Iyon Na Pala Ang Huli"Isa, dalawa, tatlo!" Sabay kaming tumingin at ngumiti sa camera habang may kanya-kanyang postura at ayos.
Pagkatapos ay nagpasalamat kami sa kumuha ng aming litrato at nag-unahan na suriin ang aming mga mukha. Napagdesisyunan naming kumuha ng litrato magbabarkada para sa panibagong alaala, gusto naming kami lamang at kumpleto.
Habang nakatingin sa cellphone ay natawa ako sa sarili, ni isang beses ay hindi kami nakumpleto sa isang larawan, kahit ngayon nga ay kulang kami ng isa.
Bahala na, ang importante ay kaming magkakaibiga'y magkakasama, may araw ring magkakaroon kami ng larawang kumpleto at sama-sama.
Maya-maya'y napatigil kami nang biglang mag-anunsyo ang aming guro na lahat ng estudyante ay magtipon-tipon dahil may importanteng balitang ipapahayag ang aming punong-guro. Nakapagtataka, bihira lamang magkaroon ng ganitong pangyayari.
Nagkaroon ba ng problema?
Isa ba itong emergency?
Madalang lamang kami ipinagtitipon. Napakaraming tanong ang agad pumasok sa aming mga isipan.
Bagaman naguguluhan, sabay-sabay kaming lahat pumaroon sa lugar kung saan kami pinapupunta.
Hindi namin alam na sa pagkakataong iyon ay biglang matatapos ang lahat.
~~~
Binuksan ko ang aking mga mata at gumising sa pag-iisip ng mga alaalang iyon. Mapait akong napangiti. Tumingin sa kalangitan at muling binalikan ang araw na kung kailan ay may mga alaalang iyon, mga alaala ng huling sandali ng aming kasiyahan. Kakaibang kasiyahan na sa paaralan lamang mararanasan.
Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Ngayon ang ika-pitumpu't limang araw ng covid-19 quarantine, ika-pitumpu't limang araw mula nang sinabi ng aming punong-guro na ititigil muna ang aming klase dahil unti-unti nang tumataas ang kaso ng bagong pandemya na umabot na dito sa bansa at kinailangan protektahan ang bawat isa.
Hindi man iyon lingid sa aming kaalaman ay hindi namin inaasahang sa noong araw na ititigil ang pagpasok sa paaralan.
Parang kailan lamang ay masaya kaming kumukuha ng litrato ng aking mga kaibigan sa isa't-isa, nagtatawanan, kwentuhan, at kulitan.
Nang marinig namin ang anunsyong iyon noon kaming lahat ay agad nabahala. "Huwag kayong mag-alala, hindi naman siguro ito magtatagal at babalik din ang lahat sa dati." Sinabi iyon ng isa sa aming mga kaklase.
Hindi ko mapigilang mag-alala, napakarami at nakatambak pa ang aming mga gawain, magkakaroon pa kami ng eksaminasyon sa susunod na linggo.
Paano na ang aming mga grado? Saan nila ito kukunin at babasehan kung hindi kami makapagpapasa ng mga gawain? Wala pa ngang farewell party na nagaganap.
Ngunit hindi lang rin iyon ang inaalala ko. Napalingon ako sa mga graduating students. Inisip ko kung ano ang nasa mga isipan nila sa oras na ito, kung ano ang kanilang nararamdaman.
Hindi pa sila nakakapagtapos at kamakailan lamang nang sila'y nagsimula sa pag-eensayo. Kung gayon ay hindi sila makakamartsa sa entablado at yumuko sa harap ng madla na nagpapakita ng kanilang diploma.
Ang diploma na siyang patunay na naisakatuparan, nagawa, at pumasa sila mula sa ilang taon ng paghihirap. Iyon ay ang simbolo ng kanilang pagsisikap, na umabot sila at nalampasan ang lahat ng paghihirap na kanilang dinaanan. Napakalaking karangalan na ang makapagtapos ng pag-aaral.
Ang batch na ito, nakakapanghinayang na hindi nila mararanasan ang ganoong seremonya.
Itago man nila ay hindi nila maitatangging sila ay nalulungkot, hindi naman nila kailangan magdusa nang ganoon, napakabigat sa pakiramdam.
Sa pagtatapos ng araw na iyon ay wala kaming mapagpipilian, kundi ang umuwi nang maaga, puno ng pagtataka at iniisip kung kailan ang walang kasiguraduhang pagbalik sa paaralan. Umaasang magbago ang kapalaran.
Ngayong kasalukuyan ay nais ko sanang tanungin iyong kaklase namin kung bakit ganito ang nangyari bagaman alam ko ang dahilan.
Bakit hindi naging maayos ang lahat?
Bakit lumala pa ito?
Bakit maraming nawawala?
Bakit hindi na maaaring bumalik at magkita?
Punong-puno ng katanungan ang aking isipan. Nakapanlulumo ang kalunos-lunos na dinaranas ng taon, ng mga bansa, at ng mundong ito.
Napapikit ako at dinamdam ang sariwang simoy ng hangin, sinasamantala ang kapayapaan. Kung alam ko lang na ganoon ang mangyayari ay sana nilubos ko na ang maliligayang oras at sandali dahil hindi natin alam kung ano ang ating kapalaran, hindi mo malalaman kung anong mayroon ka hanggang sa mawala ito.
Maraming bagay na hindi mo inaasahan, pahalagahan mo ang bawat oras, minuto, segundo, at araw na mayroon ka dahil minsan ay hindi mo malalaman na iyon na pala ang huli.
°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°°
A/N: Hello reader! I hope you like it and may you learn something from it :)) Kung may gusto ka isuggest, just comment or message me! Thank you for reading! xoxo
BINABASA MO ANG
LATHALAIN : ONE SHOT STORIES AND FEATURES
PoesiaLathalain by Mademoiselle Jang Ito ay naglalaman ng mga short stories, mga ideya, mapa-English man o Filipino, you can also suggest stories that I can write, just follow and message me. I will write as I can. I hope you support me too! Hugs! (>^-^)>