April 25, 2014
Ang bilis lumipas ng araw. Parang kailan lang, nalaman ko na may sakit si Emma. Pero ngayon, limang araw na lang bago ang araw na sinabi ng doktor. Araw na kinatatakutan naming lahat. Araw na kukunin siya sa amin.
Ilang araw ko na rin hindi nakakasama sina Emma at Sam. Madalas silang lumabas na dalawa. Pinili kong 'wag na sumama. May mali rin sa nararamdaman ko na kailangan kong obserbahan. Mula nu'ng nalaman ni Sam ang nangyari kay Emma, parang mas dumoble ang sakit na nararamdaman ko. Gusto kong tulungan si Sam pero hindi ko alam kung paano. Nu'ng nasa chapel kami, gusto kong pawiin 'yung luha na namumuo sa mata niya. Gusto kong gamutin 'yung sugat sa puso niya. Pero parang may mali. Alam kong hindi dapat. Hindi ko rin alam kung bakit gan'to 'yung nararamdaman ko.
"Anak, nasa baba si Sam." Nahinto ako sa pag-iisip nang marinig ko ang sinabi ni mama. Agad akong bumaba ng hagdan at naabutan ko siyang nakaupo sa sofa.
Habang dahan-dahan ang pagbaba ko, siya namang bilis ng tibok ng puso ko habang palapit ako sa kanya. Grace! Gumising ka! Mali 'yang nararamdaman mo. Hindi mo dapat nararamdaman 'yan! Matagal mo na siyang kilala at dapat hindi ka nagkakaganito!
"Grace." Nanigas ako sa kinatatayuan ko nang banggitin niya ang pangalan ko. Ang pangalan ko na para sa akin, hindi naging maganda, hindi attractive pakinggan. Pero ngayong binanggit niya 'yon, parang sobrang mahalaga 'to.
Lumapit ako sa kanya at naupo sa tabi niya. "Bakit napadalaw ka?" Tanong ko.
Huminga siya nang malalim bago nagsalita. "5 days to go. Hindi ko alam kung kakayanin ko." Nakita ko ang luhang lumabas sa mga mata niya. Nang makita ko 'yon, parang sobrang dinurog 'yung puso ko.
Umiwas ako ng tingin para hindi makita ang mukha niya. Ayokong nakikita siyang ganyan. Maaaring dati wala lang sa akin ang lahat. Pero ngayon, sobrang nag-iba. At 'yun ang bagay na hindi ko maintindihan. Lord, bakit hinayaan mong mahulog ako sa taong 'to? Hindi pwede.
"Masama mang pakinggan, pero alam mo, sana kunin na siya ngayon pa lang." Napatingin ako sa kanya sa sinabi n'yang 'yon. "Kasi, sobrang nahihirapan na siya. Kasi alam ko hindi na niya kaya. Kasi kapag magkasama kami, oo nakangiti siya, pero sa loob niya, alam kong pinapatay na siya ng cancer na 'yan." At humagulgol siya ng iyak na dahilan para mapayakap ako sa kanya. Niyakap naman niya ako pabalik. "Grace, anong gagawin ko kapag nawala siya? Hindi ko kaya Grace. Gusto ka na ring mamatay."
"'Wag mong sabihin 'yan. Ayaw ni Emma na nag-iisip ka ng ganyan. Hindi ba dapat maging masaya ka kasi nandyan pa rin siya? Kasi nabigyan ka ng pagkakataon na makasama siya ng matagal? Hindi katulad ng taong bigla na lang binabawian ng buhay, biglang nawawala ng walang paalam. Mas masakit 'yon 'di ba?"
"Naniniwala ako na lahat ng 'to may dahilan. Pero anong magiging magandang dahilan ng Diyos sa pagkawala ni Emma? Hindi ko maisip, Grace. Bakit kung kailan nahanap ko na 'yung para sa akin, saka pa siya mawawala?" Nasaktan naman ako sa sinabi niyang 'yon.
Hindi ko rin alam kung bakit ako nasasaktan kahit hindi naman dapat. Nasasaktan kahit walang karapatan. Tipong magugulat ka na lang, paggising mo, nahulog ka na.
"Pasensya ka na, hindi ko alam kung paano papagaanin ang loob mo. Pasensya ka na kung hanggang yakap lang ang kaya kong ibigay sa'yo. Hindi ko rin kasi alam ang sasabihin ko, Sam. Ako rin mismo nahihirapan sa mga nangyayari. Mula nu'ng nakilala ko si Emma, tinuring ko na siyang bestfriend ko. Siya ang nakakaalam ng buong pagkatao ko. Lahat ng sikreto ko siya ang nakakaalam. Kaya para sa akin, sobrang hirap mag-adjust kapag nawala siya sa buhay ko. Pero may dahilan si God kaya nangyayari ang lahat ng 'to. Naniniwala ako na kakayanin natin 'to. Kailangan nating maging matatag para kay Emma. Kailangan nating ipakitang masaya tayo para hindi siya malulungkot." At humiwalay ako ng yakap. "At isa pa, ayokong nakikitang nakabusangot 'yung kababata ko. Alam mo namang hindi ako sanay na nakikita kang malungkot. Ikaw nga 'tong masiyahin sa ating dalawa eh." Ngumiti naman siya at pinisil ang pisngi ko. Natigilan ako.
BINABASA MO ANG
Third Wheel
Short StoryNaniniwala ako sa destiny. Naniniwala ako sa soulmate. Naniniwala akong may taong nakalaan sa bawat tao. Naniniwala ako na may taong darating para mahalin ako. Ang tanong ko lang, kailan? Hanggang kailan ako magiging mag-isa? Kailan ko makakasama 'y...