02

13 4 0
                                    

June 24
Dear diary,

Second week na ng pasok, ngayon na lang ulit ako nakapagsulat kasi wala naman masyadong naganap sa buhay ko. Puro academics lang; notes dito, notes diyan, stress dito, stress diyan.

Binaba ako ng kuya tricycle sa kanto ng school kaya wala na akong nagawa kung 'di maglakad. Medyo masama pa nga ang loob ko diary, pero nabawi no'ng nakita kong may dumaan na motor sa gilid ko. Motor niya 'yon diary, 'di ako puwedeng magkamali. Napalitan ng ngiti ang inis ko.

Pumasok na ako at naglalakad paakyat sa room at hatdog lang talaga, nakalock 'yung room namin. Wala pa namang susi 'tong room na 'to kasi sira ang lock. Sinabihan na kami na 'wag 'tong ilalock eh.

Hala, sino kaya naglock nito diary?

"Ang aga pa naman," bulong ko sa sarili ko. Tinignan ko sa cellphone ko kung ano'ng oras na. 6:28.

Huminga ako ng malalim. Ano'ng gagawin ko diary? Baklasin ko na ba 'yung pinto? Sipain ko na ala ninja? Nako, kung kailan naman last year na ng senior high, baka do'n pa ako magka-violation.

Hinayaan ko na lang muna 'yon at tumambay na lang ako sa hallway. Sa'n pa ba ako pupuwesto? Kung sa canteen naman, siguradong mapapagastos lang ako.

Ilang minuto pa ang lumipas at may pamilyar na mukha na dumating. Ang tagal niya ah, baka may inayos sa motor niya. Agad kong kinuha ang cellphone ko at nagkunwaring may ginagawa. Bigla siyang tumigil at tumambay din muna sa hallway. Napatingin ako sa classroom nila at nakita na nakasara 'yon.

Baka nakalock din 'yung pinto nila diary.

Agad kong nilipat ang cellphone ko sa camera at pasimpleng kumuha ng litrato. Tumingin muna ako sa paligid bago ko tignan 'yung nakuhaan ko. Halos bag lang niya 'yung nakita pero okay na 'to diary. Okay na meron kesa naman sa wala.

"Uy aga mo ah, early bird," may narinig ako na nagsalita. 'Yung kaklase niya pala. Parehas na sila ngayong nakatambay sa labas.

Buti pa siya may kasama na diary, muntik ko na siya samahan eh. Charot.

'Di ko na narinig 'yung sinabi niya pero mukhang nag-usap sila. Napatingin naman ako sa kanila dahil biglang naglakad 'yung kasama niya sa pinto at sinubukang buksan 'yon. Laking gulat ko no'ng bumukas 'yon. Napakunot noo ako.

"Tanga mo naman, kanina ka pa nakatayo diyan 'di mo man lang sinubukan buksan 'yung pinto," sambit ng kasama niya. Natawa ako ng bahagya.

"Akala ko kasi nakalock eh," dipensa naman niya.

"Sus, 'di. Tanga ka lang talaga," muling sabi ng kasama niya at pumasok na sila sa loob ng room nila. Naiwan ako dito sa hallway na nag-iisa.

Ang cute naman no'n diary. Baka naman sinamahan lang niya ako tumambay sa labas? Asa.

"Uy Felicity," bati sa akin ni Marco. Ngumiti na lang ako sa kaniya.

"Good morning sa'yo Coco," sabi ko at napatigil naman siya sa harap ko. Kumunot ng bahagya ang noo niya.

"Shet? Coco? Umagang-umaga ah," nagtatakang tanong niya sa akin.

"Oo, bakit?" tanong ko at natawa na lang siya. Umiling siya sa akin.

"Teka, bakit nga pala nasa labas ka?" tanong niya sa akin no'ng napansin niyang wala ako sa room.

Buti napansin na rin niya.

"May naglock kasi ng room natin eh wala namang susi 'yon kaya ayon, 'di ko alam pa'no makakapasok," kuwento ko sa kaniya.

"Talagang oh shit tayo diyan. Hintayin na lang kaya natin si sir?" tanong niya sa akin.

"Or puwede ka naman maging akyat classroom. Ayun oh, butas naman 'yung taas na parte sa may bintana. Feeling ko kaya mo 'yan."

"Nge? Ikaw na lang kaya, ikaw 'yung maliit eh. Mas kasya ka d'yan 'no," dipensa naman niya. Huminga ako ng malalim.

Ako pa talaga? Do'n na lang kaya ako sa sipain ang pinto ala ninja, diary?

"Sige try ko," banggit ko at tinanggal na ang sapatos ko.

"Hala? Eh? Joke lang. 'Wag, nakapalda ka," banggit ni Marco sabay iling.

Napatitig na lang ako sa kaniya. Tignan mo 'tong lalaking 'to, ang gulo. Huminga ako ng malalim at sinuot na ulit ang sapatos ko.

"So, ano na ang gagawin natin?" tanong ko sa kaniya.

"Maghihintay."

Tumingin ako sa paligid at umupo na lang sa sahig. Mukhang wala nga muna kaming magagawa ni Marco sa ngayon. Kinuha ko na lang ang cellphone ko para maglaro ng kung ano.

Naghihintay sa rescue, este sa pagbukas ng pinto,
Felicity

Mapapansin Mo Rin (on-going)Where stories live. Discover now