Sabi nila, hindi raw patas ang mundo. Sa dami nang pinagdaraanan ng mga tao, hindi ko sila masisisi kung bakit sila nakapagbibitaw ng mga ganitong salita. Siguro nga tama sila; siguro nga hindi talaga patas ang mundo.
Ako si Angelica; isa akong doktor sa Philippine General Hospital. Sa propesyon ko, sanay na akong makakita ng mga taong gumagaling at binabawian ng buhay. Naiintindihan ko na sadyang gano'n ang daloy ng buhay—kung may darating, may mawawala.
Maaliwalas ang araw noon, ika-12 ng Setyembre, 2017; ginagawa ko ang mga palagi kong ginagawa sa ospital nang malakas na nagbukas ang pinto ng Emergency Room. Nagmamadaling ipasok ang isang babaeng nakahiga sa stretcher, punong-puno ng dugo ang binti; nakahawak sa kamay niya ang isang lalaking tuloy tuloy ang pag-agos ng luha.
"Doc, nagmamakaawa po ako! Gawin niyo po ang lahat para maligtas ang baby namin!" Umiiyak na pagmamakaawa ng mister ng pasyente.
Ilan din kaming doctor na tumingin sa pasyente pero sadyang wala na ang bata. Tandang tanda ko ang itsura ng mag-asawa nang sabihin at ipaliwanag namin sa kanila ang nangyari sa bata; tila hindi maubos ang mga luhang nanggagaling sa mga mata nila. Sanay na ako pero kumikirot pa rin ang puso ko sa t'wing may ganitong sitwasyon.
Noong araw ring 'yon, may lumapit sa aming magnobyo, magpapakunsulta raw sila dahil ilang araw na raw hindi maganda ang pakiramdam ng dalaga; ilang beses na raw itong nahihilo at nagsusuka. Kung titignan, mukha namang walang sakit ang dalaga kaya tinanong ko siya.
"Iha, kalian ka huling dinatnan?"
Natigilan siya, hindi nakaimik, tila pinag-iisipang mabuti ang sagot sa tanong ko.
"Dalawang buwan na po ang nakalilipas, Doc," nag-aalangan niyang sagot sa tanong ko. Tumango ako at kumuha ng dalawang pregnancy test kit sabay iniabot sa kanya. Ayaw niya pang tanggapin noong una pero nakumbinsi ko siyang subukan.
Halata sa mukha ng magnobyo ang kaba habang hinihintay ang magiging resulta ng test. Noong sinabi ko sa kanila ang resulta, pareho silang hindi makapaniwala.
"Hindi, hindi puwede 'to! Sigurado ho ba kayo, Doc?" Tumango ako bilang sagot sa tanong nila. Doon, unti-unting namuo ang luha sa mga mata ng dalaga at walang tigil na sa pag-iyak.
Noong araw na 'yon, nakita ko ang pag-agos ng mga luha para sa batang ipinagkait sa mag-asawa at para sa batang hindi inaasahan ng magnobyo. Noong araw na 'yon, may umalis pero may dumating. Sabi nila, hindi raw patas ang mundo, pero noong araw na 'yon naisip ko na mali sila. Patas ang mundo dahil hindi ito patas sa lahat.
-Fin-
~
Author's Note:
Hello! This was a requirement for one of my subjects hehe. I decided to post it here sa Wattpad kahit na maiksi lang siya. Still, I hope you enjoyed Angelica's story hehe. Thank you so much for reading! :)
♡,
Den