Sarado na ang kaso

6 0 0
                                    

Kinabukasan, bandang hapon, tumawag ang ina ni Tina. Tinatanong kung nasa bahay ba si Tina. Sinagot ko ito na 'wala po siya rito.' Pagkatapos n'on ay naghabilin pa ang ina nito na sakaling alam ko kung nasaan si Tina ay sabihin ko raw sa kaniya. Pero napangiti lang ako n'on habang hawak-hawak ang selpon ko. Kahit alam ko pa, hindi ko sasabihin sa kanila.

...

Makalipas ang tatlong araw, malakas na ang ugong ng mga kwento sa lugar namin. Ang mga tao'y may sari-sariling kwento ukol sa pagkawala ni Tina. Ani ng iba'y nakipagtanan na ito. Ani naman ng iba'y may masamang nangyari na rito. 

Sa huli, sa dami ng kwentong kumalat, hindi parin alam ng lahat kung nasaan na si Tina.

Pero isang araw, kumatok sa pinto ng bahay ko ang mga pulis. Inimbitahan nila ako sa presinto at kinausap ako ukol sa pagkawala ni Tina.

Alam kong gusto lang nila ng kaunting impormasyon para sa kaso at hindi pa ako pinaghihinalaan na suspek. Pero mukhang sumabit yata ako sa ilan sa mga sagot sa mga tanong nila. Dahil bago lumabas ang babaeng pulis na nag-iinterbyu sakin, may paghihinala ang mga mata ang itinuon nito sakin.

...

Tatlong araw matapos akong makausap ukol sa kaso, muli akong dinampot ng mga pulis. Pero sa pagkakataong ito, tuluyan na nila akong ikukulong.

Naisip ko nalang nung pinosasan na ako'y tipong 'Sarado na ang kaso.'

Hindi malinis ang pagkagawa ko sa krimen. Maraming butas sa plano at maraming ebidensiya ang naiwan sa bahay ko. Kaya nama'y hindi narin ako nagtaka na nalaman nilang ako ang pumatay.

Kinabukasan din pagkatapos nila akong ikulong ay nakita na nila ang ilan pang mga parte ng katawan ni Tina sa may paanan ng bundok. Doon din nila nahinuhang nawawala ang ulo ni Tina.

Pinuntahan nila ako. Tinanong nila kung saan ko tinago ang ulo ni Tina. Pati ang mga magulang ni Tina, nagbanta, nakiusap at nagmakaawa sakin para lang sabihin ko kung nasaan ang ulo ni Tina. Pero hindi ko iyon sinabi kahit kanino.

Kapag sinabi ko yon, hindi na kami magsasama ni Tina. At hindi ko gustong mangyari yon.

Dahil sabi nila, kapag ang tao, namatay sa hindi makatarunangang pamamaraan, nanatili sila sa mundo. At ani pa nila, hindi nito titigilan ang taong pumatay sa kanila lalo pa't kung may mahalagang bigay silang hindi makuha dahilan para hindi sila tuluyang makapagpahinga at tumungo sa kabilang buhay.

Kaya nama'y tinago ko ang ulo ni Tina.

Walang ibang p'wedeng makaalam kung naasan 'yon. Dahil iyon lang ang natatanging paraan para patuloy ko siyang makasama at para hindi ako maiwang mag-isa sa dilim.

Kaya nama'y tuwing gabi, napapangiti nalang ako habang nakatingin sa isang gilid, sa madilim na parte ng kulungan ko kung saan maaaring nandoon lang si Tina, nakatayo at nakatingin sa akin.

Doon, paulit-ulit akong bumubulong at nagtatanong sa hangin.

'Tina, nandito ka ba?'

-END-

Tina, nandito ka ba? (One-shot)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon