Kabanata 7

167 6 1
                                    

Umiiyak pa rin ako habang inaalalayan ako ni Marcus pasakay sa loob ng karwahe. Wala akong lakas para magsalita, hindi ko kaya. Nahihirapan ako.

Ano na lamang ang gagawin ko? Ipapabitay nila si Pieter at kasalanan ko 'yon! Kung hindi ako humingi ng tulong sa kanya ay nananahimik pa rin ang buhay niya ngayon. Hindi ko naman inaasahan na pupunta pala sina Marcus sa aming bahay at mas lalong hindi ko inaasahan na mapagbibintangan ang aking kapatid na si Anabella.

Tulala lang ako buong biyahe pauwi, dumaan kami sa napakalaking tulay na kumokonekta sa isla ng Avalon at Atlantis. Hindi na kami nagpalipas ng gabi sa Avalon nang dahil na din sa nangyari.

Nang makarating kami sa palasyo ay hindi kaagad ako bumaba ng karwahe. Parang wala akong lakas na gumalaw kahit na kaunti man lang, kinain na ata ako ng konsensiya ko. Sinisisi ko ang sarili ko sa mga nangyayari ngayon.

"Ano ang nararandaman mo ngayon?" tanong ni Marcus, tinignan ko lang siya at hindi sinagot. Wala akong lakas, nanlalambot ako.

Narinig ko ang pagbuntong hininga nito. Nagulat na lamang ako nang bigla niya akong buhatin. Hindi na ako nagreklamo pa. Kumapit na lamang ako sa leeg niya at isinukob ang aking mukha sa kanyang dibdib.

Muli na naman pumatak ang mga luha sa aking mata. Hindi ko alam na ganito ang problema na aking kakaharapin. Una, umalis ang aking pamilya at hindi ko man lang alam kung nasaan sila. Pangalawa, napagbintangan si Anabella na nagnakaw ng buwis sa bayan. At pangatlo, ipapabitay si Pieter.

Halos mabaliw na ako kakaisip ng mga solusyon, ngunit mas magiging komplikado lang ang lahat kung makikialam ako at kung hindi naman ako makikialam ay lalamunin ako ng konsesniya ko.

Dinala ako ni Marcus sa aking silid, hiniga niya ako sa aking kama. Umupo ito sa tabi ko at pinasada ang kanyang mga daliri sa buhok ko. Nakatingin lang ako sa kisame kasabay ng pagtulo ng mga luha ko. Siguro ay naguguluhan siya kung bakit umiiyak pa rin ako hanggang ngayon. Ang akala nila ay pinagtangkaan akong gahasain ni Pieter kaya nila ito ipapabitay.

"May gusto ka ba?" malumanay na tanong nito sa akin. Umiling lang ako bilang sagot.

Lumapit ito sa akin at nagulat na lamang ako nang bigla niyang halikan ang mga luha sa aking mukha.

"Magiging ayos din ang lahat," aniya.

Kung alam mo lang, Marcus. Kung alam mo lang na dapat ako ang kailangan niyong bitayin ngayon. Ako na nagpapanggap lamang bilang si Margarita Nuñez, ako na isang impostora.

Dahan-dahan akong umupo sa aking kama at sinandal ko ang aking likuran sa may sandalan. Lumingon ako sa kanya, kita ko ang pagaalala sa kanyang mukha.

"Maaari ko bang makausap 'yong l-lalaki kanina?" tanong ko sa kanya kahit na alam ko na hindi ito papayag.

Kinagat ko ang aking ibabang labi nang makita ko ang pagbabago ng ekspresyon niya. Bigla dumilim ang kanyang nga paningin.

"Hindi," mariin na sagot niya.

Napasinghap ako. Kailangan kong makausap si Pieter! Hindi ako titigilan ng konsensiya ko kapag ganito at hindi ko rin mapapatawad ang aking sarili.

"Kailangan ko siyang makausap, Marcus. Pagbigyan mo na ako," pagmamakaawa ko sa kanya.

Matagal bago siya sumagot. Tumingin pa ito sa kisame at dinilaan ang kanyang pangibabang labi na tila ba'y hindi siya sang-ayon sa desisyon ko.

"Sige. Limang minuto lang, Margarita."

Hindi ko maiwasan na hindi ngumiti sa sinagot niya.

Nagpunta kami kung nasaan si Pieter, medyo malayo ito dahil nasa may dulong bahagi pa ito ng palasyo. Madilim at kaunting liwanag lamang ang iyong makikita. Medyo hindi rin gaano kaganda ang amoy sa loob, may parteng amoy patay na daga.

Royal Series 1: Marrying The Prince of AtlantisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon