Chapter 3

1 0 0
                                    

Iniwanan ko si Joshua sa gate ng hospital. Pasado 5 am pa lang kaya't walang malapit sa gate. Sana nga ay walang CCTV sa lugar upang hindi makuhanan ng video ang sasakyan. Ako naman'y nagtakip sa aking mukha ng panyo. Basa na rin sa dugo galing sa pantalon ni Joshua pero sa puntong ito'y wala na rin akong pakialam. Kung tatanungin siya ng mga awtoridad, napag-usapan namin na sasabihin na lamang niyang isang carnap ang nangyari. Sinaksak siya ng dalawang salarin habang nagaganap ang kanilang pagtatalo ngunit ang mga ito na rin mismo ang nagdala sa kanya sa ospital.

Iyon na ang pinakaligtas na planong naisip namin. Kung hihingan siya ng dagdag na detalye, kagaya ng kung bakit siya nasa Batangas gayung wala naman siyang bahay rito, magkukunwari na lang siyang hindi pa siya nasa tamang pag-iisip para sumagot ng mga tanong. Maaaring magdulot ito ng duda sa kung sino man ang mag-iimbestiga sa kaso niya pero hindi pwedeng banggitin ang tungkol sa beachhouse ni Simon sa puntong ito. At least hindi ngayon bago ko pa maalis ang lahat ng ebidensya na may nangyaring kaguluhan sa bahay. Pagkaraan ng at least 3 days, maaari na niyang sabihin ang tungkol sa pagbisita niya sa beachhouse.

Sapat na siguro itong panahon para magawa kong linisin ang buong bahay at tanggalin lahat ng bakas ng dugo dito kung sakali mang may magpuntang detectives dito upang mag-imbestiga. Wala naman sigurong dahilan para gumamit ng UV light sa loob ng bahay pero titingin na rin ako sa Internet ng paraan para mabawasan ang paglabas ng dugo sa UV light. Gumawa ako ng mental note na gumamit ng VPN sa pag-search tungkol sa bagay na ito. Okay.

Para sa katawan ng lalake, dalawa ang posibilidad. Humanap ako ng paraan para ilibing siya o ibaon ang kanyang bangkay sa dagat. Sa puntong ito, mas ligtas siguro ang pagtapon sa kanya sa dagat. Teka, teka, kailangan ko ba siyang hatiin sa maraming piraso para hindi siya ma-identify? Bago iyon, kailangan ko munang alamin ang lahat ng pwede kong malaman tungkol sa kanya.

Alam ko na ang pangalan niya dahil sa wallet na nasa kanyang pantalon. Ayon sa kanyang TIN Card, siya ay si Luis Torres. 54 taong gulang. Isa siyang arkitekto sa isang firm dito sa Batangas. Walang kahit na anong detalye sa wallet na magsasabi sa akin kung bakit siya nagpunta sa beachhouse at bakit niya kami inatake. Umaasa ako na may maitutulong ang video na pinanood ni Joshua upang maliwanagan ako kung bakit nangyayari ang mga ito.

Isa akong clone. Clone. Hindi na bago sa akin ang ideya dahil isa na rin naman itong lumang konsepto na sa science fiction.

Ayon sa kaunting nakuha ko kay Joshua, nanood siya ng video, mayroon itong instructions at malamang isa na rito ay ang nagturo kay Joshua kung paano gumawa ng clone. Pagkatapos, ginawa niya ako sa pamamagitan ng isang prosesong hindi ko pa maalala. Ang memorya ko na memorya rin ni Joshua ay unti-unti nang bumabalik pero walang detalye magmula sa puntong nanood na siya ng video at bago ako magising sa sahig.

Sa longterm memory ay halos kumpleto naman ang aking alaala. Mula sa aking pagkabata: mga panahong bago ako pumasok sa elementarya, paglaki sa Pilipinas kasama ang aking mga magulang, pagpasok sa eskwela, pagkapanganak ng kapatid kong i Denis noong ako'y sampung taong gulang, high school, kolehiyo, ang tatlong taon ng dilim. Kumpleto naman, sa aking pakiramdam. Kung ano ang mga ala-alang mayroon ako kahapon ay 'yun rin ang mga bagay na naaalala ko ngayon.

Ngunit alam ko rin na malamang ang kaya ko lang alalahanin ay ang mga bagay na kasalukuyang may memorya ako. Hindi ko masasabi kung alin sa mga bagay na iyon ang totoo kaya't kailangang-kailangan ko na bumuti ang kalagayan ni Joshua—Joshua Prime?— ng unang Joshua upang at least masigurado ko ang totoo.

Pero paano ko masasabi kung totoo ang mga sasabihin niya sa akin? Isa ba akong indibidwal sa kanyang paningin o isa lamang clone? O instrumento. O simpleng manipestasyon lang ng kanyang kapangyarihan. Shit. Alam ko ba kung gaano ako katagal mananatiling buhay? Posible kayang bigla na lang akong maglaho dito. Kung mapasobrahan ang layo ko mula kay Joshua Prime, mawawala ba ako? O kung mamatay siya, gaano katagal ang itatagal ng aking buhay? Ang daming katanungan. Ang daming posibilidad.

PirasoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon