"Tingnan mo ang ayos mo! Hindi mo ba nakikita ang sarili mo sa salamin? Para kang isang sanggano sa kanto!" ang disappointed na mga pahayag ng kilalang magaling na Lawyer na si Mr. Lim sa kanyang nag-iisang anak na si Linus."Pinakulayan ang buhok mo! Nilagyan ng hikaw ang magkabilang tainga mo! At ano iyang mga punyetang tattoo na nakaburda sa braso mo?! Hanggang kailan mo ako bibigyan ng sakit sa ulo!" maanghang na mga salita ang karugtong na nasambit ng isang Ama sa kanyang binatang anak.
Hindi makatingin ng derecho si Linus sa nanggagalaiting Ama na hawak ang manibela sa kanyang tabi, habang binabagtas nila ang daan patungong paaralan ni Linus.
"Hindi ko lubos maiisip na kung bakit pinapayagan ng pamunuan ng eskuwelahan ang ganyang istilo ng kanilang mga estudyante?! Art for art's sake?! Kalokohan! Simula ngayong araw na ito, ililipat na kita sa ibang Unibersidad! I will send you to the best school na nababagay sa iyo! Fine Arts, Fine Arts... hindi ka aasenso sa course na iyan!" dugtong pa ni Mr. Lim
Ilang saglit pa'y tinahak ng mag-ama ang mahabang corridor patungong Fine Arts Department, at idudulog ng magaling na Lawyer ang kanyang pakay na i-pull out ang kanyang anak na si Linus sa nasabing Unibersidad.
Sila'y natigilan. Tumambad sa kanila ang maraming tao na nakatingin sa kanilang direksyon.
Sinalubong sila ng mainit na palakpakan at pumaimbulong ang pagtawag sa pangalan ni Linus bilang pagbubunyi.
Nagbububunyi sa isang mataas na karangalan na ipinamalas ni Linus Lim sa larangan ng Painting.
Ang kanyang Obra Maestrang Oil Painting ang napili ng mga kilalang personalidad na nagsilbing hurado sa iba't ibang bansa.
Obra Maestrang nanguna, at kinikilala ngayon sa mundo ng Likha at Sining.
"Congratulations, Atty. Lim! Napakahusay ng anak mong si Linus. Isa siyang henyo sa larangan ng sining at ikinakagalak namin ang mainit mong pagsuporta upang tanggapin niya ang gintong medalya na igagawad sa kanya, " maaliwalas na pagbati ni Mr. De leon, ang Presidente ng Unibersidad.
Paaralang humubog sa anking talino ni Linus.
Unibersidad na tumutuklas ng mga natatanging galing, at talento ng mga makabagong kabataan--katulad ni Linus Lim.
Walang ano mang salita ang lumabas sa nakabukas na bibig ng Lawyer na parang binuhusan ng malamig na tubig at napatda sa kanyang kinatatayuan.
"Pa, are you okay? Hindi ako sasampa sa entablado upang tanggapin ang gintong medalya na hindi kita kasama!" Pag-aalala ni Linus.
"I'm very sorry, Anak... nagkamali ako! Mahal na mahal ka ni Papa," madamdaming tugon ni Mr. Lim.
Buong higpit niyang ikinulong sa kanyang mga bisig ang anak, at inakbayan na tinungo ang entablado.
Konsepto at Disenyo ng Pabalat:
OneH4-Ram ✍️(Photo Editor)
Copyright © 2020 by OneH4-Ram
BINABASA MO ANG
ORASA AT PLUMA
Short StoryORASA AT PLUMA (Hourglass & Pen) Mga Maikling Kuwento at Dagli na hinayaang dumaloy sa isang malinis na papel, gamit ang tinta sa pluma. Sa loob lamang ng ilang saglit ay mag-iiwan ng bakas sa iyong puso, at maghahatid ng ngiti sa iyong mga labi...