Ika-Limang Kabanata

178 31 10
                                    

~ R Y E O ~

"KAMUSTA ang pinapagawa ko sa iyo? Iyo bang nahanap ang taong iyon?" Aking sambit sa aking katiwalang si Yunho. Siya'y pamangkin ng heneral ng hukbong sandatahan na kung saan nagawang maglingkod bilang aking personal na bantay. Hindi naman nagkakalayo ang agwat ng aming edad. Katunayan, mas matanda ako sa kaniya ng isang taon. Subalit kung siya'y mag-isip ay parang siya iyong mas matanda sa aming dalawa.

"Sa ngayon, wala pa. Pero may nakalap akong ulat na isa sa sampung opisyales ang maaaring sangkot dito."

"Anong ibig mong sabihin?"

"May nakapagsabi sa akin na ang Zethus umano ay suportado ng isang mataas na opisyal na kung saan ginagamit ang kapangyarihan para manatiling nakabukas at hindi ipasara ng basta-basta. Ang opisyal rin na iyon ang gumagawa ng paraan para pagtakpan ang ilegal na transaksyon na iyon sa publiko. Hindi lamang iyon, napag-alaman ko rin na mayroong isang pribadong silid doon na kung saan doon tinatambak ang lahat ng mga ilegal na kargamento."

"Iyo bang napag-alaman kung sino ang opisyal na iyon?"

"Hindi pa. Pero sinubukan kong alamin. Nagawa ko na ring manmanan ang buong lugar." Hindi ko na nagawang magsalita sa mga pagkakataong iyon sapagkat bumabagabag sa aking isipan ang kaniyang sinabi. Hindi ko lubos akalaing mayroong masasakot dito na isang opisyal.

Subalit, sino?

Humingi sa akin ng pabor ang kanang-kamay ng hari na hanapin ang nagpapasimuno nitong ilegal na transaksyong nagaganap sa loob ng Zethus. Isa itong uri ng bahay-aliwan na tampok sa buong bayan na kung saan ay madalas dinadayo ng mga taong nagmula pa sa ibang lugar. Gayunpaman, aming napag-alaman na mayroong transaksyon ang nagaganap dito. Ayon sa aming natanggap na ulat, dito umano ginaganap ang palitan ng mga kargamento na hindi awtorisado mula sa gobyerno at bawat kargamento ay naglalaman ng mga iba't ibang klaseng kagamitan at samu't saring halamang gamot na mula pa sa mga malalayong lugar, na kung saan binebenta iyon dito sa malaking halaga. Subalit ang nagpapatingag sa bagay na ito ay ang nasabing halamang gamot. Hindi ito basta-bastang gamot lamang, kundi naglalaman rin ito ng matinding lason, na kung sino man ang makakainom nito ay maaaring ikamatay. May nakapagbenta no'n dito at maraming tao ang nakabili sa inakala na mabisa iyon sa kahit anong sakit.

Kung kaya't nang dahil sa malaking 'akala' ay maraming namatay.

Isang pala-isipan para kay Nam Donghyuk, ang nasabing kanang-kamay ng hari, ang lasong iyon bagama't hindi niya alam kung anong uri iyon o kung saang lugar mismo iyon nagmula? Kung kaya't nagawa niyang humingi sa akin ng tulong na alamin at hanapin ang taong nasa likod ng lahat ng ito.

Hindi ko nga maintindihan kung bakit niya pa ito pinapagawa sa akin, sapagkat pwede naman niya ito ipautos sa iba. Gayunpaman, hindi ko naman ito gagawin kung walang kapalit... kung tutusin may kabayaran itong gagawin ko. Sa panahon kasi ngayon ay wala nang libre. Syempre, lahat ng bagay ay may bayad.

"Nga rin pala, Kamahalan. May ipapakita rin ako sa inyo." May kung anong bagay siyang inabot sa akin at sa kagustuhang malaman kung ano iyon ay nagawa ko iyon tanggapin. Namataan kong isa itong Hopae o tag ng pagkakakinlanlan. Hugis rektanggulo ito na gawa sa kahoy na kung saan mayroong pinagbuhol-buhol na kurdon ang nakalagay sa dulo. Sa kahoy na iyon ay nakaukit doon, o nakatala doon, ang pangalan nitong tagadala, lugar ng kapanganakan at tirahan. Ang sinulid naman ay mayroong magkakaiba-ibang kulay na kung saan doon magbabase kung saang ranggo ka nabibilang. Ang ginintuang madilaw ay para sa mga Rheia, pula naman sa Heah at kayumanggi sa Loowen. Bawat isa ay nagkakaroon nito sapagkat pinapakita nito kung sino ka at kung ano ang iyong katayuan sa buhay.

Bahagya kong pinagmasdan ang hawak kong hopae at bakas sa aking mukha ang matinding pagtataka nang makita doon ang pangalan ng punong opisyal.

Jang Seunghyun.

Imperial ThroneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon