Matapos kumatok nang dalawang beses, pinihit ni Joseph ang doorknob ng pintuan ng bahay ng kanyang katiwala na si Mang Felipe. May narinig siyang tunog ng TV kaya natiyak niya na may tao sa loob. Araw ng Linggo, nasa bahay si Mang Felipe. Baka nasa kusina lamang ito at hindi narinig ang kanyang pagkatok. Marahil ay abala sa pagluluto.
Nang makapasok siya sa living room, naningkit ang kanyang mga mata nang makitang nakaupo sa sofa ang anak na dalaga ng matanda nang katiwala. Nakataas ang dalawang paa na nakatakip ng kumot. Nanonood ng TV ang dalaga.
Napatingin ito sa kanya.
Ngumiti sa kanya si Ariane.
"Good morning po, Mr. Jansen," bati nito.
Nainis ang haciendero. "Nariyan ka lamang pala, hindi mo man lamang binuksan ang pintuan," naiiritang sabi sabay pag-irap sa kausap.
"H-hindi ko po narining ang inyong pagkatok."
"Imposible. Napakalakas ng pagkakakatok ko at...." Itinaas ni Joseph ang dalawang kamay in exasperation. "Oh, nevermind. Likas naman yata sa iyo ang pagiging tamad."
Namula si Ariane pero hindi na lamang sumagot. Amo ng kanyang papa ang lalaki at alam niyang hindi tama na makipagtalo siya dito.
"Nasaan ang papa mo?" paasik na tanong ng lalaki.
"Bumili po ng asukal sa tindahan."
Bahagyang natigilan si Joseph, pagkakuwan ay natuwa ito. "Pati pala ang pagbili ng asukal sa tindahan ay kailangan ang papa mo pa ang gagawa. Alam mo ba na hindi bagay sayo ang maging isang senyorita? Wala sa lugar!"
Napalunok si Ariane. Gusto na niyang sagutin ang kaharap pero hindi niya nakakalimutang amo ng kanyang papa si Joseph Jansen. Ito ang may-ari ng hacienda at malawak na rancho na pinamamahalaan ng kanyang papa. Kay Joseph ang tinitirahan nilang bahay sa loob ng rancho sa Langkaan sa Dasmariñas, Cavite.
Sa Maynila nakatira ang milyonaryo at naroon ang maraming mga negosyong minana sa yumaong mga magulang. Ang mga negosyong iyon ang pinagkakaabalahan nito sa Maynila. Pero linggu-linggo ay nagpupunta sa kanila si Joseph para tingnan ang takbo ng hacienda at rancho. Matagal nang katiwala dito ang kanyang papa na matalik na kaibigan ng yumaong papa ni Joseph na si Don Francisco Jansen.
Pero ngayon lamang nakaharap nang personal ni Ariane ang kasalukuyang may-ari ng Jansen Ranch. Sa nakalipas na mga pagtungo ni Joseph sa kanila, laging nasa kuwarto si Ariane.
Sa pananalita at tingin sa kanya ng haciendero, dama ni Ariane ang pagkainis nito sa kanya.
Marahil nga ay dahil sa hindi niya pagtayo para buksan ang pintuan.
Narinig naman talaga niya ang sunod-sunod na pagkatok ni Joseph sa pintuan. Pero sinadya niyang hindi tumayo. Una, dahil tiyak na mahihirapan siya. Pangalawa, ayaw niyang makita ng kung sino mang panauhin sa labas ng pintuan ang kanyang pilantod na paglalakad.
Dalawang taon na ang nakakaraan mula nang mangyari ang vehicular accident na naging dahilan ng pagkamatay ng kanyang mama at pagkakatamo niya ng malubhang pinsala sa mga buto na naging dahilan ng kanyang pagkapilay.
Ang kanyang papa ang nagmamaneho ng sasakyan nila nang mangyari ang sakuna. Hindi kasalanan ng matanda ang nangyari dahil nabundol sila ng isang malaking truck ng gravel and sand na biglang nag-overtake.
Head-on collision ang nangyari at namatay agad ang kanyang mama. Sila ng kanyang papa ang nagtamo ng malubhang mga sugat pero may nabaling mga buto sa may balakang ni Ariane na naging dahilan ng pilantod niyang paglalakad.