"Patawad."
'Yon na naman ang sinabi ko.
'Yon naman palagi. 'Yon na nga lang ata ang kaya kong sabihin na salita.
"Ayos lang," sagot na lang niya, ulit.
Di ko tuloy naiwasang makonsensiya, dahil wala ako noong mga sandaling isinilang niya ang anak namin. Wala ako sa halos lahat ng mahahalagang sandali ng buhay niya.
"May pangalan na ba siya?" tanong ko habang nakatitig pa rin sa anak namin. Pilit ko na lang tinatanggal ang panghihinayang at konsensiya sa sistema ko ngayon dahil gusto kong sulitin ang mga sandaling ito.
"Wala pa, ikaw ang gusto kong magpangalan sa kaniya," saglit tuloy akong napasulyap sa kaniya dahil sa sinabi niyang 'yon. Muli ay nasilayan ko na naman ang matatamis niyang ngiti.
Hindi pa rin nagbabago ang mga ngiti niya, ang mga ngiting bumihag sa puso ko.
"Karlos, 'yon ang ipapangalan ko sa kaniya."
Lumipas ang mga taon at mabilis na lumaki ang anak namin.
Ngunit wala ako sa piling ng mag-ina ko sa mga taon na 'yon.
Ilang pasko, bagong taon, at araw ng mga puso ang lumipas na hindi ko sila kasama. Tanging mga regalo at sulat ko lamang ang nakakarating sa kanila, ngunit hindi ang mga yakap ko, hindi ang mga halik ng isang asawa at ang aruga ng isang ama.
Umuuwi ako sa probinsya, sa tahanan namin ngunit napakabihira, kung kailan lang hihintulutan ng kumpanyang aking pinagtatrabahuhan.
"Itaaayyyy," sa malayo pa lang ay rinig ko na agad ang tawag sa'kin ni Karlos.
Natanaw ko pa ang saranggolang nilalaro niya kanina at kung paano niya ito binitawan, para lamang masalubong ako.
Agad ko namang sinalo ang mga yakap niya, dala na rin ng pananabik na makapiling ang anak ko.
Nang kumalas ako sa pagkakayakap niya ay saka ko lang siya napasadahan ng tingin, matapos ang ilang buwan na pagkalayo sa kanila.
Agad namang kumunot ang noo ko nang makita ang mga galos niya sa tuhod.
"Anong nangyari diyan, anak?" nag-aalalang tanong ko, kahit na may ideya ako kung paano niya 'yon nakuha.
"Nadapa lang po habang naglalaro, Itay. Wala po ito. Tara na po sa loob," sagot na lang niya. Sa di malamang dahilan ay bigla akong nakaramdam ng kaunting kirot.
Patawad anak, kung wala ako sa tabi mo para ibangon ka sa bawat pagkakadapa mo, o para mahalikan ang mga sugat mo hanggang sa maghilom ito.
Saka lang nabalik ang ulirat ko nang maramdaman ko ang dampi ng labi ng asawa ko sa pisngi ko.
"Hanggang kailan ka mananatili rito?" tanong niya.
Isa na namang masakit na tanong ang narinig ko.
"Sanay na sanay na sila sa paglisan mo, na hindi na sila umaasang mananatili ka nang matagal," sabi ko sa sarili ko.
"Hanggang bukas lang," mapait na sagot ko. Ngunit pinilit ko pa ring ngumiti para hindi sila malungkot sabay abot ng pasalubong ko.
"Ano po ito, Itay?" tanong ni Karlos habang abala sa pagbubukas nung kahon na binigay ko.

BINABASA MO ANG
Sampaguita
Ficção GeralONE-SHOT STORY Inspired by the song "Sampaguita" by Gloc 9 and Juan Karlos. Lahat ng kanta ay may istorya. Merong ilan na magpapamulat satin sa mga nangyayari sa bansa. Piksyon man, ang mga kwentong ibinabahagi sa atin ng mga kantang ito ay maaarin...