Note: Inspired by the song, Peklat Cream by Bita and the Botflies
CW/TW: Domestic abuse
ㅡ
"Ma, bakit hindi mo na lang iwan si Papa?" Diretso kong tanong nang makita ang panibagong pasa sa braso ng aking ina. Hindi siya nagsalita at nginitian lang ako.
Isang buwan pa lang ang lumipas simula noong lumipat ako sa ibang bahay kasama ang aking kasintahan, at sa tuwing dadalaw ako rito sa lugar nila Mama ay may bago na naman siyang marka ng pang-aabuso. Lagi kong sinasabi sa kaniya na maghiwalay na sila, kung iniisip niya kaming mga anak niya ay wala na siyang dapat ipag-alala dahil malalaki na kami, ngunit nananatili pa rin siya sa pamamahay na iyon.
"Kung magbago ang isip mo, puntahan mo lang ako Ma, ha?" Saad ko bago umalis.
ㅡ
"Anong problema mo?!" Pasigaw na tanong ko nang ibato ng nobyo papunta sa akin ang isang plato, nabasag ito at may kaunting bubog na tumalsik sa paa ko.
"Ano 'to?! Kagagaling ko lang sa trabaho tapos ganito ang maaabutan ko?!" Sigaw rin niya, "Tambak ang hugasin, tapos wala pang hapunan?!"
"Tatatlong plato, tambak? Aba, hindi lang ikaw ang nagtatrabaho rito! Kauuwi ko lang din! Nagpapahinga lang ako nang sandali tapos magrereklamo ka na nang gan'yan?!"
ㅡ
"Katulad ka rin pala ni Papa," seryoso kong sabi sa kaniya, "Punyeta, Lucas, alam mong ayaw na ayaw ko sa tatay ko."
"'Wag mo 'kong itutulad sa tatay mo, Valerie!" Galit niyang saad.
"Anong pinagkaiba niyo? Pareho lang kayong abusado! Maayos naman ang bahay, ah? Ano pang ikinagagalit mo? Bakit nananakit ka?!"
"Mahal kita, iyon ang pinag-kaiba," kumalma na ang boses niya, "Masama lang talaga ang araw ko ngayon. Pasensya na."
"Ano, araw-araw na lang masama ang araw mo at araw-araw mo ring ibinubuntong sa'kin? Oo, mahal mo 'ko, pero sinabi rin 'yan ni Papa kay Mama!" Sigaw ko. "Ang solid naman niyang pagmamahal ninyo, nakapapasa."
ㅡ
"Ma, bakit ba nandito ka pa rin?" Tanong ko. "Sunod-sunuran kahit na, kahit na sinasaktan ka?"
"Mahal ko ang Papa mo, Val," sagot niya at inilabas na naman ang malungkot na ngiti, "Ayokong maghiwalay kami."
"Mama," pagtawag ko. "Wala na kami ni Lucas. Mahal na mahal ko rin naman siya pero mabuti nang naghiwalay na kami. Sinasaktan niya ako, Ma. At sinasabi ko sa'yo, mas masakit ang natanggap kong sa kaniya mismo na mahal ko kaysa sa paglayo."
"Val..."
"Tara na, Mama... kaya na'tin 'to."
YOU ARE READING
A Thousand Lives
Short StoryA compilation of all the short stories I have written. Note: Most of my works in here are not proper stories. Majority are just simple scenarios that has a story to tell. Also, I started writing at 13! And I'm not a "writer" writer. Bear with me, pl...