May isang prinsesang ubod ng ganda at may katauhang walang kasing kinang ang kasalukuyang pinagmamasdan ang sariling repleksyon mula sa malumanay na tubig ng lawa. Sa bigat ng kanyang nararamdaman, hindi niya napansin na ilang oras nang napako ang kanyang paningin sa mga maliliit na bilog na alon ng tubig na nililikha ng mga patak nang sarili niyang luha. Ang paghihinagpis na ito ay bunga ng pagkawala ng kaniyang mga magulang, ang kaharian na ilang libong taon na pinaghirapang buuin ng kanyang mga mga ninuno, kayamanan ng kanyang pamilya at ang dignidad na nagmula sa pagkakaroon ng dugong aristokratiko.
Ipinangako ng prinsesa na iyon na ang magiging huling paghihinagpis niya. Naglakas-loob siyang muling ibangon ang sarili mula sa lupang naglibing sa kanya sa kahihiyan ngunit kahit ilang beses niyang pagurin ang sarili, patuloy pa rin siyang bumabagsak at kinukumutan ng lupang kumikitil ng hininga sa bawat pagtayo.
Muli siyang gumising mula sa pagkakahimlay. Habang nakatanaw sa nagagagalit na kalangitan, isinumpa niyang iyon na ang huling beses siyang babagsak. Tumayo siya mula sa kanyang himlayan. Dinukot ang sariling puso at kanyang itinapon sa isang hardin. Pinulot niya ang pinakamatigas na bato mula sa kanyang paligid at inilagay ito sa puwang ng pusong kanyang iwinaksi.
Mula noon, puro tagumpay na lamang ang narinig ng mga tao mula sa mga nakasaksi ng paglalakbay ng prinsesa. Sa kaniyang pag-angat, nabawi niya ang kaharian, kayaman at dignidad ng kaniyang pamilya. Ngunit sa kanyang pag-angat, nakilala siya bilang malupit. Ang kanyang galit ay mayroong dalang kilabot tulad ng isang galit na galit na kidlat na tumatama sa pinakamataas na tore ng kaniyang palasyo. Samantalang ang kanyang mga obra ay hinahangaan na tulad ng sa gintong walang bahid ng huwad na pilak. Siya ang naging pinakamakamapangyarihang monarko na nabuhay sa kaniyang panahon kaya walang nangahas na siya ay suyuin. Kinalaunan, siya ay hinirang na reyna.
Isang araw, may isang prinsepeng naligaw sa loob ng lumang palasyo na kanyang natunton matapos sundan ang gintong daga na inaasahan niyang magtuturo sa kanya sa hinahanap na lupa. Sinuong niya ang matataas na tubo ng talahiban sa hangganan ng kanilang kaharian nang walang pag-aalinlangan. Naglalakbay ito upang mahanap ang pinakamagandang lupa na pagtataniman ng espesyal na halamang ibinigay sa kanya ng kanyang ina. Lingid sa kanyang kaalaman, ang palasyong kanyang napasok ay ang lugar-pahingahan ng malupit na reyna. Walang bantay ang silid ng reyna dahil walang nakakaalam dito. Nang makapasok ang prinsepe sa loob, naupo ito sa tabi ng tulog na tulog na reyna nang di niya namamalayan. Tanging sinag ng buwan lamang ang nagbibigay liwanag kaya hindi nito napansin na may natutulog sa malaking kama. Naisipan nitong magsindi ng ilaw kaya inilabas nito ang maliit na sisidlan upang hanapin ang maliit na palito ng posporo. Nang hindi niya ito mahanap, isa-isa niyang nilabas ang laman kasama na ang buto ng espesyal na halaman. Hindi niya napansing naipatong niya ito sa bandang puso ng reyna na himbing na himbing sa pagkatulog.
Nang makagawa na ito ng maliit na liwanag, doon lamang niya napansin na ang reynang pinakamalupit sa kasaysayan ang kanyang katabi. Alam niyang mabigat ang kaparusahang ipapataw sa kanya kung malalamang pumasok siya roon dahil maiistorbo ang pagtulog nito. Nagmadali itong lumabas. Hindi na niya nagawa pang kunin ang lahat ng inilabas niya mula sa sisidlan. Isa sa mga naiwan niya ay ang buto ng espesyal na halaman. Sa sobrang takot, dali-dali itong lumabas at nagtago sa kakahuyan.
Kinabukasan, nagising ang reyna na tila may kung anong mabigat na ugat ang bumara sa kanyang dibdib ngunit dahil sa pagiging abala nito, nakalimutan niyang intindihin pa ang nagpapasikip ng kanyang dibdib. Nagpatuloy lang siya sa paggawa ng mga obligasyon niya sa kanyang kaharian.
Sa kanyang paglalakbay pauwi sa kanilang kaharian, napansin ng prinsipe na nawawala ang buto ng espesyal na halaman. Naisipan niyang balikan ito at nang makaharap na niya ang reyna, nagulat ito nang makita ang pag-usbong ng kung anong bagay sa bandang puso nito. Nang tingnan ito ng Reyna, laking pagtataka niya nang mapansing may mga maliliit na ugat at mga dahon na may hugis tala ang pumalibot sa bato niyang puso. Namangha ang prinsepe nang malaman ito kaya inalam niya kung saan nanggaling ang batong iyon.
Dinala ng reyna ang prinsepe sa harding pinagkuhanan niya ng bato. Nang makarating sila roon, hiniling ng prinsepe na itinanim ng reyna ang kanyang pusong bato na kinakapitan ng mahiwagang halamang ibinigay sa kanya ng kanyang ina. Nang itinanim na niya ito sa lupa, napansin ng prinsipe na may kung anong bagay na tumitibok sa ilalim ng mga matinik na damo. Balak na bungkalin ng prinsipe ang lupa ngunit pinigilan siya ng reyna.
Noong una ay nangamba ang Reyna na kapag ibinalik niya ang kanyang puso, muli siyang iiyak at babagsak. Ngunit sa pagdaan ng mga araw, kusang iniluwa ng lupa ang kanyang puso dahil napuno na ng mga ugat ng mahiwagang halaman ang hardin.
Pinulot ito ng prinsepe at inialay sa Reyna.
Nang maibalik na ang kanyang puso, unti-unti siyang umiyak at bumagsak ngunit sa pagkakataong iyon, napahiga siya sa dagat ng mga bulaklak na ibinunga ng espesyal na halamang ubod ng lambot at halimuyak na noon sana'y tutubo kung hinayaan lamang ng reyna na ito ay lumago sa pagdilig ng kanyang mga luha at pawis.
...
HKA • VI/MMXX
