Vision

44 3 0
                                    

HORROR.

"Alam mo, Hija, hinding hindi ka na lugi rito. Mura at talagang napakaganda ng bahay na ito," paliwanag ng ale habang ngiting ngiti sa akin. Nilibot ko ang kabuuan.

"Tunay ngang maganda ang bahay na 'to, pero bakit ho ba ito inalisan kung ganoon?" kunot noo kong tanong. Saglitan itong napaisip at ngumiti nang mapait.

"Ah, hindi kasi nakapagbayad ng renta ang dating tumira rito. Nabaon na kasi sa utang kaya't wala nang pambayad," paliwanag nito nang hindi ako tinatapunan ng tingin. Napatango na lang ako. "Oh siya, Andoy ilipat mo na ang mga gamit ni Hanna. Siya na ang bahala sa'yo, hija."

Nang maghapon ay iniwan na ako ni Mang Andoy. Habang nag-aasikaso ay bigla akong nakarinig ng iyak. Sinundan ko kung saan nanggagaling ang iyak na 'yon. Sumilip ako sa butas ng pinto ngunit kulay abo lamang ang nasipat ko kaya't lumabas na ako. Nakita ko ang isang babaeng nakatalikod habang naglalaba. Batid kong siya ang naririnig kong umiiyak dahil nakikita kong umaangat-angat ang balikat niya sa paghikbi.

"M-miss?" utal kong sabi. Dahan-dahan itong humarap. Kinilabutan ako nang bigla itong ngumisi. Tumayo siya at inilahad ang kaniyang kamay.

"Ako nga pala si Brenda, ikaw ba?"

Iniabot ko ang kamay ko sa kaniya at nagpakilala. "P-pwede ko bang tanungin kung bakit ka umiiyak?" nahihiya kong tanong.

"E, pa'no napasukan ng sabon ang mata ko. Teka, saan ang apartment mo rito?" tanong nito.

"Ayan lang," sambit ko at itinuro ang katapat na pintong kinatatayuan namin ngayon.

"P'wede mo ba akong imbitahin d'yan mamaya? Tatapusin ko lang ang nilalabhan ko."

"O, sige. Papasok na muna ako at magluluto ng pagkain."

"Salamat, Hanna."

Ngumiti na lang ako at tuluyan nang pumasok. Habang nagluluto ng sinigang ay nag-so-soundtrip ako gamit ang earphone. Kukuha na sana ako ng mangkok upang isalin roon nang bigla akong mapahiyaw. Nakaupo na sa tapat ng mesa si Brenda habang seryoso akong pinagmamasdan.

Malalim akong napabuntong hininga. "Ano ba naman 'yan, Brenda, papatayin mo ako sa nerbiyos. Hindi ka man lang kumatok."

"Dapat kasi ay nilo-lock mo ang pinto. Ang gulo ng bahay mo, nakakairita. Nawalan na ako ng gana kumain," inis nitong tugon at padabog na lumabas. Napailing na lang ako dahil sa biglaang pagbabago ng mood niya.

Kinabukasan ay naghanap ako ng eskwelahang p'wedeng mapasukan. Nirekomenda sa akin ni Brenda ang eskwelahang pinapasukan niya. Talagang namangha ako sa ganda ng Eastwood University kaya't hindi na ako nagdalawang isip na enroll-an ang unibersidad na 'yon.

"Wow, grabe ang ganda rito! Nauubusan ako ng salita sa sobrang laki at ganda ng unibersidad na ito. Tiyak na mamamangha rin ang Pamilya ko kapag nakita nila ito," tugon ko sa sarili at nagselfie kasama ang malaking gusali ng unibersidad.

"'Wag kang mag-picture!" saway sa akin ng isang babae. Kinilabutan ako nang titigan niya ako nang masama. Napatingin ako sa sunog nitong braso ngunit agad niyang itinago 'yon. Sinend ko na lang ang selfie ko sa aking kapatid.

Nagtaka ako nang mabilis na maglaho ang babaeng sumaway sa akin. Nagtungo ako sa office ng unibersidad upang tanungin ang hakbang ng pagpapaenroll. Tinuro naman nila sa akin kaya maaga akong natapos. Dismayado lang ako sa uri ng pananamit, civillian lang kasi ang ikinokonsiderang uniporme nila.

Habang naglalakad pauwi ay may nakita akong isang matanda na nakatingin sa akin at tila may gusto itong sabihin. Binilisan ko na lang ang lakad ko hanggang makarating sa apartment. Agad akong sumalampak sa kama dahil pakiramdam ko ay pagod na pagod ako. Pipikit na sana ako nang makarinig na naman ako ng iyak. Parang nanggagaling sa labas. Sumilip ako sa butas ng pinto ngunit kulay abo na naman ang nakikita ko.

One Shot Stories (Compilation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon