“PAANO nga ba nag-umpisa ang pag-iibigan namin?” Basa ko sa unang linya ng maikling kwentong binabasa ko mula sa isang anthology book.
“Binabasa mo na naman iyan, Lorraine?” tanong ni Ashlly sa akin kaya napatigil ako sa pagbabasa at tumango.
“Ako rin, ilang beses ko na yatang nabasa iyang Chapters of Life pero hindi pa rin ako nagsasawa. Ang ganda kasi at kapupulutan ng inspirasyon at aral sa buhay. Iyan na yata ang pinakamaganda sa lahat ng mga stories diyan sa anthology,” mahabang saad ni Ashlly kaya lumawak ang ngiti sa aking labi.
“Syempre, sino ba ang sumulat?” pabiro kong tanong.
“Walang iba kundi ang manunulat na si Lorraine Villanueva!” masiglang tugon niya. Mas lalo tuloy akong napangiti nang banggitin niya ang pangalan ko.
“Uuwi na nga pala ako dahil may gagawin pa ako,” pagpapaalam ni Ashlly. Tumango lamang ako at inilipat ang tingin sa malawak na pala-isdaan.
Ilang minuto akong napatitig doon at muling ibinalik ang tingin sa binabasa ko. Isinuot ko na ang aking salamin at sinimulan na ulit ang pagbabasa.
Kasabay ng pag-ihip ng payapang hanging humahalik sa akin balat ay ang pagbalik sa aking isipan ng mga alaala mula sa nakaraan habang ako ay nagbabasa.---
UNANG kabanata pa lamang ng buhay ko ay masasabi ko ng magulo ang lahat sa akin. Hindi ko alam kung anong landas ba ang tatahakin ko.
Tulala akong naglalakad pabalik sa aming eskuwelahan dala ang kartolinang binili ko sa palengke para sa aming group activity.
Pati sa aking paglalakad ay iniisip ko kung ano ba talaga ang gusto. Ano nga ba ang gusto kong trabaho sa buhay? Ni hindi ko alam kung ano ang ambisyon ko.
“Ang lalim ng iniisip mo. Baka lumagpas ka na sa destinasyon mo.” Napaahon ako mula sa malalim na pag-iisip nang may magsalita sa tabi ko.
“Paano ko malalamang lumampas na ako kung hindi ko naman alam kung saan talaga ang destinasyon ko?” tanong ko ng hindi tumitingin sa kaniya.
“Anong ibig mong sabihin?” tanong din niya kaya napatigil ako sa paglalakad at sa pagkakataong iyon ay napatingin ako sa kaniya. Napatingala pa ako dahil higit na mas matangkad siya kumpara sa akin.
Napansin kong magkapareho pala kami ng uniporme. Ibig sabihin ay pareho lang kami ng eskuwelahang pinapasukan.
“Wala, huwag mo ng intindihin ang sinabi ko,” tugon ko at ipinagpatuloy na ang paglalakad. Natanaw ko na sa 'di kalayuan ang gate ng school namin kaya dali-dali na akong naglakad. Malapit na rin kasing mag-ala una.
“Sa eskuwelahan lang naman ang alam kong pupuntahan mo. Iyon ba ang tinutukoy mo?” tanong niya ulit kaya muli akong napailing at bumuntong-hininga.
“Siguro ang ibig mong sabihin ay ang gusto mong tahakin sa buhay o ang ambisyong gusto mo,” sambit niya kaya napatango ako.
“Nakuha mo ang punto ko,” tugon ko at inayos ang aking buhok na nilalaro ng hangin.
“Our path to success is like a maze. Never look back, just move forward. Even if we cannot yet see the fulfillment, we must still go on,” makahulugang sabi niya at nauna na sa akin sa pagpasok sa gate ng school hanggang sa tuluyan na siyang maglaho sa paningin ko.
Unang beses pa lang na nagkrus ang landas naming dalawa ay alam kong siya na ang makatutulong sa akin upang malaman kung ano nga ba ang landas na tatahakin ko.
NOONG sumunod na araw ay mag-isa akong pumunta sa grandstand ng school. Katatapos lang ng klase namin sa Philippine Politics and Governance at wala kaming susunod na klase.
BINABASA MO ANG
Tanglaw
Historia CortaKoleksyon ng mga maiikling kuwentong nagbibigay ng kaliwanagan at inspirasyon.