at nagmano.

"Masaya ho." Napangiti ako nang maalala ang nakita sa taas, "sobrang ganda," pagpapatuloy ko.

Umupo ako sa kanyang tabi.

"Nako, oo! Sobrang ganda talaga ng bundok na iyan. Naalala ko noong kabataan namin, ang dalas naming naakyat diyan..." tumigil sya saglit bago tiningnan ang tanaw na bundok, "sadyang sobrang ganda."

Nakatingin ako sa kanyang mata at pansin kong tila nakikita nya ang kabataan nya at ang ganda ng bundok sa kanya mismong harap.

Nakangiti akong masdan sya. Natutuwa dahil bihira akong makakilala ng taong ganto din kalalim kung makita ang ganda ng kalikasan. Kadalasa'y mas pipiliin sa buhay sa syudad.

"Eh gutom ka na ba?" tanong niya.

Halos palubog na ang araw at kung kakain ako ngayon ay baka hindi na ko makakain ng hapunan.

"Hindi pa naman ho. Kumain naman ho kami bago bumaba."

Tumango sya, "O sya sige. Magbihis ka muna at mamayang hapunan ay dito ka na sa amin."

"Nako hindi na ho, Nanang. Pwede naman ho akong bumili sa bayan ng pagkain ko. Hindi naman ho yan parte sa binayaran kong upa."

"Ay hindi. Wala yon! Sige na at magbihis ka na. Magluluto na ko." At tinaboy na ako.

Makailang beses pa akong umalma pero hindi nya ako pinakinggan. Nakakahiya kung hindi ako dadalo sa paanyaya nya kaya nang maghapunan ay doon ako.

Maaga sa hapunan ako pumunta doon para matulungan si Nanang na magluto. Di tulad sa gawi sa syudad, uling pa din ang pinaglulutuan nila dito at may ilan pa rin silang banga kung saan nila niluluto ang ilang ulam. Kailangan mo din mag-igib ng tubig sa poso para may magamit ka panghugas. Ganoon man ay parang mas pipiliin ko ito kaysa sa naiwan kong buhay sa syudad.

"Nagkakilala na ba kayo ni Philippe?" Si Tatang George na nakatingin sa akin.

"Philippe? Hindi ho. Sino ho sya?"

"Sya iyong nandyan sa isang kubo. Inanyayahan din namin dito. Galing daw Maynila. Magkakakilala kayo noon pagdating!" Nakangiti niyang sabi.

Noong unang araw ko dito ay naghanda lang ako para sa pag-akyat ng bundok at kahapon ng umaga ay nagsimula na ang aming hike. Ngayon lang ako nakababa. Kaya siguro hindi ko nakita ang lalaking sinasabi nila.

Tinulungan kong maghain si Nanang at nagkwentuhan muna ng kaunti habang iniintay ang lalaki.

Makalipas ang isang oras na paghihintay ay mukhang hindi na sya dadating. Nauna na kami pero habang nakain ay palinga-linga pa din si Tatang sa labas, iniintay ang lalaki. 

"Sayang naman. Siguro ay dadalhin ko na lang ito sa kanya mamaya." panghihinayang ulit ni Tatang George.

Mukhang mas nanghihinayang sya na hindi nakarating ang Philippe na iyon kaysa sa mga sobrang pagkain. Kanina niya pa din sinasabi ang kanyang panghihinayang kaya naawa ako sa kanila. Naghanda sila ng hapunan para sa amin tapos ay hindi sya dumating.

Bakit naman kaya hindi man lang pumunta ang lalaking iyon gayong mukhang um-oo sya sa imbitasyon?

"Pwede din naman ho itira sa almusal ang iba. Dito na lang din ho ako magaalmusal bukas para sa sobrang pagkain." Alok ko para kahit papaano ay bumuti ang pakiramdam ni Tatang.  Ayaw ko pati na madismaya si Tatang kung sakaling hindi tinanggap noong lalaki ang pagkain.

