Unang Bahagi

738 24 1
                                    

Lexlee Anne Malabanan. Nakatapos siya ng high school na may nakuhang karangalan. Gustong niya sanang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo ngunit walang katiyakan kung maipagpapatuloy pa ba niya ito.

Bahagya na nga siyang napagtapos ng mga magulang niya sa high school, paano pa kaya kapag nagkolehiyo na siya?

Hindi naman sila kagaya ng ibang pamilya na isang kahig, isang tuka. Maayos naman ang kanilang pamumuhay. Nakakakain pa rin naman sila ng tatlong beses sa isang araw. Iyon nga lamang, diniretso na siya ng kanyang mga magulang na kahit gustuhin pa ng mga ito na papag-aralin siya ay hindi na rin naman nila kaya pang tustusan ang mga kakailanganin niya sa pag-aaral kung sakali mang ipagpatuloy niya ito. “Masyadong magastos ang pagpapaaral ngayon ng kolehiyo. Hindi ko na alam kung saan pa tayo huhugot ng pera para sa mga gastusin. Humihina na ang kompanyang pinagtatrabahuan ng Papa mo. May mga kapatid ka pa ring nag-aaral,” naalala niyang litanya ng kanyang Mama.

Panganay siya sa kanilang tatlong magkakapatid. Ang mga sumunod sa kanya ay nasa elementarya pa lamang; isang graduating at isang Grade 2.

Kahit pa sabihing nasa elementarya pa lang ang kanyang mga kapatid at sa public school lang ang mga ito nag-aaral, hindi maaaring walang pagkakagastusang bayarin ang mga ito. Sa panahon ngayon, wala ng libre!

Minsan, napapatulala na lang siya’t napapaisip kung bakit ba hindi siya nakapasa –pasa doon sa isang pampublikong unibersidad na pinagkuhanan niya ng entrance examination. Kung nakapasa lamang sana siya, maipagpapatuloy na niya ang kanyang pag-aaral. Sabi kasi ng mga magulang niya, kapag nakapasa siya doon ay makakaya pa ng mga itong papag-aralin siya. Kaya nga lang, hindi nangyari iyon.

Napapailing na lang siya sa tuwing maaalala ang mga pangyayaring iyon. Kung bakit ba naman kasi ang malas niya pagdating sa ganyang mga entrance examinations! Noon kasing papasok pa lang siya ng high school ay kumuha rin siya ng entrance examination para maging ESC siya, iyon nga lamang ay hindi siya nakapasa. Kaya naman, full tuition fee at miscellaneous fee ang kanyang binabayaran sa paaralan. Sa awa ng Diyos, heto siya’t naka-graduate naman!

Minsan nga inirereklamo sa kanya ng kanyang mga magulang ang katalinuhan niya. Ano raw nangyari’t hindi siya swertehin sa mga entrance examinations na kinukuhanan niya? Anong magagawa niya? Basta ang alam niya, binigay niya ang lahat ng makakaya niya! Iyon nga lang, hindi siguro sapat iyong naibigay niya para makapasa siya.

May mga private schools din naman siyang kinuhanan ng entrance examination pero hindi niya talaga makuha-kuha ang full discount sa tuition fee at miscellaneous fee. Kadalasan, discounted lang siya. Kahit pa naman sabihing discounted, malaki pa rin naman ang babayaran niya.

Dumating sa puntong gusto na niyang sukuan ang pagnanais niyang makapag-aral sa kolehiyo. Napag-isip-isip niyang gagayahin na lang niya ang iba niyang batchmates na pagkatapos makapagtapos ng high school ay mga nagsipaghanap na ng kani-kanilang trabaho.

Siya kasi ang tipo ng tao na matalino pagdating sa eskwelahan pero napakahina naman ng kukote pagdating sa mga ganitong pagkakataon. Kaya naman, iyan ang naiisip niyang paraan.

Napapailing na lang siya sa naiisip niya. Siya? Magta-trabaho? Eh mukha nga lang siyang elementary! Tanggapin naman kaya siya ng kompanyang pag-a-apply-an niya? Saka kinikilabutan siya sa tuwing maiisip na magta-trabaho na agad siya. Ni sa hinagap, hindi niya nakita ang sarili niya na magta-trabaho pagkatapos niya ng high school. Ambisyosa siya eh! Ni gawaing bahay, hindi pa niya gamay gawin. Paano pa kaya sa ibang bagay? Hindi pa siya handa!

Papasok Ka Pa Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon