nneyaaaa's Note: inspired by eaJ's 50 Proof.
—
"Itigil na natin 'to," malamig na sambit ni Jae.
Mabilis na tumulo ang luha ko bago ako makapagsalita. "A-ano?" nanginginig kong tanong. Masakit pakinggan ang bahid ng pagkabasag sa boses ko.
"Sabi ko, maghiwalay na tayo. Pagod na 'ko. Pagod na ako. Parang hindi ko na maramdaman ang sarili ko. Hindi ko na kilala ang sarili ko, Diane," paliwanag niya, tila nagmamakaawa sa'kin. Parang... gusto na niyang kumawala sa sitwasyong 'to.
Biglang namanhid ang puso ko. Kasabay ng paglipas ng init sa mga kapeng nasa harapan namin.
Kailan pa kami humantong sa ganito? I didn't even see this coming.
Or did I? And just ignored those signs na malapit na siyang bumitaw?
Hindi ko na alam.
"Hi-hindi na ba natin pwedeng ayusin 'to? Nang magkasama? Kasi, 'di ba sabi mo rati, kaya natin basta magkasama tayo? Sabi mo ako 'yung lakas mo sa tuwing parang nanghihina ka na. 'Di ba? 'Di ba?"
"Diane," halos napapagod niyang tawag sa pangalan ko.
Kailan niya pa ako tinawag nang ganito? Mas sanay ako sa bawat pagtawag niya sa pangalan ko na para bang ito ang pinakapaborito niyang sambitin.
Dati masarap marinig ang pangalan ko mula sa malambing niyang boses. Bakit ngayon parang unti-unti nang pinupunit ang puso ko sa paraan ng pagtawag niya sa pangalan ko?
Mataman kong tiningnan ang mga mata niya. Wala na 'yung dating kinang na mas sanay akong makita.
Parang wala nang buhay ang mga mata niya.
"Okay," nanghihina akong napatungo. "Okay, kung 'yon talaga ang gusto mo."
Agad akong tumayo at dali-daling naglakad palabas ng coffee shop. Nag-uunahan naman sa pagtulo ang mga luha sa mga mata ko.
Dalawang taon na ang nakalilipas simula nang mangyari 'yon. Biglang nagmulto ang mga alaalang 'yon na pilit kong ibinaon sa limot sa nakalipas na taon. Nadaanan ko kasi ulit 'yung coffee shop na 'yon nang puntahan ko 'yung kaibigan kong si Eric kanina.
Kamusta na kaya siya? Nahanap na kaya niya ang sarili niya?
Nakaka-miss din pala si Jae. Limang taon ko rin kasi siyang nakasama.
Madalas pa rin kaya siya sa Melos? 'Pag pumupunta pa naman siya ro'n, hindi siya aalis hangga't kaya niya pa uminom. Kaya lagi ko siyang sinusundo ro'n para iuwi. Kinabukasan no'n, maghahanda ako ng hangover soup niya para may madatnan siyang pagkain pagkagising niya. Dadaing pa muna 'yon ng sakit ng ulo niya saka hihigop ng sabaw. Mapapangiti rin naman siya agad sa'kin sabay yakap nang mahigpit. Tapos ibubulong lang niya sa'kin, "thank you, Diane. Mahal kita," at matutunaw naman agad ang puso ko.
Bakit kaya hindi ko siya natanong kung bakit siya madalas nagagawi sa Melos para lang magpakalasing?
Minsan, madadatnan ko siyang matutulala sa kawalan habang nakasandal kami sa headboard ng kama niya. Ni hindi niya namamalayang may tumutulo nang luha mula sa mga mata niya. Magugulat na lang siyang nakasapo na ang mga kamay ko sa pisngi niya habang pinapahid ko ang bakas ng luha sa pisngi niya. Tatanungin ko siya lagi kung anong problema at lagi niyang sinasagot, " 'di ko rin alam eh," sabay magpipilit ng ngiti sa'kin. Ihihilig na lang niya ang ulo ko sa dibdib niya habang marahang hinahaplos ang buhok ko.
Bakit kaya hindi ko siya mas kinulit pa kung anong problema niya?
Sumusumpong pa rin kaya ang insomnia niya? Madalas kasi 'pag naaalimpungatan ako 'pag nakikitulog ako sa bahay niya, nakikita ko siyang nakamulat pa rin sa tabi ko. Parang maraming iniisip. Parang maraming bumabagabag sa isip niya.
Bakit kaya hindi ko siya pinilit magpatingin sa doktor tungkol sa insomnia niya?
Pinapanood pa rin kaya niya ang paglubog ng araw? Minsan na rin kasi niyang nabanggit sa'kin na there's some warmth and comfort that only sunsets can give him whenever he watches it.
Sana mas madalas ko siyang nasasamahang manood ng paborito niyang sunsets. Baka sakaling mas maramdaman niyang katulad ng sunsets, he can also feel warmth and comfort through my presence.
Gabi-gabi, simula noong maghiwalay kami, lagi akong napapatanong nang ganito: Anong nangyari? Saang parte ng lahat ng pinagsamahan namin nagkaroon ng problema?
Gabi-gabi, ibinubulong ko 'yon sa malamlam na liwanag ng buwan. Baka sakaling kaya nitong tumanggap ng mga tanong kong sumusugat sa'kin.
Sa tagal kong nagtatanong sa sarili ko, ngayon ko lang din napagtantong marami rin pala akong pagkukulang. Marami akong hindi nagawa para sa kanya. Mas madalas na sa'kin lang umiikot ang mundo niya. Laging mas lamang ang mga tanong niya sa'kin: Kamusta ka? May nangyari bang maganda sa araw mo ngayon? Anong gusto mo? Saan mo gustong kumain? Basta kung saan ka masaya, doon na rin ako.
Ni hindi ko pala laging naibabalik sa kanya ang mga tanong niyang 'yon. Kaya siguro madalas pa rin ako mabagabag ng mga tanong tungkol sa kanya.
Okay lang kaya siya? Nakakauwi kaya siya nang mag-isa mula sa magdamag na pag-inom? Nakakahigop pa rin kaya siya ng mainit na sabaw paggising niya mula sa hangover?
Sana.
Nagigising pa rin kaya siyang may mga luha sa mga mata niya sa gitna ng pagtulog?
Sana hindi na.
Sino na kayang nagpapahid ng mga iyon paalis sa mga mata niya? Sino kayang nagbubuhos ng pagmamahal sa kanya ngayon?
Sana meron.
—끝—