Chapter 1

33 0 0
                                    

Copyright 2020 Noel Pascual    noel.pascual[at]gmail[dot]com



Nagising akong nakahiga sa sementong sahig. Halos wala akong maaninag at hindi ko rin maalala kung nasaan ako. Batay sa kakaunting ilaw sa paligid, alam kong wala ako sa aking kwarto. Hindi ito ang aking condo sa Quezon City.

Ngunit naramdaman kong parang pamilyar sa akin ang lugar. Kahit anong pilit kong maalala kung ba't ako narito --saan man ito—at kung ano'ng nangyari upang magising akong nakahiga sa sahig, walang bumabalik na alaala sa isip ko. Isa pa, wala akong maibigay na dahilan kung bakit wala akong kahit na anong suot na damit.

Kinapa ko ang aking katawan para siguraduhin ito at tama nga ang aking hinala. Hubad nga ako. Medyo mabagal bago ko ito nasigurado dahil halos manhid na manhid ang pareho kong kamay. Ngunit pagkaraan nang marahil labinlimang segundong pagkapa ay nasabi kong wala nga akong kahit anong saplot sa katawan.

May ilang bagay akong naisip na maaaring rason kung ba't wala akong damit—lahat 'di mabuti ngunit 'di ko masabi kung alin dito ang tama. Hindi naman ako nahihilo o nasusuka kaya't wala naman ako sigurong nainom na gamot na pampatulog. Siguro. Walang masakit sa aking katawan, hindi naman yata ako nabagok. Kinapa ko ang aking noo at bumbunan kung may sugat o bukol ako sa ulo at wala namang nahanap.

Kung sana may bumalik lang sa aking alaala ay maaaring matagpi ko na ang mga pangyayari. Ano nga ba ang huli kong naaalala? Nagda-drive ako papuntang... probinsiya. Para... para saan? May kung anong importanteng dahilan kung bakit ako nagpunta dito. Mahaba-haba rin ang biyahe at nagpunta ako sa... isang bahay. Kaninong bahay? May mali dito. May mga butas sa aking memorya na ayaw pang mapuno kahit anong isip ko.

Unti-unti akong umupo. Kung mabagal ang aking pag-iisip at memorya ay mas mabagal lalo ang paggalaw ng aking katawan. Habang ako'y pabangon upang umupo, pakiramdam ko ay babagsak ako kahit anong sandali. Halos wala akong pakiramdam sa aking mga braso at binti. Sinubukan kong iwagayway nang bahagya ang aking kanang kamay. Kung hindi ko bahagyang naaaninag ang kamay ko sa ilaw ay hindi ko siguro masasabing gumagalaw ito. Gayunpaman, kumpara sa kanina ay mas may pakiramdam na sa mga ito.

Ako'y nasa isang maliit at pahabang kwarto. Nasanay na rin ang aking mga mata sa dilim at nakita kong may kaunting ilaw na nanggagaling sa dalawang bintana. May isang lamesa malapit sa akin. Sa likod ko naman ay isang pader. Mayroon ring isang lababo malapit sa akin. Nasa isang kusina ako.

Kinabahan ako nang nakarinig ako ng isang kaluskos galing sa di kalayuan. Naulit pa ito at nasundan ng isang mabagal na ungol. May kung anong panganib dito, naisip ko.

Sa puntong ito, mga limang minuto na siguro magmula nang ako ay magising. Sinubukan kong tumayo at bagamat mabagal pa rin ang aking paggalaw, nagawa ko ito. Pinakiramdaman ko ang sarili ko kung may posibilidad na ako'y mabuwal. Mukhang wala naman. Siguro ay bumabalik na ang lakas sa aking katawan.

Patuloy pa rin ang pag-ungol. Dapat ba akong magtago o dapat akong lumapit sa pinanggagalingan nito? Mula sa kung nasaan ako nakatayo, hindi ko pa rin makita kung sino pa ang kasama ko rito. Wala ring kahit anong mapupulot sa paligid ko na pwedeng gamiting sandata. Kahit na alam kong nasa isang kusina ako, walang kutsilyo o kawali dito. Isa pa, sa panghihinang nararamdaman ko, duda akong may magagawa ako upang protektahan ang sarili ko. Marahil ay kung sino man ang nandito ay ang may dahilan sa pagkawalan ko ng malay kanina.

"Tulong." Mahinang sabi ng kung sinoman ang may gawa ng pag-ungol kanina.

Natagpuan ko ang sarili kong naglalakad na lang sa kadiliman patungo sa boses. Sa paglapit ko dito ay napansin kong bahagyang mas may liwanag na sa lugar na ito dala na rin ng mga iilang bintana. Kakabit lang rin ng kusina itong isang sala na ito, batay sa mga kagamitan. Pero hindi ko na rin napansin nang maayos ang lugar dahil sa puntong iyon ay nakita ko na ang dalawang katawang nasa sahig.

PirasoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon