Lumipas ang mga araw, madalas kaming nagkakasama nina Emma at Sam. Ilang araw na rin akong nananahimik tungkol sa nalalaman ko. Nakokonsensya ako sa tuwing nakikita kong sobrang saya ni Sam sa tuwing kasama niya si Emma. Babalik pa kaya ang ngiting 'yon kung sakaling mawala siya?
Madalas ko ring samahan sa ospital si Emma. Madalas ko ring makita kung gaano siya nahihirapan. Minsan, nakikita ko siyang umiiyak mag-isa. Alam ko namang ayaw niyang iwan si Sam eh. Pero alam niyang wala na siyang magagawa. Sabi niya sa akin, sinubukan niya na raw lumaban. Nawala na raw 'yon pero nagulat na lang siya nang biglang bumalik at naging Stage 4 na. Doon na siya nawalan ng pag-asa at naisip na huminto na lang. Sabi pa nga niya, baka raw hindi talaga sila ni Sam ang nakatadhana kaya kinukuha na siya.
"Emma?" Narinig kong sabi ni Sam. Nasa likuran nila akong dalawa ngayon. Masyadong malalim ang iniisip ko nitong mga nakaraang araw kaya parang wala rin ako sa sarili. "Emma? Emma!" Napaangat ako ng ulo nang marinig ko ang pagsigaw ni Sam.
"Bakit anong nangyari?" At lumapit ako agad sa kanila. Hindi ako sinagot ni Sam at pumara siya agad ng taxi habang buhat-buhat si Emma na walang malay. Nanigas ako sa kinatatayuan ko. Hindi ko alam ang gagawin.
"Grace, tara na!" Nabalik ako sa realidad nang mapansin kong nasa harap ko na ang taxi habang sakay no'n si Sam na buhat si Emma. Sumakay naman ako agad katulad ng sinabi ni Sam. "Kuya, pakibilis." Kinakabahang tugon ni Sam sa driver.
Kitang-kita ko kung paano siya mag-alala kay Emma. Mukhang ito na ang tamang oras para malaman ni Sam ang lahat. Sigurado akong mababanggit ng doktor ang tungkol sa sakit niya. Ngayon pa lang kinakabahan na ako.
Habang umaandar ang taxi, napatingin ako kay Sam. Paulit-ulit niyang hinahalikan ang noo ni Emma at niyayakap ito. Iniwas ko ang tingin ko at napayuko. Hindi ko alam ang gagawin ko, hindi ko alam kung paano ipapaliwanag kay Sam ang lahat. Alam kong sobrang masasaktan siya. At baka magalit din siya sa akin dahil hindi ko sinabi agad.
Nang makarating kami sa ospital, 'yung mga nurse na 'yung nag-asikaso kay Emma. Sabi nila maghintay na lang daw kami. Mamaya raw lalabas 'yung doktor para sabihin sa amin kung anong lagay niya.
"Sam," napatingin naman siya sa akin. "Bibili lang ako ng inumin natin." Tumango naman ito.
Nang makabili ako ng inumin, agad din akong bumalik kung saan naroon si Sam. Habang naglalakad ako pabalik sa kanya, nakita kong nakasabunot siya sa buhok niya habang humihikbi. Huminto ako sa paglalakad nang makalapit ako sa kanya. "Sam," inangat niya ang ulo niya at tumingin sa akin.
"Bakit hindi ko alam? Kailan pa siya may sakit? Alam mo ba ang tungkol dito Grace?"
"H-ha?" Hindi ko alam kung paano ako sasagot sa mga tanong niya.
"Nu'ng umalis ka biglang lumabas 'yung doktor. Stage 4 leukemia, Grace! Wala akong nagawa! Ayokong hintayin siyang mamatay na lang! Hindi ko kaya 'yon, Grace!" Nagsimula na tumulo ang luha ko. "Alam mo ba ang tungkol dito?" Hindi ako nakapagsalita. "So, ako lang pala ang walang alam." At tumayo siya sabay naglakad paalis.
"Sam..." Ang tanging salitang lumabas sa bibig ko.
"Magpapahangin muna ako. Parating na sina tita, hintayin mo na lang. Nagulat nga sila na alam ko ang lahat." Aniya at naglakad ulit. Hindi ko na siya pinigilan pa.
Naupo ako at hinintay dumating ang magulang ni Emma. Naisip ko, nakakasama talaga sa loob ni Sam na siya lang ang walang alam sa mga nangyayari. Isang buwan na ang nakakalipas mula nu'ng sinabi sa akin ni Emma ang lahat. Isang buwan na lang ang natitirang buhay niya katulad ng sinabi ng doktor. Naniniwala pa rin ako, umaasa ako, lalagpas pa ang buhay niya ro'n. Umaasa akong may himalang darating at papagalingin nito si Emma sa sakit niya.
"Grace."
"Tita, tito." Bati ko sa magulang ni Emma na halatang nag-aalala.
"Nasaan si Sam? Kamusta na si Emma?"
"Nagpahangin po muna si Sam. Mabigat po para sa kanya ang lahat lalo na't ngayon lang niya nalaman. Hindi ko po alam ang lagay ni Emma kasi po si Sam ang nakausap ng doktor kanina. Pero lalabas naman po 'yung doktor mamaya para sabihin kung pwede na tingnan si Emma."
"Gano'n ba." Naluluhang tugon ni Tita Elsa.
"Be strong." Bulong naman ni Tito Edgar kay Tita Elsa. "Grace, mas mabuti pang sundan mo muna si Sam. Ako ang kinakabahan sa batang 'yon eh. Kami na ang bahala rito. Sasabihan na lang namin kayo kapag may malay na si Emma." Tumango naman ako bilang sagot.
Nilibot ko ang buong ospital para hanapin si Sam. Natagalan din ako bago ko siya mahanap. Naabutan ko siya sa chapel, tahimik na nagdadasal. Lumapit ako sa kanya. Katulad niya, lumuhod din ako at nagdasal.
Binanggit ko ang dasal ko imbis na isaisip 'yon. Dahilan para mapatingin sa akin si Sam. "Lord, sana po pagalingin niyo na si Emma. Sana po tulungan niyo siyang lumaban. Sana po hindi totoo 'yung sinabi ng doktor na hanggang dalawang buwan lang. Lord, hindi pa po pwede eh. Magpapakasal pa po sila ni Sam, magkakapamilya, magiging masaya hanggang sa tumanda sila." At tumingin ako kay Sam. Nakita kong walang emosyon ang mga mata niya. Binalik ko ang tingin ko sa harapan at nagpatuloy ulit sa pagdadasal. "Sana po matuto pa ring ngumiti si Sam. Sana po maging malakas s'ya para kay Emma. Sana po hindi siya galit sa akin dahil hindi ko nasabi sa kanya agad. Lord, natatakot po kasi ako. Ayoko pong pakialaman si Emma. Nangako po ako sa kanya na hindi ko sasabihin kay Sam ang lahat. Ayaw lang naman po ni Emma na mahirapan si Sam eh. Ayaw niya raw pong mamroblema pa si Sam sa kanya. Ayaw niyang maging malungkot si Sam at magpakapagod sa paghahanap ng lunas sa sakit niya. Ang gusto po kasi ni Emma, sa natitira raw pong dalawang buwan, gusto niyang lumigaya sa piling niya 'yung taong pinakamamahal niya."
Ilang segundo ang lumipas bago umimik si Sam. Katulad ng ginawa ko, binanggit niya rin ang dasal niya. "Lord, totoo po ang sinabi ni Grace. Gusto ko pa pong makasama ng matagal si Emma. Marami pa po akong plano na kasama siya. Kahit po walong taon na ang pagsasama namin, kulang na kulang po para sa mga alaalang gusto ko siyang makasama. Lord, nagpapasalamat pa rin po ako kasi binigay niyo siya sa akin. Nu'ng nalaman ko po ang tungkol sa sakit niya, sumama po talaga ang loob ko. Naisip ko, bakit siya pa? Hanggang ngayon po masakit. Ayokong makitang nahihirapan siya. Ayokong makitang nahihirapan siya pero ako mismo walang magawa kung paano ko siya matutulungan. Lord, natatakot akong magbago kapag nawala si Emma. Natatakot ako sa pwedeng maging epekto ng pagkawala niya sa buhay ko. Mawawalan ng kulay ang lahat. Mawawalan ng silbi. Sana iligtas niyo siya."
"Sam... sorry."
"Ayos lang."
Nang makalabas kami ng chapel, tinawagan ako ng papa ni Emma at sinabing may malay na siya. Dumiretso kami agad sa kwarto kung nasaan siya. Naabutan namin siyang kasama ro'n sina Tito Edgar at Tita Elsa.
"Anak, bibili lang kami ng makakain mo ah? Babalik kami." Sabi ni Tita Elsa at humalik sa noo ni Emma.
"Sam, Grace, kayo muna ang bahala kay Emma ah?" Bilin naman ni Tito Edgar.
"Opo, tito." Sagot ni Sam at agad na lumapit kay Emma. "Emma..." Sabi nito sabay halik sa noo. Nakita ko namang nangingilid ang luha sa mga mata ni Emma.
"I'm sorry, Sam. Ayoko lang namang maging pabigat sa'yo tsaka--" Hindi natuloy sa pagsasalita si Emma nang yakapin siya ni Sam.
"Hindi mo na kailangang magpaliwanag. Naiintindihan ko."
"Salamat." Nakangiting sagot nito.
"Lumaban ka, please." Naalis ang pagkakayakap ni Emma kay Sam nang sabihin ni Sam 'yon. "Emma naman.." At nagsimula na mag-crack ang boses ni Sam.
"Pagod na ako, Sam. Hindi ko na talaga kaya."
Nang ma-discharged sa ospital si Emma, hindi na siya pumayag na bumalik ulit do'n. Hindi na rin siya nag-undergo sa mga treatment at kung anu-ano pa. Pagod na siyang lumaban. Ayaw niyang pahirapan pa ang sarili niya. Ayaw niyang paasahin ang mga tao sa paligid niya na gagaling pa siya. Ang gusto niya lang, maging masaya sa natitirang araw ng buhay niya.
Masakit man para sa amin, tinanggap pa rin namin ang desisyon niya. Kahit ako man, nakikita ko kung gaano nahihirapan si Emma kapag nasa ospital siya. Pakiramdam niya patay siya. Mas gusto niyang matulog sa bahay nila kasama ang magulang niya. Makipagdate kay Sam hanggang sa kaya niya. Itinigil ko na rin ang pagiging third wheel sa buhay nilang dalawa. Hindi naman na takot si Sam sa pwedeng gawin ng mama niya. Mas takot siyang hindi masulit ang bawat araw na kasama niya si Emma.
BINABASA MO ANG
Third Wheel
Short StoryNaniniwala ako sa destiny. Naniniwala ako sa soulmate. Naniniwala akong may taong nakalaan sa bawat tao. Naniniwala ako na may taong darating para mahalin ako. Ang tanong ko lang, kailan? Hanggang kailan ako magiging mag-isa? Kailan ko makakasama 'y...