Pananaw ni Cheonghye
“Thaili.”
“Thaili.”
“Thaili!” Paulit-ulit na ang pagtawag ni Kala kay Thaili ngunit kahit na sumigaw na siya ay mukhang wala pa rin itong naririnig.
Kinalabit ni Edward si Thaili at biglang kinausap. “Kanina ka pa tinatawag ni Ginang Kala.”
Mukhang bumalik naman na siya sa kaniyang sarili dahil nag-angat sa siya ng ulo. Parati na lamang siyang nakayuko at minsan naman ay nakadukdok na lamang.
“Pasensiya na,” paghingi niya ng paumanhin kay Kala.
“Pasensiya na ‘po’. Pangatlong araw ko nang itinuturo. Para saan pa ang paksa nating mabuting kaugalian at tamang paggawi kung hindi rin naman isasagawa?” Ramdam ko ang diin sa pagsasalita ni Kala nang sabihin niya ang salitang po.
Apat na araw na ang nakalilipas nang malaman niya na sumakabilang buhay na ang kaniyang ina. Nalaman lamang namin noong nagkaharap sila ni Rajah Maliksi bago bumalik ang aming mga kaanak sa aming mga pinanggalingan.
Kung dati ay hindi namin madalas nakakasama si Thaili, ngayon ay lubusan na namin siyang hindi nakakausap. Matapos lamang ang araw-araw na klase ay dumidiretso na siya pauwi.
“Pasensiya pong muli, Ginang Kala. Hindi na po mauulit,” sagot ni Thaili.
Matapos sabihin iyon ni Thaili ay nagpatuloy na lamang muli si Kala sa pagtuturo. Sa totoo lamang ay hindi ko inaasahan na napakagalang pala ng lugar na ito. Ang nakatatak kasi sa aking isipan ay sila ay malalakas lamang tulad ni Rajah Maliksi. Bukod kasi sa kaniya, noon ay wala na akong kilala pang naninirahan dito.
Hindi ko inasahan na puno rin sila ng iba't ibang kagawian na hindi naman ginagawa sa aming lugar.
“Maria, ikaw ay tumayo,” utos ni Kala.
Nilingon ko naman si Maria at nakita ko na siyang nakatayo. Nakayuko lamang siya kaya hindi masilayan ang kaniyang mukha.
“Ano ang nararapat na itawag mo kay Mamandil at Isidra?” pagtatanong ni Kala.
“Tiyo at Tiya po,” pagsagot ni Maria.
Matapos siyang makasagot ay sinenyasan siya ni Kala na maupo. Lumibot naman sa paligid ang paningin ni Kala na mukhang naghahanap ng matatawag. Ibinaba ko ang aking paningin upang maiwasang matawag.
“Cheonghye, ikaw ay tumayo.”
Itinutok ko na lamang sana sa kaniya ang aking paningin dahil ako lamang din pala ang kaniyang tatawagin. Tumayo na lamang ako at hindi na nagreklamo pa.
“Ano ang nararapat mong itawag kay Gyeonghui at Yijong?” tanong niya.
Napatingin ako sa kaniyang hawak. Iyon siguro ang ipinasulat niya sa amin noong isang araw kung saan naglalaman iyon ng pangalan ng aming mga kaanak. Dito niya pala gagamitin.
“Lola at Lolo po.”
Pagkasagot ko ay naupo na rin ako at saka ako napahinga ng malalim.
Sunod namang tinawag ni Kala si Edward. Hindi pa siya nakasasagot ngunit batid kong maybahay niya ang pangalang binanggit ni Kala.
Napahawak ako sa aking ulo. Narito na naman ang masakit na pakiramdam. Napadukdok na lamang ako sa mesa dahil hindi ko na kayang tiisin ang sakit. Bakit naman ngayon pa?
BINABASA MO ANG
Paaralan ng mga Maharlika (ONGOING)
Historical FictionAng tagpo ng istoryang ito ay noong 1300's kung saan iba't ibang kaharian, sultanato, at tribo ang bumubuo sa Pilipinas. Tinaguriang 'global superpower' ang Pilipinas noon dahil sa napakasaganang likas na yaman at sa lawak ng pakikipag-kalakalan nit...