"Maganda iyan, hija. Pero kahit naman walang sobrang pagkain ay dito ka pa din sa agahan." Natatawang sabi na ni Nanang Nena.

"Nako. Eh nakakahiya naman ho kung lagi akong dito makikikain."

Bibili na lang din siguro ako ng pwedeng ulamin namin para kahit dito ako kumain ay hindi naman mabigat sa kanila.

Pagkatapos ng hapunan at pagtulong sa ligpitin ay nagpaalam na ako at umuwi sa kubong tinutuluyan.

Saktong pasok ko doon ay tumutunog ang cellphone ko.

"Asan ka?" bungad sa akin ni Mama. Ni hindi man lang bumati.

Ilang sandali muna akong tumahimik. Nagiisip kung tama ba ang mga sasabihin ko at naghihintay na rin ng maaaring kasunod nyang mga sasabihin.

"Sorry, ma. Saglit lang ako dito. Pagkatapos babalik din ako dyan," sabi ko makalipas ang ilang sandali.

Hindi ko na hinabaan ang eksplenasyon dahil nararamdaman ko ang punyal sa lalamunan ko. Naaalala ang naiwan ko, ang nangyari bago ito.

"Napaka makasarili mo, Farrah." Mahinahon ngunit madiing sabi nya.

Doon nagsimula bumuhos ang luha ko. Tila naipon sila sa dami.

Umiling ako bilang pagtutol sa sinabi nya. Kahit na alam kong hindi nya naman ako kita. Para kahit man lang sana sa sarili ko ay masabi ko na hindi ako makasarili. Hindi ako kailanman naging makasarili.

"Hindi mo man lang kami inisip, ano? Iyang sarili mo lang na kagustuhan ang iniisip mo... Laging 'yang sarili mo lang."

Kinagat ko ang labi ko para pigilan ang hikbi ko. Hindi ko alam kung bakit ayaw kong iparinig kay Mama na iniiyakan ko ang mga sinasabi nya.

"H-Hindi po. Hindi po ako makasarili." Sabay hikbi. Kinagat ko ang aking labi para hindi marinig ni mama ang iyak ko.

Lalo ako naiyak nang marinig ang sarili ko. Para akong nagmamakaawa kay mama na maniwalang hindi ako makasarili.

Hindi kailanman nangyari na sarili ko lang ang inisip ko. Simula noong magtapos ako ng kolehiyo ay nagtrabaho na agad ako dahil kailangan kong tulungan si mama. Para akong prutas na ibinenta agad nang mahinog... prutas na pinilit mahinog. Para akong baka na ginagatasan. May mga panahong hindi ako masaya sa trabaho ko pero pinilit kong manatili dahil kailangan. Doon ko naramdaman ang pagkakasakal sa buhay na mayroon ako. The short travels were my only escape. My only breath of fresh air.

Isang beses lang ako lumipat ng trabaho pero sa paglipat kong iyon ay siniguro kong hindi ako mababakante. Akala ko sasaya na ako doon pero mas lalo akong nasakal. Napaisip ako kung ganoon ba talaga dapat ang buhay? Kung dapat ba talaga masakal ako dahil sa obligasyong mayroon ako.

I was enduring it well. Suppressing everything even though inside I was screaming. Pero isang araw sumabog na lang ako. Hindi ko alam kung anong dahilan pero hindi ko na kinaya. I made a snap decision and chose my self. I quit and took this long break.

I just felt like with all the things that I've been enduring I need this vacation to be long. Para makahinga sa buhay at obligasyon ko sa syudad. Kung maaari lang na makalimutan ko din ang pagkatao ko ay mas mabuti sana iyon.

Pero ang pinakamalaki ko nang magagawa ay ang kalimutan muna panandalian ang buhay na mayroon ako doon at namnamin ang mayroon ako dito.

Ngayon, dito, magiging masaya ko.

Wander then back to youTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon