ANG ALAMAT NI SHEENA

19 5 0
                                    

Noong unang panahon sa malayong kaharian na kung tawagin ay UHIB, payapang namumuhay ang mga mamamayan sa ilalim ng pamumuno ng kanilang mapagkawang-gawa at butihing hari at reyna na sina Haring Bazkaral at Reyna Halyesina.

Sa kaharian ng Uhib, hindi ang korona ng hari at reyna ang itinuturing bilang pinakamahalaga at pinakainiingatang bagay sa lahat, kundi ang isang mahiwagang brilyante. Isang pulang brilyante na kung tawagin ay Brilyante ng Pag-ibig. Ang brilyanteng ito ay isang makapangyarihang brilyante na kayang burahin ang galit, poot, kalungkutan, problema at sama ng loob ng isang tao. Sa tuwing gabi, kusa itong lumulutang sa himpapawid at lumilikha ng napakaliwanag at napakagandang ningning at usok na may dalang napakabangong amoy. Ang sinumang makakita ng ningning nito ay agad na makalilimutan ang galit at sama ng loob na nakatanim sa kaniyang naglalagablab isipan at ang sinumang makaamoy ng usok nito ay kaagad na mawawala ang problema at kalungkutan na naninirahan sa kaniyang malamig na puso. Ito ang dahilan kung bakit puno ng kasiyahan, katahimikan at pagmamahalan ang kaharian ng Uhib o kung bakit payapang naninirahan ang mamamayan sa kaharing ito. Ito rin ang dahilan kung bakit iniingatan at pinapahalagahan ng buong kaharian ang mahiwagang brilyante. Biyaya mismo ito sa kanilang kaharian ni SHUHIBA, ang kinikilala nilang diyosa ng pag-ibig.

Ayon sa isang napakaluma subalit tanyag na kuwento, noong unang panahon kung saan ang kauna-unahang hari pa lamang ang namumuno sa kaharian nilang noo'y wala pang pangalan, itinuturing na sumpa ang bawat araw na dumarating sa kaharian sapagkat walang ginawa ang mga tao kundi mag-away at magpatayan. Walang araw na dumaraan na walang taong namamatay at hindi nakaiinom ng sariwang dugo ang lupa. Walang magawa laban dito ang haring ubod ng bait. Sa katunayan, hindi pa ito nakasakit ng tao gamit ang kaniyang bibig at katawan at wala itong hinangad kundi ang ikabubuti ng kaniyang nasasakupan. Subalit tila kinain na nang tuluyan ng kasamaan ang mga isipan at puso ng mga tao at wala nang magawa ang hari upang pigilan ito. Dahil dito, nawasak ang puso ng hari kaya't napilitan itong isuko na lamang ang kaniyang kaharian. Tuluyang linisan ng hari ang kaharian habang tila ulang pumapatak ang mga luha sa kaniyang makulimlim na mga mata at sugatan ang puso.

Nang makarating ang hari sa isang madilim at makahoy na kagubatan, labis na sindak ang kaniyang nadama na kapansin-pansin sa kaniyang hindi maguhit na mukha at nanginginig na katawan na para bang binuhusan ng tubig na puno ng yelo nang makakita o may nakasalubong siyang isang halimaw. Dahan-dahan itong lumapit patungo sa kinatatayuan ng hari at sa labis na takot, tumakbo nang napakabilis palayo ang hari. Unti-unting naglaho ang takot ng hari nang makalayo na siya sa pag-aakalang hindi siya sinundan ng halimaw na ubod ng sama at sobrang nakatatakot ang mukha. Subalit, nang makalayo na ang hari at habang patuloy pa rin siya sa pagtakbo, nagulat siya nang bigla niyang makasalubong ang halimaw. Napahinto at napaupo sa lupa ang hari dahil sa labis sindak.

"Sino ka? Anong kailangan mo sa akin?", mabagal at pautal-utal na tanong ng haring nanginginig pa ang boses.

"Nais kitang hamunin sa isang labanan. Kapag natalo mo ako, malaya ka nang makapaglalakbay sa kagubatang ito. Subalit kapag natalo kita, ang katawan mo ang siyang magiging hapunan ko.", sagot ng halimaw.

Subalit dahil hindi mahilig makipag-away o makipaglaban ang hari, tinanggihan niya ang hamon ng halimaw.

"Kung ganoon ay pipilitin na lamang kitang labanan ako", banggit ng halimaw at agad niyang sinugod ang hari. Kinalmot niya ang mukha at buong katawan ang hari gamit ang mahahaba at matutulis niyang kuko.

"Tama na! Maawa ka sa akin! Ayokong makipaglaban sa iyo. Ayokong makasakit ng kahit sino!", hinaing ng hari.

Hindi nakinig ang halimaw sa kaniya. Nag-anyo ito bilang isang higanteng halimaw. Malaki ang bunganga at mahahaba at matutulis ang mga ngipin. Sinunggaban niya ang hari at kinain nito ang kaniyang ulo. Walang magawa ang hari kundi ang umiyak at sumigaw. Pagkatapos niyang sumigaw ay bigla na lamang siyang nagising sa loob ng isang kakatwang yungib na may munting lawa sa loob na ubod ng linis at linaw.

ANG ALAMAT NI SHEENATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon