Sa panahon ngayon, mapusok na ang kabataan. Uso na ang pagtatanan, uso na ang pagbu-buntis ng maaga. Kaya nama'y isang araw, nung kumalat sa paaralan na tatlong araw ng hindi umuuwi ang kaibigan kong si Tina ay nagsimula na ang bulong-bulungan ng iba. Lalo pa't base sa reputasyon ng kaibigan kong si Tina na animo'y kakaiba ata ang tama ngayon sa kaniyang kasintahan, malaki ang posibilidad na nakipagtanan ito. Napailing-iling nalang tuloy ako rito.
Si Tina ay ang kaibigan kong masasabi ko na siyang isang malaking kabaligtaran ko. Siya kasi ang tipo ng babaeng laging nakangiti, kaibigan ng lahat at animo'y walang piniproblema sa buhay. At dahil nga sa ugali niyang iyon, siya'y nagiging kaibigan narin ng lahat. Samantala, ako nama'y babaeng palaging mag-isa, halos walang maguhit na ngiti miski saking mga labi, at masasabi mong pasan-pasan ang problema ng mundo. Pero kahit ganon, matalik kaming magkaibigan ni Tina. Lalo pa't siya lang ang natatanging taong tumanggap sa akin, at gan'on din ako sa kaniya.
Pero walang perpekto ika nga. Kaya nama'y kahit na maraming kaibigan si Tina, ang sabi niya'y ako lang ang pinakamatalik niyang kaibigan. Dahil sa lahat, ako lang ang nag-iisang taong nakakaalam ng mga hindi kaaya-ayang parte ng pagkatao na meron siya.
Hindi ko alam kung ano ba pero masasabi kong bisexual ata si Tina. Marahil ay ayaw niya iyong aminin sa sarili niya kaya nama'y panay ang pagpapapalit-palit niya ng boyfriend habang paunti-unti akong pinagsasamantalahan.
Oo. Pinagsasamantalahan.
Dahil sa tuwing nalalasing si Tina, animo'y nawawala siya sa sarili at ako ang ginagamit niyang instrumento para makapagpasaya ng sarili niyang libog. Pero kinaumagahan, ang masasabi niya lang ay patawad at sabi pa'y wala siyang maalala sa lahat ng mga nangyari.
Si Tina ang nakauna sa'kin. At sa kasamaang-palad, puwersahan ang nangyari. Pero sa isiping si Tina ang siyang nag-iisang taong tumanggap sa akin bilang isang tunay na kaibigan sa kabila ng kawalan ko ng magulang at pinansiyal na pangangailangan, dahan-dahan kong itinatak sa isip ko na tatanggapin ko rin ang siyang maling ito ni Tina. Dahil mula nung araw na 'yon, tinanggap ko na sa sarili kong pareho na kami ni Tina na nasa ilalim ng kumot ng dilim. Dahil mula din nung araw na yon, nalaman kong hindi lang pala ako hinila ni Tina mula sa paglamon ng dilim ng mundo ko, kundi hinila niya rin ako papasok sa dilim ng mundong kinalalagyan niya. Ang kinaganda lang, sa panibagong kadiliman na siyang nararanasan ko ngayon ay hindi na ako nag-iisa. Dahil mula ngayon, may kasama na ako. Kasama ko siya.
Ngunit isang araw, nakaramdam ako ng takot. Sinabi sakin ni Tina na may isang lalake siyang tunay na kinahuhumalingan na ngayon. Humingi siya ng tawad sakin, nakipaghiwalay sa iba niyang mga kasintahan, at sa huli, malawak ang ngiting pinakita niya sa akin ang litrato ng isang lalakeng sinasabi niyang tunay niya ngayong kinahuhumalingan. Ang siyang lalakeng sinasabi niyang huling taong gugustuhin niya dahil mula ngayon, seryoso na siya.
Humingi siya ng tawad sa lahat ng ginawa niya sakin. Ang sabi niya pa, pinapalaya niya na ako't sigurado na siyang totoong magbabago na siya.
Masaya na siya.
Masaya na siya habang hinahabol-habol ang lalakeng sinasabi niyang bagong minamahal niya. Pero ako, hindi ako masaya.
'Bakit? Bakit mo ako pinapalaya? Ngayon pa na ako na mismo ang may ayaw na makawala sa iyo? Bakit parang laruan lang ako na pagkatapos mong gamitin ay itataboy mo nalang sabay sabing malaya na ako? Na tapos na tayo?' sa isip-isip ko noon habang nakatingin sa nakangiti niyang mukha.
Malinis ang ngiting iginawad ko noon kay Tina nung sinabi niyang malaya na ako. Ang sabi ko pa noon, sinusuportahan ko siya. Kung saan siya masaya. Pero ang totoo, nung araw na yon, sa likod ng mga ngiti ko ay ang siyang unti-unting pagdidilim ng kislap mula sa mga mata ko.
'Iiwan mo ko? Hindi ganon ka simple yon, Tina.' Sa isip-isip ko n'on habang ninanamnam sa huling sandali ang mga ngiti niya.
Isang araw, inaya ko si Tina na mag-inom sa bahay. Sinabi ko n'on na iyon na ang huling magiging koneksyon ng kakaibang relasyon namin. Dahil pagkatapos ng araw na 'yon, magiging malinis na magkaibigan nalang kami.
Pumunta siya nung gabing 'yon, pero kinaumagahan, hindi na siya nakauwi sa kanila. Dahil nung gabing 'yon, nilasing ko siya ng todo. At nung ramdam kong malapit na siyang mawalan ng malay sa kalasingan, hinalikan ko siya.
'Huling halik,' ani ko pa n'on.
Tinulak niya ako n'on, sabay bulong sa sarili na nagbago na siya. Na hindi na siya magkakaroon pang muli ng kakaibang relasyon sa iba, bukod sa lalakeng siyang minamahal niya ngayon.
Mapait akong napangiti n'on. Hindi na niya dapat naisip pang magbago. Handa naman akong may kahati sa kaniya eh. Pero hindi. Ayaw niya na. Iiwan niya na ako.
Malakas ko siyang hinigit n'on at muling hinalikan. Pero malakas niya lang din akong tinulak habang umiling-iling at bumubulong na ayaw niya.
Ayaw niya? Natawa ako r'on. Bakit nung unang gabing inangkin niya ako, nung nag-uumiyak ako noong nakikiusap na huwag niya akong galawin, na magising na siya at tigilan ang ginagawa niya, bakit hindi siya tumigil? Bakit hindi niya ako pinakinggan?
Nanggigigil na hinigit ko ang buhok sa ulo niya. Pagkatapos ay marahas ko siyang muling hinalikan.
'Huli na talaga to,' muling bulong ko sa sarili ko bago ko hiniwalay ang mga labi namin at dumistansiya mula sa kaniya. Pagkatapos ay walang pag-aalinlangan kong kinuha ang bote ng alak na ininom namin tsaka malakas na hinampas iyon sa ulo niya.
Mabilis lang siyang nawalan ng malay at natumba sa sahig. Natatawang kinuha ko ang itak na siyang tinago ko sa ilalim ng mesang gamit namin. Doon, sa isang malakas na paghampas, tumama ang talim ng itak na hawak ko sa leeg niya. Dinig ko n'on ang pagkadurog ng mga buto niya roon at dama ko rin ang pagtilamsik ng dugo papunta sa'kin. Pero hindi ko pinagtuunan ng pansin ang mga 'yon, bagkus tinitigan kong mabuti ang unti-unting paghina ng pagtaas-baba ng dibdib niya.
'Malapit na siyang mawala,' animo'y bulong ng isang boses sa utak ko dahilan para makaramdam ako ng saya. Kaya muli, hinampas ko ang itak sa leeg niya dahilan para tuluyang humiwalay ang ulo niya sa katawan niya.
Malakas ang naging pagdaloy ng dulo mula sa leeg niya. Kita ko rin ang animo'y huling pagnginig ng katawan niya bago ito tuluyang hindi na gumalaw.
'Patay na siya. Hindi na siya sasama pa sa iba.' muling bulong ng boses sa isip ko dahilan para mapangiti ako.
Pero hindi pa ako kuntento. Hindi pa ako masaya. Hindi pwedeng iwan niya ako. Hindi pwede!
Kaya nama'y nagdesisyon na ako.
Pinutol ko at pinaghiwa-hiwalay ang mga kamay at paa niya. At sa kalagitnaan ng gabi, hila-hila ang isang sako, lumabas ako ng bahay at tumungo sa bundok malapit sa bahay na 'to. Doon, hiwa-hiwalay kong nilibing ang mga parte ng katawan niya. Samantala, ang ulo niya nama'y hiwalay na tinago ko sa lugar na kaming dalawa lang ni Tina ang nakakaalam.
![](https://img.wattpad.com/cover/245210986-288-k548606.jpg)