“Ibulong mo bilog na buwan anak. Walang kahilingang hindi matutupad kung dito nanggagaling ang bawat kahilingan.” Mabining wika sa akin ng aking ina sabay turo sa aking dibdib. Sa kanyang kandungan, ako’y humimlay habang hinahaplos ng kaliwa niyang kamay ang aking buhok.
Pinunasan ko ang nangingilid kong luha at iniangat ang aking ulo at umupo ng tuwid. Unti unti kong nasilayan ang mapupungay niyang mga mata at mainit na mga ngiti na sapat na upang pakalmahin ang karera sa aking dibdib.
“Ngunit ina, paano kung----”
“Shhhhh tiwala. Kailangan mong magtiwala na sa isang daan at isang pagkakataon ay may isang maiiba. Na mayroong isang pagkakataon na ang buong kalawakan ay makikiisa para mangyari ang mga nais ng puso mong matagal nang uhaw at nangungulila.” Saad ng aking ina habang marahan niyang hinahaplos ang aking mga kamay.
“Ina, kung totoo ang iyong sinabi ay nais kong malaman mo na sa isang daan at isang pagkakataon na iyon, ay pipiliin kitang maging aking ina ng isang daan at dalawang beses. Ma---”
*thud
Nabitin sa ere ang aking boses nang isang malakas na pagbagsak ang aming narinig. Dali dali akong tumayo at tinahak ang pinanggalingan ng tunog. Sa aking paghakbang ay batid ko ang pagsunod ng aking ina sa aking likuran. Walang pakundangan kong binuksan ang pinto at unang nakita ang kulay tsokolateng mga mata ng isang lalaki.
”Ama, hindi ko mawari kung anumang nangyayari? Bakit niyo siya binugbog? At para saan ang baril?” nahintatakutang tanong ko sa aking ama. Kitang kita ko ang talim sa kanyang mga mata, nagngangalit na mga ngipin at matigas na paghawak ng mahabang baril na palagi niyang ginagamit sa pangangaso.
”ITO! Itong lalakeng ito ang pumatay sa iyong kabiyak. SIYA ANG DAHILAN KUNG BAKIT TAYO NGAYON NAGHIHIRAP!”
Mas lalong humigpit ang kanyang paghawak ng baril na nakatutok sa lalaki. Sa aking pwesto ay nakita ko ang palihim na paghugot ng baril ng lalaki sa kung saan. Hanggang sa dalawang tunog ng baril ang bumingi sa akin.
*bang
*bang
Nakita ko ang dali-daling pagtakbo at pagtangis ng aking ina patungo sa akin. Inalo niya ako at inilagay ang aking ulo sa kanyang kandungan.
”Anak, h-uwag na huwag kang pi-pikit. H-uwag mo akong i-iwan. Ma-hal na mahal ka rin ni ma-ma.” kita ko ang pinaghalong takot at sakit sa kanyang mga mata na dati’y puno ng pag-asa at saya.
Pinilit kong abutin at punasan ang mga luha na walang tigil ang pagdaloy mula sa kanyang mga mata saka marahang ngumiti sakanya.
”Ina, kung totoo nga na isa sa isang daan at isang pagkakataon ay maisasakatuparan ang ninanais ko, hinihiling ko sa gitna ng mapanglaw na gabi at sa lilim ng maliwanag na buwan na makamit ko—
ang isang wagas na pag-ibig na kailanma’y hindi magwawakas.”
Sa huling pagkakataon sinilip ko ang kalangitan mula sa bintana. Walang mga butuin ngunit namamayani ang liwanag ng buwan. Buong buo itong nagliliwanag ngunit sa pagdaan ng oras, unti-unting napupundi ang taglay nitong ilaw.
Tuluyan nang namanhid ang aking katawan, hanggang sa ginupo na ng kalawakan ang aking kamalayan.
BINABASA MO ANG
Isang daan at Isang Pagkakataon
RomancePangakong naiwan bago ang kamatayan Ng dalawang pusong masidhing nagmamahalan Ibubulong ang kahilingan sa kalangitan Umaasang mananaig ang ilaw ng buwan sa gitna ng karimlan