“Toyang!” sigaw ng kapatid niya mula sa salas ng bahay nila. “Ano nanaman tong ginawa mo? Bakit pinapatawag nanaman ako sa Principal’s Office niyo?” sunod-sunod na tanong nito.
“Wala lang yan, Kuya. Napaaway lang ng kaunti.” sagot niya naman habang nilalapag sa sahig ang bag.
“Anong napaaway ng kaunti? Eh nginugngod mo daw sa spaghetti si Sophia eh.” sabi ng Kuya niya habang napapakamot sa ulo si Toyang. “Di kita pinalaking basagulera ha? Hindi porket wala na si Nanay eh ganyan ka na umasta.” panenermon pa niya.
Nag-iwas siya ng tingin sa kapatid at naupo sa sofa habang nakatungo. Hindi siya kumibo at nanatiling nakayuko.
“Toyang, wala ka bang sasabihin? Pangatlong away mo na to ngayong buwan. Di ka ba napapagod humarap sa principal? Paulit-ulit nalang--”
“Tinawag nyang pokpok si Nanay.”pagputol nya.“Alam mo namang di ako pumapalag kahit anong masasakit na salita ang ibato nila sa akin,kuya. Pero ibang usapan na kapag dinamay na nila si Nanay.” pabulong niyang sabi.
“Nananahimik na si Nanay eh. Babastusin nila tapos wala akong karapatang ipagtanggol siya? Di ba parang di naman ata patas yun?” pagpapatuloy pa niya. Nilingon niya ang kapatid na natahimik na lamang sa mga sinabi niya.
Tumayo siya,kinuha ang gamit at naglakad paakyat sa kwarto nila nang bigla ulit siyang tawagin ng kapatid at halihin sa mahigpit na yakap.
“Sabi ko naman kasing wag ka nang makipag-away eh. Ako yung mas matanda sa atin, ako dapat yung magtatanggol sayo.” bulong nya.
“Matapang ka eh, pinalaki ka naming palaban. Pero sa susunod wag mong babanatan sa loob ng eskwela ha? Abangan mo nalang sa labas.”
Natawa silang parehas sa sinabi ng kuya niya. Kumalas silang parehas sa yakap at pansin ni Toyang na medyo naluluha ang kuya niya.
“Ang drama naman.”pagpuna ng isang boses mula sa pintuan ng salas. “Ay Lina, andyan ka pala.” sabi ng kuya niya sabay punas ng luha.
“Dumaan lang ako, Andrei. Pinadalhan kayo ni Mama ng turon tsaka maruya. Baka daw kasi di pa kayo kumakain.” sagot naman ni Lina. “Uy sakto, Ate! Di pa kami nagmemeryenda! Pasabi nalang kay Tiyang Eli na salamat.” nakangiting tugon ni Toyang.
“Sige, mauna na ako. Baka hinahanap na ako ni Mama.” pagpapaalam ni Lina. “Ingat, Ate! Salamat ulit!”
“Ang bait talaga ni Ate Lina noh, Kuya?” nakangiting sabini Toyang. “Alam ko na kung saan papunta yang sinasabi mo. Hinde! Di ko liligawan si Lina ha? Wag kang mag-ilusyon dyan.” sagot naman agad ni Kuya.
“Anubayan! Sayang kaya! Bagay kaya kayo. Maganda siya tapos pogi ka. Parehas pa kayong mabait. Boto nga si Tiyang Eli na ligawan mo siya eh! Tsaka--”
“Wag mo na ipilit, Toyang. Di ko siya type. Tsaka nakakailang yun noh! Tropa ko yun simula pagkabata tapos liligawan ko? Wag nalang.” pagputol niya habang nilalagay sa pinggan yung turon at maruya. Napasimangot naman si Toyang sa sagot niya.
“Sus! Ang sabihin mo, umaaasa ka pa ding mapapansin ka nung katrabaho mo! Eh di ka nga kinikibo nun eh.” panunuya pa ng nakababata. “Hintay ka lang, tol. Mapapansin din ako nun.” sagot naman ni Andrei sabay hawi sa buhok niya. Natawa nalang si Toyang sa ginawa nito.
“Ampanget mo.” pang-aasar niya. “Ah panget? Sige wala kang baon bukas.”
“Hala! Joke lang to naman di na mabiro. Pogi pogi ng kuya ko eh. Bango bango pa.” sabi niya sabay yakap sa kapatid. “Sipsip ka talaga kahit kelan.” paghalakhak niya.
“Kumain ka na dyan. Alis muna ako. May raket kami nina Kevs ngayon baka umagahin na ako ng uwi. Text mo nalang ako pag lalabas ka ng bahay ha?” pagbibilin ni kuya.
“Yes Bossing!”