Ikalawang Bahagi

366 12 0
                                    

Agad siyang tinawagan ng Ninang nito nang malaman nito ang resulta. Ibinalita nito sa kanya na nakapasa siya sa pagsusulit. Hindi pa nga siya makapaniwala noon.

“Hala! Binasta ko nga lang ‘yun lalo na ‘yung essay part! Siguro naantig ang damdamin nila sa sagot ko,” sa isip-isip pa niya pero tuwang-tuwa talaga siya sa kanyang nalaman. Isa na siyang iskolar!

Sa wakas! Makakapasok na rin siya! Tuwang-tuwa rin ang mga magulang nito sa kanya. Matutupad na ang pangarap nila sa kanilang anak na mapapasok ito ng kolehiyo.

Dahil provincial scholarship program ang nakuha niya, doon lamang siya sa kanilang probinsya pwedeng pumasok ng kolehiyo.  Ayos lamang naman iyon sa kanya basta ang mahalaga ay makapasok siya!

Habang abala siya noon sa pag-iisip kung paano siya makakapasok ng kolehiyo, hindi niya napagtuunan ng pansin kung ano nga bang kurso ang kukunin niya kung sakali mang makapasok siya.

Ang iniligay niya kasi sa mga forms na ipinasa niya noon sa mga eskwelahang pinagkuhanan niya ng entrance examination ay BSE o Bachelor of Secondary Education.

Hindi naman talaga iyon ang gusto niyang kunin. Unang-una, ayaw niyang nagre-report sa unahan ng klase. Ikalawa, tamad siyang magpaliwanag. At ang panghuli, maiksi lang ang pasensya niya.

Kung bakit iyan ang napili niyang ilagay sa mga forms? Kagagawan iyan ng magaling niyang Mama. Sabi nito, iyan raw ang pinakamurang kurso sa kolehiyo. Iyon lang daw ang kaya nila. Bukod pa roon, kapag nakatapos ka na raw, madali kang makakahanap agad ng trabaho kumpara sa ibang mga kurso na kadalasan ang mga nakatapos ay tambay dahil sa hirap makahanap ng pag-a-apply-an. Higit sa lahat, ito ang trabaho na pangmatagalan. Walang kontrata! Ikaw ang magsasawa.

Dahil sa mga salitang iyan, iyon ang kursong nailagay niya noon. Ngayon, kahit naaalangan siya, iyan na rin ang kinuha niyang kurso. Tutal hindi rin naman siya qualified sa kursong gusto niyang kuhanin, iyan na lang. Ang mahalaga, makapasok siya!

Sa ilang taon niyang pag-aaral, hindi man lang niya naranasan na samahan siya ng kanyang Papa sa eskwelahan para ipa-enroll, dumalo sa pagpupulong ng mga magulang, o kaya kuhanin man lang ang kanyang kard. Laging ang Lola at Mama niya ang laging pumupunta ng eskwelahan niya. Pero ngayon, heto ang Papa niya’t kasama niya para mag-inquire sa mga kolehiyong pwede niyang pasukan. Napakababaw para iba pero para sa kanya, masaya siya. Ngayon lang ‘to nangyari! Hindi man sila ganoon kalapit ng Papa niya, ramdam naman niya na sinusuportahan siya nito.

Nagpunta sila sa isang malapit-lapit na pampublikong unibersidad para mag-inquire. Hindi pa naman siya nakakakuha roon ng entrance examination kaya gusto nilang subukan. Binigyan siya ng schedule kung kailan siya bibigyan ng pagsusulit. Uuwi na sana sila noon nang maisipan nilang puntahan ang isang pribadong kolehiyo kung saan nakakuha siya ng malaking discount.

Pagtapak pa lang niya sa eskwelahang iyon, pakiramdam niya na gusto niya ritong pumasok. Pakiramdam niya na ‘welcome’ siya.

Iba na talaga ang nagagawa ng instinct. Dahil sa pagpunta nila sa pribadong paaralan na iyon, doon siya ini-enroll ng Papa niya.

Inalok kasi siya ng discount para maging full-discounted na ang tution fee niya. Kapalit nito ay ang pagiging student assistant niya sa eskwelahan. Hindi naman ito magiging hassle sa kanyang pag-aaral dahil sa bakasyon niya ito gagawin. Ang aalalahanin na lang niya sa pagbabayad ay ang miscellaneous fee niya. Dahil doon, napa-oo sila ng Papa niya.

Papasok Ka Pa Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon