Muling huminto ang aking mundo, tanging ang napakabilis na pintig lamang ng puso ko ang aking naririnig. Akala ko ay wala na, akala ko ay tapos na, ngunit sa muling pagkikita nating dalawa nanumbalik ako sa umpisa.
"Kamusta?" mas bumilis pa ang tibok ng aking puso ng marinig ko ang iyong tinig.
Nablanko ang aking isipan at ang puso ko ay patuloy sa pagtibok ng mabilis. Parang gusto ko na lamang piliin ang umalis.
"A-ayos lang. I-ikaw?" Mautal utal kong sagot. Sa labis kong pagkagulat ay 'diko alam ang isasagot ko.
"Heto masaya naman. Nasabik akong makita kang muli. Akala ko ay di kana muling magpapakita." Saad niya. Nagkwentuhan lamang kami at mabilis na lumipas ang oras.
Ilang linggo ang makalipas matapos ang aming muling pagkikita. Walang pinagbago ang aking nadarama. Alam ko sa aking sarili na siya parin talaga. Tila ang puso kong ito ay sa karupukan sumobra.
Dahil heto siya handa muling sumugal at magtiwala."Malayo ang tanaw natin diyan ah" bati sa akin ng aking kaibigan. Nasa labas ako ngayon ng aming bahay at nakatambay.
"Nag iisip-isip lang" sagot ko.
"Balita ko ay nagkita na naman kayo ni luna. Ano? Kamusta?" Tanong niya.
"Heto, walang pinagbago ganoon parin ang nararamdaman ko" sabay ang pagbuntong hininga ko. "Akala ko pa naman kapag nagkita na kaming muli 'di na ganito. Akala ko ay tuluyan ng nakalimot ang puso ko. Ngunit heto umaasa parin sa kaniya. Patuloy paring kumakapit sa mga pangako niya" pagpapatuloy ko.
"Bakit hindi mo subukan na sumugal ulit sa kaniya? Malay mo naman ay pwede na? Malay mo naman ay kayo na?" Tanong niyang muli.
Sa iniwan niyang katanungan ay buong gabi akong naguluhan. Paano kung tama siya. Paano kung maaari na kaming dalawa. Sobrang daming paano ang bumabagabag sa aking kalooban.
Hanggang sa buo na ang aking loob, na sa pagkakataong ito ayokong magsisi sa bandang huli. Ayokong manghinayang balang araw. Ayokong sisihin ang sarili ko na hindi ako sumugal, na ako ay naduwag. Ayokong mabuhay na puno ng paano.
Kinabukasan ay nagpunta ako sa kanilang tahanan at siya ay aking kinausap.
"Anong ginagawa mo rito ginoo?" Gulat niyang tanong.
"Mangangamusta lamang binibini" agad kong sagot. Hanggang sa nabalot ng katahimikan ang aming usapan. Sanay hindi niya naririnig ang tibok ng aking puso. Labis akong kinakabahan.
"May gusto sana akong sabihin sa'yo" sabay na sambit namin sa isa't isa.
"Ah, mauna kana binibini." nahihiya kong sabi.
"Ikaw na!"
"Pasensya na, hindi ko sinasadya ikaw parin talaga. Ikaw parin ang gusto ko. Ikaw parin ang mahal ko."
