PANANAMPALATAYA

9 5 0
                                    

Alas sais na ng gabi, madilim ang kalangitan at nagbabadya ang pagpatak ng ulan. Nasa loob ng simbahan si Padre Francisco at nakaharap sa altar. Nakaluhod s'ya sa unang hilera ng mga upuan at taimtim na dinarasal ang Santo Rosaryo.

Nakagalak sa altar ang imahe ng birhen ng Fatima at parang nangungusap ang mga mata nito. May ilaw ang tabernakulo at animo'y nangingislap ang mga mata ng birhen sa tuwing tinatamaan ng ilaw mula sa nakasinding kandila sa paanan nito. Tila din ay nakikinig ito sa taimtim na pagdarasal ni Padre Francisco.

"Ave Maria, gratia plena, Dominus tecum." usal ng Padre habang nakapikit at mahigpit ang pagkakapit sa rosaryong pilak.

Naramdaman niya na may naglalakad papalapit sa kanyang direksyon, hanggang sa may sumabay na sa kanyang pagdarasal.

"Sancta Maria, Mater Dei,"

Pabulong na bigkas ng isang babae kasabay ni Padre Francisco. Ngunit may halong pangungutya ang paraan ng pagbibitiw nito ng mga salita. Tila nakaramdam ng pagkainsulto ang Padre, kaya't hindi ito nakatiis. Inimulat niya ang kanyang mga mata at nilinga-linga ang mga mata sa paligid.

Handa na s'yang pangaralan ang babae ngunit wala itong nakitang ibang tao. Nag-iisa lamang s'ya sa loob ng simbahan. Napalinga ang Padre sa may kumpisalan. At kagaya ng regular na gabi walang ilaw sa bahaging iyon.

Napansin niyang tila may nakatayong isang pigura roon ngunit hindi nito matukoy kung lalaki o babae ba ito. Pilit niyang inaninag hanggang sa makarinig s'ya ng kalabog mula sa kabilang hilera ng upuan. Dagling napapihit ng tingin ang Padre sa direksyon ng ingay at napansin nito ang nalaglag na luhuran.

Muli niyang ibinalik ang attensyon sa kumpisalan ngunit wala na roon ang pigurang kanyang nakita. Hinimas niya ang kanyang batok at balikat hanggang sa marinig niya ang paglagutok ng kanyang buto.

Bahagyang humangin sa loob mismo ng simbahan. Pinagsawalang bahala ito ng Padre at dere-deretchong naglakad palabas ng simbahan. Hindi na nito napansin ang pagkamatay ng kandila sa tapat ng birhen dahil sa pagdaan ng isang anino.

Sa loob ng isang maduming kwarto na roon si Emilia. May malay pero nanghihina. Payat na payat at namumutla, kahit pa'y halatang nililinisan ito. Kapansin-pansin rin ang mga bagong sugat at kalmot sa kanyang braso at binti. May butas na rin ang kanyang mukha na tila tinirhan na ng mga uuod.

Ang ibang sugat naman nito ay nanunuyo na, pero karamihan ay nagnanaknak. Ang dulo ng kanyang mga daliri ay halos pudpod na at nangingitim dahil sa natuyong dugo. Maging ang paligid ng kanyang mga mata ay nangingitim na rin. Ang iilan sa parte ng kanyang buhok ay nakalbo na't nagkasugat-sugat.

“Padre Francisco at Padre Carlos, s'ya nga po pala si Emilia Ruez." saad ng isang matandang lalaki

Nasa loob ng kwarto ang mga taong gustong tumulong kay Emilia. Ang mga alagad ng Diyos na magtutulong-tulong para iligtas ito sa pwersa ng Kadiliman.

"Palalayasin n'yo ba sila?" pabulong na tanong ng Dalaga sa dalawang Padre.

Ayaw nitong lakasan ang kanyang boses dahil natatakot itong magsalita. At natatakot rin ito na baka may ibang makarinig sa kanya. Mga nilalang na s'ya lamang ang nakakakita.

"Maari mo bang ikwento sa amin--kailan nagsimula ang lahat?"

Paninimulang tanong ni Padre Carlos, samantalang tahimik lamang sa tabi nito si Padre Francisco. Nakatingin lang ito kay Emilia at mababakas sa mga mata nito ang labis na pagkaawa.

Pumikit ito at umusal nang mahinang dasal, na naging dahilan ng pagtayo si Emilia sa kinauupuan nito.

Dahil sa pagtayo ni Emilia, napatayo na rin ang dalawang Pari. Bakas ang pagtataka ng dalawa habang nakatitig sa Dalaga.

ONE SHOT COMPILATIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon