SABI sa akin ni lola, ang memorya raw ng tao ang isa sa pinakamahalagang bagay sa mundo. Ito raw ang kaniyang kayamanang pinakaiingatan dahil doon nakaimbak ang mga ala-alang mahalaga.
Bago siya namatay, ikinuwento pa niya sa akin ang istorya ng pag-iibigan nila ni lolo. Inumpisahan niya sa kung paano sila nagkakilala hanggang sa pagpanaw ni lolo.
Sana ay gan’on din ako kay lola. Ayokong makalimutan ang bawat alaala kasama ang taong mahal ko. Subalit ang kinatatakutan ko ay nangyari na.
PAPASIKAT pa lang ang araw nang makarating ako sa park na tinatambayan ko tuwing umaga. Gamit ang aking baston ay lumakad pa ako papunta sa dulong parte ng park.
Napakapit ako nang mahigpit sa aking baston nang marinig ko na naman tunog na nagmumula sa violin. Napatingin ako sa lalaking nakaupo sa silong ng puno ng bayabas.
Tuwing umagang nagpupunta ako rito ay palagi siyang nandiyan at tumutugtog ng violin. Hindi ko maiwasang mapatitig sa kaniya mula rito sa. Isang taon na akong nagpapabalik-balik dito tuwing umaga at isang taon na rin siyang naririto at tumutugtog ng violin.
Iika-ika akong lumakad at umupo sa bench malapit sa silong ng bayabas. Noong nakaraang dalawang taon ay nagising na lamang ako sa isang ospital at hindi ko maigalaw ang kanang binti ko dahil sa isang sakuna. Nagising din akong hindi ko na maaalala ang nakaraan ko.
Nakakatawang isipin na bente pa lang ako pero may baston na ako’t iika-ika na parang isang matanda.
Sabi nina mama, kasama ko raw ang kaibigan kong si Shakira, na nasa ibang bansa na ngayon, noong nangyari ang sakuna. Matapos daw ang sakunang iyon ay labis siyang na-trauma kaya sumunod na siya sa mama niya sa ibang bansa.
Gustuhin ko mang tanungin si Shakira ngunit ayaw niya ng magkuwento dahil ayaw niya na raw alalahanin ang nangyari. Sinubukan ko ring tanungin sina mama ngunit ang palagi nilang isinasagot ay dahil sa lindol.
Napaawang ang aking bibig dahil unti-unting tumulo luha ng lalaki at napahikbi pa siya. Mayamaya ay tumigil siya sa pagtugtog at tumayo.
Napaiwas naman ako ng tingin. Naramdaman ko namang umupo siya sa’king tabi kaya napalunok ako.
“Araw-araw kang nauupo rito tuwing umaga,” saad niya kaya napatingin ako sa kaniya.
Umihip naman ang malamig na simoy ng hangin kasabay ng pagtatama ng mga tingin naming dalawa. Nagsitayuan ang mga balahibo ko dahil sa lamig. Kahit sumikat na ang araw ay malamig pa rin dahil Disyembre na.
“Araw-araw rin kitang nakikitang tumutugtog dito,” tugon ko naman. Napangiti siya nang mapait atsaka tumingin sa malayo.
“Iyon ay dahil pakiramdam ko ay may kulang sa akin. Hindi ko maintindihan ang aking sarili. May nag-uudyok sa’king tumugtog dito. Pakiramdam ko ay may hinihintay ako kahit wala naman,” pagkukwento niya. Halata sa kaniyang itsura na mas matanda siya sa akin ng siguro ay apat na taon.
Pagkatapos n’on ay muli na namang namayani ang katahamikan. Ang mga huni ng mga ibon lamang ang nadidinig ko.
“Ang galing mong tumugtog. Sana’y maging successful violinist ka,” pambasag ko sa katahimikan. Napabuntong-hininga naman siya.
Bakit ba siya ganiyan? Bakit parang ang lungkut-lungkot ng mga mata niya?
“Tinuruan ako ni Dad noong nakaraang taon,” matipid na tugon niya. “Teka, anong pangalan mo?” tanong niya sa akin.
“Rosie ang pangalan ko,” sagot ko. “Ikaw?”
“Tawagin mo na lang akong Rich.”
Muli akong napatitig sa kulay kape niyang mata. May kung anong kumurot sa puso ko at bigla na lamang akong naluha.

BINABASA MO ANG
Tanglaw
Short StoryKoleksyon ng mga maiikling kuwentong nagbibigay ng kaliwanagan at inspirasyon.