Habang bumubuhos ang napakalakas na ulan
At habang binabaha ng tubig ang aking daanan
Pinili kong manatili sa bubong ng aming tahanan
At magdamag na nananahan
Naghihintay sa pagtila ng tubig mula sa kalangitan
Kinuha ko’y itong de kuryenteng sulatan
At nagsimulang sumulat ng isang tula
Estorya ng mga taong nagkakilala-kila
Sa ating napakalawak na mundo
Matapos ng ilang pagtipa
Pinagmasdan ko masasayang ala-ala
Ng mga nakasama sa pagtahak nyaring daan
Mga masasayang sandali
Na pinapakita ng bawat isang larawan
Ng puso ko’y kudlitin ng isang damdamin
Ipinasya kong pagsama-samahin
Yaring mga ebidensiya ng ating pagdadamayan
At nilapatang isang awit na sa aking palagay
Ay kulang pa upang ipabatid aking pasasalamat
Sa mga panahong iyong inuukol sa isang tulad ko
Isang pagkakaibigang hindi sumusukat sa haba o ikli ng taon
Hindi lamang binubuo dahil sa kagalakan
Kundi bagkus lalong tumitibay dahil sa bagyong pinagdaanan
Aking itinuturing bawat minutong kayo’y kasalamuha ko
Isang regalong hindi matatawaran at
Hindi matutumbasan ng kahit anong yaman.
Ang inyong ibinahiging ala-ala ay hindi lamang ginto
Kung hindi diyamanteng sa aking puso at gunita.