Ika-Labing Isang Kabanata

21 2 0
                                    

~ L U N A ~

KASULUKUYAN akong naglalakad sa mahabang pasilyo na s'yang patungo sa silid ni Leidi Wheein habang bitbit ang bandeha na may nakapatong na tasa at tsarerang naglalaman ng tsaa na s'yang tinatawag na Ssanghwa-tang, isa itong uri na medikal na tsaa na partikular na ginagamit sa pagpapalakas ng katawan, pagbawas ng pagkapagod at pagwala ng hypothermia o kondisyon sa pagbaba ng temperatura sa katawan. Ginawa ang tsaang ito sa pamamagitan ng pagpapakulo ng ilang bilang na halamang medikal tulad ng pinatuyong ugat ng mga puting woodland peony, rehmannia, Mongolian milkvetch, Korean angelica, lovage, Chinese cinnamon barks at Chinese liquorice. Ito ay may malalim na kayumangging kulay at nagkakaroon ng kaunting kapaitan.

Madalas umano itong iniinom ni Leidi Wheein sapagkat pinapaniwalaan na ang tsaang ito ay nagbibigay sa kaniya ng lakas at 'di umanong nakakawala ng pananakit sa katawan at karamdaman. Gayunpaman, bihira lamang ang gumagawa nitong tsaa dahil ilan sa mga sangkap sa paggawa nito ay bihira lamang makikita sa pamilihan. Bagama't, ang mga suplay nito ay nagmula pa sa malalayo at liblib na lugar at iilan lamang na mga mangangalakal ang nagtutungo doon upang kumuha.

Nang makarating ako sa silid ni Leidi Wheein ay agad kong kinatok ang pinto. Ilang saglit ay bigla itong bumukas at bumungad sa akin ang kanang-kamay ni Leidi Wheein. Saglit niyang tinignan ang hawak ko at tumabi ng bahagya upang bigyan ako ng daan. Ni hindi ito tumambiling magsalita, bagkus hinayaan lamang akong pumasok sa loob. Namataan kong abala si Leidi Wheein sa pagsusulat at hindi man lamang niya napansin ang aking presensya.

"Ito na po ang pinapagawa niyong tsaa." Sa sinabi kong iyon ay nakuha ko rin ang kaniyang atensyon. Tumigil siya sa pagsusulat at dinapuan ako ng tingin.

"Ilapag mo na lamang d'yan." Sabi niya at bumalik muli sa ginagawa. Gaya ng kaniyang sinabi ay nilapag ko sa gilid ng kaniyang mesa ang bandeha. Hindi na naghintay pa ng utos ang kaniyang kanang-kamay at agad nitong sinalin ang tsaa sa tasa. Nagawa ko pa siyang panuorin noong kumuha siya ng kaunting tsaa gamit ang hawak niya kutsara at saka agad itong ininom.

Napag-alaman ko na ang bagay na ginawa ng kanang-kamay ay isang paraan sa pagsisiguro kung may lason ba ang tsaa o wala. Ito rin ang ginagawa sa tuwing may ibibigay na pagkain o inumin sa hari o sa kahit sinong Rheia. Titikman na muna ito ng tagapagsilbi at ng sa gano'n ay masiguro kung may lason ba iyon o wala, sapagkat tinitiyak nito ang kaligtasan ng mga Rheia.

Gayunpaman, ang bagay na iyon ang s'yang bumabagabag sa aking isipan dahil isa sa balak kong gawin para mapaslang ang hari ay ang lasunin ito. Sumagid sa aking isipan ang ideya na lagyan ng lason ang pagkain o inumin nito. Subalit, kapag ganoon ang plano ay tiyak akong papalya dahil posibleng malalaman kaagad iyon ng taong tagatikim ng pagkain. Isa pa, kapag malaman ng lahat na mayroong nagbabalak sa buhay ng hari ay tiyak lalong hihigpitan ang bantay sa buong palasyo at mahirapan pa akong makaalis. Ang nais ko lamang mangyari ay ang paslangin ang hari ng tahimik at walang nakakaalaman. Ngunit, habang iniisip ko ang bagay na iyon ay parang imposibleng mangyari.

Nabaling naman ang tingin ko sa kanang bahagi ng lamesa na inuukopa ni Leidi Wheein na kung saan makikita roon ang isang pamilyar na libro. Hindi ko alam, pero parang nakita ko na iyon... parang parehas iyon sa librong hawak ni Ginoong Hanjae na kung saan nakapaloob doon ang tungkol sa Neriandrin.

Teka, sa pagkakaalam ko nag-iisa lamang ang libro iyon at mismong si Ginoong Hanjae lamang ang may hawak no'n. Subalit, 'di nagtagal ay binigay niya iyon sa isang taong matagal na niyang kakilala. 'Di kaya si Leidi Wheein iyon? Siya kaya ang tinutukoy ni Ginoong Hanjae? Pero kung siya man, paano sila nagkakilala?

"Di ka pa ba aalis?" Kaugara akong lumingon sa direksyon ni Leidi Wheein nang marinig ko siyang magsalita. Nakakunot ang noo nito at binigyan ako ng mga makahulugang tingin.

Imperial ThroneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon