PROLOGUE

103 11 9
                                    

Nag-sign of the cross ako bago umalis sa Quiapo Church. As usual, dagsa na naman ang tao. Sino ba naman ang hindi magsisimba sa sikat at mahimalang simbahan ng Quiapo?

"Psst. Psst. 150"

Napalingon ako. Ramdam kong ako ang tinatawag. Nagpalinga-linga ako, sinusubukang hanapin kung sino ang nagsisitsit. Infairness, ang hirap maghanap sa dami ng taong nagsisiksikan.

"Neng, dito. Sa bandang kaliwa."

Napadako ang mata ko sa isang lola, sa tingin ko nasa 60s na siya. Nakasukbit ang isang itim na alampay sa kanyang ulo, at nakasuot ng asul na bestida na may puting disenyo. Maputi ang kanyang mahabang buhok na abot-balakang. Nakaupo siya sa maliit na upuan, hawak ang mga baraha.

"Tipikal na manghuhula," naisip ko agad. Ano kayang naisipan ng matandang ito at gusto pa yata akong bolahin? Palapit ako, labis ang pag-aalinlangan.

"Neng, maupo ka. Huhulaan kita," sabi niya, itinuro ang isang maliit na bangkong parang ginagamit panglaba.

"Naku, 'Nay. Wala ho akong pera. Hindi po ako mayaman, tingnan niyo naman 'tong damit ko, galing ukay. Pero maganda naman, 'di ba?" Mahaba kong depensa, umaasang hindi na ako maloko at makakaalis na.

"Libre na 'to, para sa'yo—dahil maganda ka," sagot niya, nakangiti. Namumukod-tangi ang kanyang mga kulubot na pisngi. Nag-Myra ka ba, 'Nay?

Buti na lang at hindi ako mabilis mauto. Lalo na kapag nasabihan akong maganda. Dapat talaga tumanggi na ako, pero bakit parang hindi ko magawa? Pakiramdam ko kinukuha na niya ang loob ko. Baka ma-hypnotize ako, tapos ibebenta ang katawan ko.

"Dapat akong tumanggi, baka sindikato pa 'to eh", isip-isip ko.

"Sige po, 'Nay. Magpapahula ako," sagot ko, kunwaring walang kaba.

Inilahad ko ang palad ko. Hinipan niya ito. Naghintay ako ng isang minuto, pero ibinaba niya ang kamay ko at sinabing, "Neng, di ako nagbabasa ng palad. Baraha ang gamit ko."

"Ay, bakit niyo po hinipan 'yung palad ko? Akala ko step n'yo 'yan para sa orasyon." Kunot-noo kong tanong.

"Maniwala ka man o hindi, malinaw pa rin ang mata ko. Sa sobrang linaw, nakita kong may kulangot ka sa palad. O siya, simulan na natin," sagot ng matanda habang binabalasa ang mga baraha.

Napanganga ako sa kahihiyan, sabay kusot sa palad ko. Anong klaseng manghuhula ito?

Ibinaba niya ang tatlong baraha. Isa-isa itong ibinuklat. Biglang kumunot ang kanyang noo, tila nag-aalala. Lumalim ang hinga niya bago ako tinignan.

"Neng, ang sabi ng baraha ay may matatagpuan kang lalaki pagtapak mo ng edad na dalawampu’t isa. Medyo mahirap ang pagdaraan ninyong dalawa, kaya’t kailangan mo siyang tulungang hindi bumitaw. Kung hindi, mawawala ang liwayway na dati n'yong sabay pinagmamasdan."

Tumatak sa akin ang mga huling sinabi niya—liwayway? sabay pinagmamasdan? Habang iniisip ko ang matalinhagang hula, tumingala ako, pinagmasdan ang maringal na Quiapo Church. Bakit parang may kakaiba sa araw na ito?

Nang ibaba ko ang tingin, napansin kong wala na ang matanda sa pwesto niya. Ni anino, hindi ko na makita. Saan siya nagpunta?

Nang biglang kumirot ang palad ko. Napatingin ako sa kamay na hinipan niya kanina, at may nakasulat na mga letra, tila iniukit ng hangin:

"Yvien - 2023"

Napanganga ako. Ang pangalan ko… pero bakit 2023?

Nasa 2020 pa lang tayo, ah. Anong ibig sabihin nito?

Dancing on Starlight [ON-GOING]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon