Pag-ibig ng Isang Pulubi

28 1 0
                                    


"Ilang araw na ba akong hindi kumakain? Para namang mabibilang ko, e hindi naman abot ng munti kong isipan kung paano magbilang. Manhid na rin sa lamig ang mura kong katawan. Hindi ko nga alam kung paano ako nabuhay na palaboy-laboy sa lansangan. Wala na talagang lakas ang patpatin kong katawan para bumangon. Unti-unti nang nanlalabo ang aking paningin. Sa wakas, matatapos na rin ang paghihirap ko." Tumulo pa ang luha ko bago ako tuluyang mawalan ng malay.

Nagising ako sa isang hindi pamilyar na pakiramdam. Malambot ang aking hinihigaan. Gising na ang diwa ko ngunit parang ayaw kong imulat ang aking mga mata. Natatakot akong malaman na panaginip lang ang lahat. Naramdaman kong may humaplos sa aking noo. Nagdedeliryo na yata ako dahil kung anu-ano nang naiisip ko. Ninamnam ko na lang ang aking nararanasan. Ang sarap pala na may nag-aalaga sa iyo.

"Sandali! Parang maliit lang ang kamay na humahaplos sa akin. Kasukat lang siguro ng sa akin. At parang hindi ito panaginip," sa isip ko. Agad kong iminulat ang aking mga mata. Bumungad sa akin ang ngiti ng isang bata. Pilit kong sinuklian ang ngiting iyon.

"Mabuti naman at gising ka na!" masayang bati niya.

"Sino ka? Nasaan ako? Nasa langit na ba ako?" balik-tanong ko.

"Ako nga pala si Carlo! Narito ka sa bahay namin. Nakita kasi namin na wala kang malay sa tabi ng simbahan. Ayaw nga sana nina mommy na tulungan ka pero kinulit ko sila. Anong pangalan mo? Ilan taon ka na?" Nakangiti pa rin siya sa akin. Tumulo naman ang aking luha.

"Bakit mo pa 'ko tinulungan? Sana hinayaan mo na lang akong mamatay!" hagulgol ko.

"Huwag mong sabihin 'yan! Masama 'yon! Dapat magpasalamat tayo sa Diyos sa bawat araw na buhay tayo. 'Yon ang sabi ni Father sa misa kanina. Mahal tayo ng Diyos."

"Magpasalamat sa Diyos? Kung totoong may Diyos, bakit binuhay niya ako na laging nakikipaglaban sa kamatayan? Bakit hindi niya ako binigyan ng pamilya? Bakit binigyan niya ako ng buhay na hindi alam kung may kakainin ba ngayon o wala?"

"Hindi ko alam. Ang alam ko lang, nandito ka. Buhay ka, kasi hindi ka pinababayaan ng Diyos," malungkot niyang sabi. Patuloy pa rin ako sa pag-iyak at niyakap niya ako.

Ilang linggo rin nila akong kinupkop. Naging magkaibigan kami ni Carlo. Pero dahil aalis na sila patungong ibang bansa, iniwan nila ako sa isang ampunan. Hindi raw kasi nila ako p'wedeng isama sa Amerika, kung saan na sila maninirahan. Pitong taon siya noon. Ako, pitong taon din siguro. Hindi ko sigurado dahil hindi ko alam kung kailan ako ipinanganak.

Bago kami magkalayo ni Carlo, nangako siya na susulatan niya ako. Nangako pa siya na siya ang mapapangasawa ko paglaki namin.

Nagkalayo nga kami at hindi na muling nagkaroon ng komunikasyon. Hindi natupad ang pangako niyang susulatan niya ako kahit nasa Amerika siya. Makalipas ang ilang taon, inampon ako ng mayamang mag-asawa. Tumutol ako noong una dahil mas lalong lalabo na ang tiyansang magkita kaming muli ni Carlo. Pero wala na akong nagawa.

Sa loob ng labing walong taon, umaasa pa rin akong muli kong makikita ang aking unang kaibigan. O mas angkop yatang sabihing... unang pag-ibig.

Nakaupo ako sa loob ng isang coffee shop habang nakaharap sa aking laptop nang marinig ko ang pangalan niya.

"Sir Carlo!" Napatingin ako sa lalaking lumapit upang kuhanin ang kaniyang order. Tinitigan ko siya nang husto. Kahawig niya ang aking kaibigan pero nag-alinlangan akong tawagin siya. Tuloy-tuloy siyang lumabas matapos makuha ang kaniyang order.

Sandali akong nag-isip bago napagdesisyunang sundan siya. Mabilis kong iniligpit ang aking mga gamit at tumakbo palabas. Sa kasamaang palad ay hindi ko siya inabutan. Nagpalinga-linga ako subali't hindi ko siya natagpuan. Sumakay ako sa aking kotse at sinimulang mag-drive. Nagbabakasakaling makita ko siya. Ngunit nabigo ako.

Pag-ibig ng Isang PulubiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon